Hanggang sa kalaboso
Kung mayroon mang mas nakakabaligtad pa ng sikmura kaysa sa makita ang mga larawan ng ginawang brutalidad laban sa mga sibilyang pinaslang sa Ampatuan, ito ay ang makita si Gloria Macapagal-Arroyo na winawasiwas ang mga larawang ito, sa ulat ng gobyerno para kumbinsihin ang Kongreso na katigan ang batas militar na idineklara noong Dis. 5 sa probinsya ng Maguindanao.
Kung mayroon mang mas nakakabaligtad pa ng sikmura kaysa sa makita ang mga larawan ng ginawang brutalidad laban sa mga sibilyang pinaslang sa Ampatuan, ito ay ang makita si Gloria Macapagal-Arroyo na winawasiwas ang mga larawang ito, sa ulat ng gobyerno para kumbinsihin ang Kongreso na katigan ang batas militar na idineklara noong Dis. 5 sa probinsya ng Maguindanao. Ang batas militar ay hindi kautusan ng isang Pangulong may pusong nagdurugo’t naghuhumiyaw ng hustisya para sa mga biktima ng masaker, ng isang Pangulong seryoso at sinsero sa pagtugis sa pangunahing mga suspek. Kautusan ito ng isang Pangulong duguan din ang kamay sa karumal-dumal na krimen, ng isang Pangulong sinunggaban ang oportunidad para ipasilip ang kanyang huling baraha sa laro ng pag-aangkin ng higit pang kapangyarihan.
Kung kumikilala ng konsepto ng hustisya si Arroyo, nararapat niyang ikalaboso ang kanyang sarili—kasama ang pamilya Ampatuan –at ibaon ang susi kung saan hindi ito mahuhukay ng isanlibong backhoe. Dahil kung tutuusin, kasimbigat o mas mabigat pa ang pananagutan ni Arroyo kaysa sa mga Ampatuan.
Inarmasan niya, sa bisa ng Executive Order 546, ang Civilian Volunteer Organizations (CVOs) o mga sibilyan para tugisin ang mga sa pamumuno ng mga lokal na opisyal ng gobyerno. Ginamit ang mga CVO na ito ng lokal na warlords gaya ng mga Ampatuan. Bukod pa rito, commander-in-chief si Arroyo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagmamay-ari ng nahukay na mga armas sa kamay ng mga Ampatuan, ng Philippine National Police (PNP) na hinayaan sa matagal na panahon ang mga Ampatuan na gamitin sa kanilang ngalan ang ilang sasakyang pandigma, ang AFP at PNP na kundi man naroroon at sumusunod sa mando ni Mayor Andal Ampatuan Jr. noong masaker ay tumingin sa kabilang direksiyon habang nagaganap ito.
Katawa-tawa na ang sabwatang ito sa pagitan ng AFP, PNP, at mga Ampatuan ang ginagamit pang patunay ng “rebelyon” diumano ng huli at batayan ng batas militar. Kung gayon, hindi ba’t kasama sa rebelyon ang AFP at PNP, at si Arroyo mismo na kanilang commander-in-chief? Hindi ba’t nararapat silang usigin at panagutin, kaysa bigyan ng absolutong kapangyarihan? Bago ang deklarasyon ng batas militar, tinanggal sa puwesto at pinangakong iimbestigahan ang ilan sa mga lokal na kumander at elemento ng AFP at PNP. Pansinin na tuluyan na silang naglaho sa mata ng publiko, sa pagpasok ng panibagong mga tangke at tropa sa probinsya, sa gitna ng sunud-sunod na pag-aresto ng mga miyembro ng CVOs na ipasasalamat umano sa deklarasyon ng batas militar. Ngunit kinukuwestiyon mismo ng mga dalubhasa sa batas na nagsampa ng petisyon sa Korte Suprema ang wisyo ng pangangailangan ng deklarasyon para sa mga pag-arestong ito—hindi ba’t sa kasong kriminal na isinampa laban kay Ampatuan Jr., kasama ang 100 John Does na maaari nilang gawing batayan sa pag-aresto ng sinumang may dahilang pagsuspetsahan? Ano, kung gayon, ang totoong silbi ng deklarasyon ng batas militar?
Bumabalik at bumabalik kay Arroyo ang puno’t dulo. Si Arroyo, na pangunahing nakinabang sa lokal na diktadurya ng mga Ampatuan sa Maguindanao (kung saan kuwestiyunable ang pagkatalo ng kanyang kalaban sa halalan noong 2004, at landslide victory naman ang kanyang mga kandidato noong 2007), at takot na kung isasakdal nang tuluyan ang mga Ampatuan, isusumbong ng huli ang dayaang maaari niyang tuluyang ikasira. Kaya sa iba pang mga pamilya labas kay Ampatuan Jr., “rebelyon”, isang krimeng may piyansa, ang ikinaso ng gobyerno sa halip na murder, isang krimeng walang piyansa. Pagbabaluktot ito, hindi lamang sa Revised Penal Code, kundi sa 1987 Konstitusyon na nagsasabing isa ang “rebelyon” sa mga posibleng batayan ng batas militar. Muling pinili ni Arroyo na baluktutin ang mga saligang batas ng bansa para iligtas ang sarili, ang kanyang mga kaalyado, at higit pa rito, para masubukan kung may kukurap sa paggawad niya sa kanyang sarili ng tinataguriang korona ng isang absolutong diktadurya.
Hindi man inaasahan ng pinakamasugid na kritiko ang marami sa kanyang mga pinakasugapa-sa-kapangyarihang hakbang, kapag isinasagawa na ang mga ito ay halos mababasa na ang laman ng kanyang utak: “Batas militar, ngayon lamang muli sa loob ng halos 40 taon. Eh kung sa buong bansa? Papayag kaya ang taumbayan?” Kaya’t gaano man kasigasig ang administrasyon sa pangungumbinsi sa publiko na magaganap ang halalan sa 2010, ibayong ligalig ang sumasapit sa isang bansang naghahanda na sanang isuka nang buong-buo ang Pangulo at kanyang mga kaalyado na isinadlak ang Pilipinas sa burak ng ibayong kahirapan, korupsiyon, at kawalang-respeto sa karapatang pantao.
Wala sa puso at isipan ng gobyerno ang hustisya nang ideklara nito ang batas militar. Ngunit nasa puso at isipan ng bawat Pilipino ang hustisyang ito, hindi lamang para sa mga biktima ng masaker sa Ampatuan, kundi para sa minasaker din na kalayaan at kagalingang bayan sa loob ng huling siyam na taon. Tumitibay muli ang hanay ng mga mamamayang napopoot at mapagmatiyag, handang tumindig at magpakita ng lakas sa mga lansangan. Magpupursige sila—mga estudyante, manggagawa, magsasaka, taong-simbahan, kababaihan, maralitang lungsod, kawani ng gobyerno, migrante, at iba pang sektor ng lipunan—lalabanan ang batas militar at anumang hakbang para makapanatili ang Pangulo sa puwesto. Magpupursige sila, hanggang sa kalaboso ni Arroyo.