Magulo, palpak – at maanomalyang? – proseso ng inisyal na kompensasyon sa biktima ng batas militar


Ilan sila sa mga lumaban sa diktadurang Marcos at nakaranas ng malupit na pagmamaltrato at pagkakulong noong panahon ng batas militar. Ngunit sa anumang kadahilanan, wala sila sa listahan ng mga kinikilala ng korte sa Hawaii na biktima. Pulitika o palpak na proseso lamang?

Ilan sa mga biktima ng batas militar ng diktadurang Marcos na natanggal sa listahan ni Robert Swift, abogadong itinalaga ng korte sa Hawaii na ilaban ang kaso ng mga biktima. (KR Guda)
Ilan sa mga biktima ng batas militar ng diktadurang Marcos na natanggal sa listahan ni Robert Swift, abogadong itinalaga ng korte sa Hawaii na ilaban ang kaso ng mga biktima. (KR Guda)

Alas-siyete ng umaga, dumating na sila. Ang iba, bumaba mula sa sariling sasakyan. Pero karamihan, bumiyahe sa pampublikong sakayan, mula sa kung saan-saan. May mga nagpasama sa kanilang anak o kaanak, dahil di na kayang makabiyahe nang mag-isa. Marami rin ang may kapansanan na. Pero noong umagang iyon, tumungo sila sa tanggapan ng Commission on Human Rights.

Sila ang ilan sa 9,539 biktima ng paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng diktadurang Marcos. Marami sa kanila, wala nang bakas ng malupit na karanasang dinanas mahigit 30 taon na ang nakakaraan. Pero may ilang bakas pa ang mga sugat ng kalupitan ng isang rehimen at sistemang nagtangkang sumiil sa kanilang nagbalikwas at naghangad ng pagbabago.

Isa na rito si Guillermo Ponce de Leon, 69 anyos. Bakas kapwa ang katandaan at naranasang pagpapahirap sa kanya ngayon: ang mabagal na paglakad na kinakailangan na ng tungkod, ang malaking mapulang balat sa kanyang kaliwang braso, ang mahinahong pagsasalita, ang pagsara ng kanang mata.

“Propesor ako noon sa UP, nagtuturo ng Physics. Noong martial law, nag-underground ako, nag-organisa to resist martial law,” kuwento niya. “Noong 1974, naaresto ako sa Makati. ’Yung tortyur na ginamit sa akin, marami. Water cure, body blows. Kinuryente ako sa bayag. After two years, ni-release din ako. Pero walang kaso.”

Isa si Guillermo sa libu-libung lumaban sa diktadura, hinuli’t pinagmalupitan. Matapos mapatalsik si Marcos noong 1986, nagtipon ang mga biktima para magsampa ng kaso laban kay Marcos at habulin ang nakaw na yaman ng diktador. Taong 1992, isa si Guillermo sa sampung biktima na tumestigo sa korte sa Hawaii. Ikinuwento niya at ng iba pa ang pagmamalupit sa kanila. Kalauna’y nagdesisyon ang korte: Malawakan ang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ni Marcos, at kailangan silang bigyan ng hustisya. Bahagi ng paggawad ng hustisya ang pagbigay ng kompensasyon.

Ngunit noong araw na iyon, sa tanggapan ng CHR, nagulumihanan si Guillermo. Wala siya sa talaan ng abogado ng mga biktima (itinalaga ng korte ng Hawaii) na si Robert Swift. Ibig sabihin, hindi siya mabibigyan ng inisyal na kompensasyong $1,000 (P43,200). Hindi siya biktima.

Namimili?

Hindi siya nag-iisa. Mahigit 50 biktima noong araw na iyon ang tumungo rin sa tanggapan ng CHR. Sa kabuuan, mahigit 2,000 silang tinanggal sa listahan, ayon mismo kay Swift at ang katuwang niyang Pilipinong abogado na si Rod Domingo.

Ang dahilan, ayon kay Swift, Domingo at CHR Chairperson Loretta Ann Rosales: Hindi sila nakasagot sa liham ng Hawaii Court noong 1993 at 1999 na nagbeberipika sa identidad daw ng halos 10,000 na biktimang complainant sa kaso.

Maingay na naghimutok ang mahigit 50 biktima noong araw na iyon sa CHR. Ayon kay Rosales, dapat naman daw talagang kilalanin ang mga biktimang tulad nila, pero may mga “rekisito ang korte” na hindi natupad nila, tulad ng pagsagot sa mga liham.

Ang problema lang, marami sa mga biktimang wala sa talaan ang sumagot naman sa liham. Marami rin, tulad ni Bonifacio Ilagan, tanyag na manunulat at biktima ng detensiyon at tortyur noong batas militar, ang hindi man lang nakatanggap ng liham mula sa korte. Hindi naman siya nagbago ng address, ani Ilagan.

Sa panayam sa Pinoy Weekly, inamin din mismo ni Rosales na may mga biktimang wala sa listahan na personal na lumapit sa kanya at pagkatapos ay naisama niya sa listahan para mabigyan ng kompensasyon. Isa na rito, aniya, si Dr. Sylvia dela Paz, doktor at asawa ng martir ng batas militar na si Dr. Bobby dela Paz. Noong nakaraang linggo, ani Rosales, tumawag sa kanya si dela Paz, para ireklamo ang pagkawala niya sa talaan. Kalauna’y tinawagan si dela Paz ng mga tauhan ni Swift dahil puwede na raw kunin ang tseke.

Si Guillermo rin, nakasalubong lamang ang abogadong si Domingo sa CHR. Nakilala siya ni Domingo. At noong araw na iyon din mismo ng pagpunta niya sa CHR ay nabigyan siya ng tseke.

Reklamo tuloy ng ibang biktima, tila arbitraryo at maaaring nakabatay lamang sa “personal na desisyon” ni Rosales ang pamamahagi ng kompensasyon. Ayon sa ilang biktima, matataandaang pinangunahan ni Rosales – noong hindi pa siya tagapangulo ng CHR – ang grupong Claimants 1081, na tumiwalag sa Samahan ng mga Ex-Detainees Laban sa Detensyon at para sa Amenstiya (Selda, kalauna’y naging Samahan ng mga Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto) noong dekada ’90.

“May mga bumatikos sa atin dati, pero wala na iyun,” depensa ni Rosales sa sarili. Ngunit inamin niyang “nakatulong” ang personal niyang pagkakaalam sa maraming kaso para mabigyan ng kompensasyon ang mga kasong ito na wala sa listahan.

‘Di katanggap-tanggap’

Duda ang maraming biktima na may pulitika sa pagtanggal ng kanilang pangalan. Gayunman, nananatiling duda pa lamang ito. Ang malinaw, magulo at pumalpak ang sistema ng pamamahagi ng kompensasyon.

“Hindi ito katanggap-tanggap,” ani Ilagan, pangalawang tagapangulo ng Selda at siyang nanguna sa pakikipagdiyalogo kina Rosales sa ngalan ng mahigit 2,000 biktimang na-delist. “Parang inaalisan nila kami ng istatus bilang biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao, at dahil dito’y hindi dapat mabigyan ng hustisya o anumang kompensasyong dapat naming matanggap.”

Matagal nang tinutulan ng Selda ang pagtalaga ng korte kay Swift, ang pagkuha ni Swift kay Domingo, ang mga taktika sa korte ni Swift nang walang konsultasyon sa mga biktima at ang tila pagpabor niya sa isang grupo ng mga biktima (Claimants 1081) higit sa Selda. Isa sa mga inireklamo ng Selda kay Swift ang tila mabilis na pakikipag-areglo sa mga Marcos. Sa mga labanan sa korte, ani Ilagan, senyales ng mahinang kaso kung handang makipag-areglo ang kalaban (mga Marcos). Ito ang agad ipinakita ng mga Marcos, kung kaya naniwala ang Selda na mas malaki pa sana ang makukuha ng mga biktima kung tinuluy-tuloy nila ang paghangad ng hustisya sa pamilya ng nasirang diktador, at hindi lamang tumigil sa paghingi ng kompensasyon.

“Hindi yung usapin ng hindi ako nakatanggap ng pera,” paliwanag ni Judy Taguiwalo, propesor sa Unibersidad ng Pilipinas at isa sa matagal na natortyur at nakulong sa ilalim ng diktadura. “Hindi lang ito usapin ng pera. Usapin ito ng recognition na kung sino talaga ang mga biktima. Hindi rin nangangahulugan na titigil na ang paghangad na maparusahan ang mga Marcos.”

Noong araw na iyon, nangako si Rosales sa mga biktimang na­-delist na gagawan niya ng paraan para mabigyan sila ng kompensasyon. Pero para sa mga biktimang ito na tila muli silang nabiktima – ngayon nama’y ng mga abogado, ng teknikal na proseso, at kahit ni Rosales mismo.