Sa likod ng librong Pagtatagpo sa Kabilang Dulo: Panitikang Testimonial ng Desaparecidos

December 13, 2009

Mahirap na kalakaran ang maglabas ng libro.  Inaabot ng taon ang pangangalap ng materyales, pag-eedit, at ang mismong paglalathala ng libro.  Madugo ang proseso at maraming luha at pawis ang ibinubuhos para maging nakaimprentang libro ang mga diwang unang pumalaot sa utak lamang.

Pero mas mahirap ang proyektong librong inilulunsad natin ngayong hapon.  Iba ang prosesong nilahukan ng mga contributor, facilitator, at komite sa paglalathala.  “Art as therapy” ang nilayon ng dalawang workshop na pinagmulan ng marami sa mga akda.  Itinaguyod ang malikhaing pagsulat bilang malikhaing proseso  ng pagkumpronta, pagkausap sa mga multo, anino’t demonyo, pamamaalam, paninigil, pagtatapat ng dalamhati at paninindigan kung bakit kailangang singilin ang pwersang nagpawala at ang paninidigang na silang iwinala ay hindi naman naglaho nang ganoon-ganoon na lamang.

Tunay na mabigat ang dalawang workshops.  Sabi nga ng facilitator mula sa health group, dahil wala ang winalang katawan, parating may pangungulila, parating umaasang makakabalik, parating di maubos-ubos ang luha, parating mabigat ang sandali ng pakikipagharap.

Noong una ay hindi ko mawari kung bakit parang gripo ang paglabas ng mga likido sa katawan nang mga pamilya ng sapilitang pagdukot.  At matapos ang workshops, habang binabasa ang mga akda, habang ginagawa ang manuksrito, nalinaw sa akin ang mahalagang bagay:  na kailangan ng marubdob na individual na dalamhati bilang behikulo ng kolektibong pagsulong.

Ang bawat araw na ginigising at itinutulog ng mga pamilya at kaibigan ay mga araw na individual na paggunita at pakikidalamhati.  Sa pinagsama-samang pakikidalamhati, pinagsama-sama rin ang postura ng paninindigang manindigan para sa nawala:  in absentia ang mga tinutukoy sa mga akda, at kung gayon, ang mga akda ay memorialisasyon ng nakikibakang diwa kung bakit sila nawala at nananatiling nawawala.

Ang mga akda ay kontrata ng sandali ng pakikisalumuha sa pagkawala, ng pagnanasang maibalik ang dapat ay hindi naman nawawala, at ang paninindigang irehistro ang kondisyong ng pakikiagapay, kahit hindi lubos na matagumpay:  iguhit ang sirkumstansya ng pagkawala, irehistro ang paninindigang hindi ito muling mangyari, at ilaban ang hustisya para sa lehitimong katubusan sa kondisyon ng kawalan-hustisya.

Ang mga sinulat ay akda hindi para sa nakaraan, sa pag-alaala ng mga nawawala; o sa kasalukuyan, sa pag-alaala ng mga naiwanan.  Hindi narsisistiko ang proyekto ng pagsulat sa ngalan ng decaparidos.  Ito ay pagsulat para sa hinaharap:  sa paghusga na fasista ang kasalukuyang rehimeng sistematikong nagpawala sa mga kasama at mahal sa buhay, sa paghahanap ng hustisyang hindi matatagpuan sa kasalukuyan, sa pagtataguyod ng isang makatarungang lipunang walang winawala, at walang naiiwanan.

Mahirap akdain ang mga akda, lalo na kung ang inaakalang distansya ay ang kagyat.  Kapamilya at kasama ang mga nagsulat ng akda.  At ito ang botelya ng luhang hindi kailanman mapupuno hanggat hindi naibabalik ang nawawala.  Pero ito rin ang imahinaryong nagpapausad sa mga nawalan na magpatuloy sa pang-araw-araw, magpatuloy sa pakikipabaka para sa katarungan.  Kaya ang distansyang nalilikha sa kagyat na pagdulog ng individual sa sariling epekto ng pagkawala ay naiibsan ng distansyang nagpapalapit sa araw ng kolektibong katubusan.