Tugon sa Hamon


Walang sinasanto ang karahasan – maging ang mga taong simbahan. Ipinakita ng dokumentaryong “UCCP: Hamon ng Panahon” ang marahas na pag-atake sa mga pastor at miyembro ng United Church of Christ in the Philippines.

hamon2
Si Pastor Berlin Guerrero at Direk Bonifacio Ilagan. (Karl Ramirez)

Rebyu ng ¨UCCP: Sa Hamon ng Panahon¨/Kodao Productions

Walang sinasanto ang karahasan – maging ang mga taong simbahan. Ipinakita ng dokumentaryong “UCCP: Hamon ng Panahon”, na isinulat, idinirehe, at isinalaysay ni Bonifacio Ilagan, ang marahas na pag-atake sa mga pastor at miyembro ng United Church of Christ in the Philippines.

Uminog ang dokumentaryo sa tatlong kuwento – nina Pastor Joel Baclao, Rev. Edison Lapuz, at Pastor Berlin Guerrero. Tinunton ng naratibo ang motibo ng karahasan laban sa mga taong simbahan. Ginamit ng dokumentaryo ang mga panayam sa mga kapamilya, kaibigan, at kasama sa simbahan para pagtagni-tagniin ang mga pangyayari. Gumamit din ang dokumentaryo ng reenactment at mga kuhang larawan ng mga pangyayari.

Sa pamamagitan nito, makikilala ng mga manunuod ang mga biktima. Hindi mula sa fact sheet o balita sa tabloid. Ibinalik ang mga patay sa kanilang buhay na pakikibaka. Itinuturo ang common denominator ng mga biktima – ang ayon nga sa tagapagsalaysay na ¨dangerous combination” ng simbahan at militansya. Sapat na iyon para malagay sila sa kategoryang ¨enemies of the state¨. Sapat na iyon para makasama sila sa hit list.

Ikinuwento rin ng dokumentaryo ang adbokasiya ng UCCP. Sabi nga ni Orwena, asawa ni Baclao, naniniwala si Joel na katumbas ng paglilingkod sa simbahan ang paglilingkod sa sambayanan. Sa Bikol nakatira ang pamilya Baclao. Sa rehiyong iyon, sinasalanta hindi lamang ng kahirapan kundi pati ng unos ng paglabag sa karapatang pantao, ayon sa dokumentaryo. Doon, bilang miyembro ng UCCP, nagpatuloy ang paglilingkod ni Joel sa interes ng mga kababayang mahihirap. Pinaslang siya noong Nobyembre 2004 sa labas ng kanyang tahanan.

Malalim din ang pag-unawa ni Rev. Edison Lapuz sa kanyang tungkulin bilang taong simbahan. Hindi naka-confine sa apat na dingding ng simbahan ang pagtulong sa tao. Lumaki rin sa hirap si Lapuz na mula sa pamilyang magsasaka. Kaya ganun na lang ang kanyang pagtulong sa mga lumalapit sa kanyang mga kababayan. Pinaslang naman siya matapos lamang mailibing ang tatay ng asawa.

Dinukot, tinortyur, at ikinulong naman si Pastor Berlin Guerrero. Dinukot siya matapos ang isang fellowship habang nakasakay sa isang traysikel kasama ang asawa at mga anak. Matapos tortyurin, labing-limang buwan siyang ikinulong. Napalaya rin siya matapos mapawalang-sala.

Bagamat nangyari sa iba’t ibang lugar, hindi isolated na kaso ang mga karahasang ito laban sa mga taong simbahan. Sistematiko ito ayon kay Bishop Eliezer Pascua ng UCCP sa panayam sa dokumentaryo. Sa katunayan, hanggang noong Oktubre 2008, mayroon nang 23 miyembro ng UCCP ang naging biktima ng sistematikong pagpaslang at panggigipit. Mga kaswalti ng Oplan Bantay Laya 1 at 2 ayon pa kay Pascua. Dahil itinuturing na isang polisiya ng estado, itinuturo ang pinakamataas na utos galing sa Malakanyang, sa Cabinet Oversight Committee on Internal Security. Plantsado na ang motibo ng kuwento. Paslangin ang mga kumakalaban sa gobyerno kahit iyong gusto lang maglingkod sa kapwa at naghahanap ng panlipunang hustisya. Tamaan na ng lintik ang tatamaan. Kahit iyong mga lingkod ng simbahan.

Nanggugulat ang mga imahe sa dokumentaryo. Pinupukaw nito ang pagkasuklam sa pagkitil sa inosenteng mga buhay. Pinakakumintal sa isip ang imahe ng pinaslang na si Pastor Baclao. Basag ang bungo. Labas ang utak. Si Pastor Guerrero, dinukot sa harap ng mga anak. Naririnig ko ang masking tape na ipinangpiring sa kanya. Ginamit ng dokumentaryo ang paninindak para siguro mas makapukaw ng atensiyon. Palibhasa, sa kultura ng karahasan sa bansa natin, parang minamanhid na tayo.

Pero hindi lamang nanindak ang dokumentaryo, nagsusumamo rin ito. Ipinakita na ang mga itinuring na kaaway na estado ay ordinaryong mga tao lamang na nagmamahal sa kanyang kapwa. Sa likod ng lahat ng walang habas na pamamaslang at pagdukot ay nag-iiwan ng mga ina, ama, asawa, kapatid, o anak na naulila. Sa Hamon ng Panahon, ang mga naulila o nahiwalay na mga kamag-anak, kaibigan, kasama o asawa mismo ang gumanap sa dokumentaryo. Silang mga naging saksi ang nagbigay-buhay sa totoong nangyari sa mga biktima. Sa kaso ni Pastor Guerrero, siya mismo ang aktor na gumanap sa kanyang katauhan, ang kanyang misis at mga anak niya rin ang gumanap sa kani-kanilang katauhan.

Sa kabila nito, ang ganitong hamon na kinakaharap ng UCCP ay hindi nagpapalayo sa kanila sa adbokasiya ng tunay na paglilingkod ng simbahan sa sambayanan. Sabi nga ni Bishop Eliezer, dapat na paulit-ulit na ikuwento ang buhay ng kanilang mga martir. Naninindak ang estado pero sa kabila nito lalo lamang tumatapang ang mga miyembro ng UCCP para harapin ang mga hamon ng panahon.