Palasyo hinimok na panatilihin ang kontrol sa presyo ng langis
Hindi dapat bumigay si Pangulong Arroyo sa presyur mula sa malalaking grupong negosyante na tutol sa pansamantalang pagpako sa presyo ng langis, ayon sa magkahiwalay na pahayag nina Sen. Francis “Chiz” Escudero at Bayan Muna Rep. Satur Ocampo ng oposisyon. Kasama ng malalaking kompanya ng langis, umalma na ang Joint Foreign Chambers, Management Association of […]
Hindi dapat bumigay si Pangulong Arroyo sa presyur mula sa malalaking grupong negosyante na tutol sa pansamantalang pagpako sa presyo ng langis, ayon sa magkahiwalay na pahayag nina Sen. Francis “Chiz” Escudero at Bayan Muna Rep. Satur Ocampo ng oposisyon.
Kasama ng malalaking kompanya ng langis, umalma na ang Joint Foreign Chambers, Management Association of the Philippines, Philippine Chamber of Commerce and Industry, Makati Business Club, at Federation of Philippine Industries sa Executive Order 839 na ipinapako ang presyo ng mga produktong petrolyo sa antas nito noong Oktubre 15.
Pero ayon kay Escudero, “Bakit hindi makapaghintay ang mga kompanya ng langis hanggang nakabangon ang mga mamamayan mula sa kalamidad?”
“Dahil sa kasalukuyang sigalot sa pandaigdigang ekonomiya, nakikita natin ang mga gobyerno na gumagampan ng mas aktibong papel sa pagreregula. Ito na lamang ang pinakamaliit na puwedeng gawin ng gobyerno para maibsan ang paghihirap ng sambayanan,” paliwanag pa niya.
Kaugnay nito, nanawagan ang senador sa kanyang mga kasamahan sa Kongreso na kagyat na aksiyunan ang mga panukala para sa pagrepaso o pagbasura sa Oil Deregulation Law.
Ipinasa ngoong 1998, hindi napigilan ng Oil Deregulation Law ang pagsirit ng presyo ng langis kundi tinitingnan na nagpalala pa sa kontrol ng kartel sa langis sa merkado.
“Paso na ang batas na ito. Kailangan nating mabilis na umaksiyon bago magkatotoo ang pangitain na lalampas sa $100 kada bariles ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado kapag bumuti na ang lagay ng pandaigdigang ekonomiya,” babala ni Escudero.
Ayon naman kay Ocampo, isa rin sa mga nagtutulak sa pagbabasura ng Oil Deregulation Law, “Matagal na ang panawagan na iregula ang presyo ng langis–kinailangan pa ang serye ng mayor na mga kalamidad para ipatupad ito ng gobyerno.”
Kapag bumigay si Arroyo sa hiling ng malalaking negosyante, muling mananalo ang kartel sa langis at mapapatunayan ang “kahinaan at kainutilan ng gobyerno,” pahayag ng mambabatas.
Hinamon ni Ocampo si Arroyo na huwag tumigil sa EO 893, kundi ayusin ang buong industriya ng langis sa pamamagitan ng pagreregula at pagsasabansa nito sa kalaunan.