Husgahan Natin

Mataas na bayarin sa hukuman

Isang grupo ng manggagawa ang nagtanong sa atin: “Paano ba kung hindi namin kaya ang gastusin sa aming mga kaso? Ano pa ang pwede naming gawin?” Tama lang na itanong nila ang bagay na ito. Sa kasalukuyan , nakaka- alarma nga ang taas ng bayarin sa husgado, pati na ang sa kaso ng mga manggagawa. […]

Isang grupo ng manggagawa ang nagtanong sa atin: “Paano ba kung hindi namin kaya ang gastusin sa aming mga kaso? Ano pa ang pwede naming gawin?”

Tama lang na itanong nila ang bagay na ito. Sa kasalukuyan , nakaka- alarma nga ang taas ng bayarin sa husgado, pati na ang sa kaso ng mga manggagawa.

Halimbawa, sinasabi ng batas na ang isang manggagawa na natalo sa kanyang kaso sa tanggapan ng Labor Arbiter ay maaring mag-apela sa National Labor Relations Commission (NLRC). Upang makapasok ang kanyang apela, kailangan niyang niyang magbayad ng appeal fee sa halagang P520 sa gobyerno.

Kung sakaling magkaroon ng desisyon ang NLRC at hindi pa rin kontento rito ang manggagawa, pwede siyang umakyat sa Court of Appeals (CA). Ang tawag sa dokumentong maari niyang isampa ay Petition for Certiorari.

Alam ba ninyo ang halagang dapat ibayad sa CA para tanggapin ang inyong Petition for Certiorari ? Humigit kumulang P4, 500! Nawalan ka na nga ng trabaho, pinagbabayad ka pa ng malaking halaga?

At kung sakaling talo pa rin sa CA ang inyong kaso, ayon sa batas, maari ka pa ring umakyat sa Korte Suprema. Ang tawag sa pleading na maari ninyong isampa ay Petition for Review on Certiorari. Ngunit katulad ng dati, may babayaran din kayo sa gobyerno. Ang hinihingi ng Korte Suprema sa mga nagsasampa ng petisyon na ito ay humigit kumulang P3, 500.

Ang pinag-uusapan natin, mga mambabasa, ay iyong mga bayarin na hinihingi pa lamang ng gobyerno. Hindi pa kasama rito ang magagastos ninyo sa pagpapa-photocopy o pagpapa-reproduce sa mga dokumento na kailangan sa inyong kaso.

Halimbawa, sa CA, kailangan ninyong ilakip sa inyong petisyon ang lahat ng pleadings na ginawa ninyo at ng inyong kalaban sa harap ng NLRC at Labor Arbiter. Ang inyong petisyon, na kalakip ng mga attachment o annex, ay kailangang umabot sa pitong kopya . Kung hindi ay hindi ito tatanggapin ng CA. Kailangan ding magbigay ng kopya ng inyong petisyon sa kalabang abogado, sa Office of the Solicitor General at sa NLRC, bago ito tanggapin ng CA. Kaya reproduction cost pa lang, tiyak na malaki na ang inyong gastos.

Pagdating naman sa Korte Suprema, ganun pa rin ang mangyayari at mas malala pa nga. Dalawampung kopya ng inyong Petition for Review on Certiorari ang kailangang ibigay sa Korte Suprema. At kailangan ding magbigay muna ng tig-isang kopya nito sa kalabang abogado, sa Office of the Solicitor General , at sa CA bago ito tanggapin ng Korte Suprema.

Paano nga ngayon kung ikaw ay isang manggagawa na nawalan ng trabaho at gusto ninyong i-apela ang inyong kaso? Ano ang mga paraan na maaring gawin para maiwasan ang nasabing mga legal fees?

Una, maari kayong gumamit ng serbisyo ng mga abogado ng Public Attorney’s Office (PAO) o di kaya ay abogado ng Legal Aid Office ng Integrated Bar of the Philippines (IBP).

Ayon sa RA 9406, ang serbisyo ng PAO ay walang bayad at ang mga kliyente nito ay hindi dapat pagbayarin ng kung anumang legal fees kaugnay ng kanilang mga kaso.

Pagdating naman sa mga IBP Legal Aid Offices , kamakailan lang ay dineklara ng Korte Suprema na ang mga kliyente nito ay exempted na rin sa pagbabayad ng legal fees sa kanilang mga kaso.

Paano ngayon kung pribadong abogado ang may hawak ng inyong kaso? Kung tangan ng pribadong abogado ang inyong kaso, kailangang maghain kayo ng Motion to Litigate as Pauper Litigant. Kung maaprubahan ito ng husgado, exempted na kayo sa pagbabayad ng legal fees kaugnay ng inyong kaso.

Sa inyong motion, kailangan ang certification mula sa social worker ng inyong munisipyo o lungsod at pati na rin sa inyong barangay captain na kayo ay nabibilang sa mahihirap na pamilya at walang kakayanang magbayad ng babayarin sa husgado.

Kailangan din ang certification mula sa inyong Municipal o City Assessor’s Office na wala kayong rehistradong real properties o kung meron man, hindi ito lumalampas sa P300,000. Kailangan din ang affidavit ang isang taong hindi mo kamag-anak na ikaw ay talagang walang kakayahan para magbayad ng legal fees at pati na rin ang affidavit ng inyong abogado na hindi niya kayo sinisingil sa paghawak niya ng inyong kaso .

Matrabaho ang pagkuha ng mga dokumentong ito, mga mambabasa, pero sa ngayon, ito lamang ang paraan para makaiwas sa pagbayad ng mabigat na bayarin para sa ating mga kaso.

Maliban na lamang kang dumating ang araw kung saan mapalitan ang ating mga batas at lahat ng manggagawa ay hindi na sisingilin ng hukuman.