Katutubo tutol sa Laiban Dam


Tinatayang 10,000 katutubo at settlers ang nanganganib na mapaalis sa kanilang lupang tinitirhan kung matutuloy ang P52-billion proyektong Laiban dam sa pagitan ng Metropolitan Water and Sewerage System (MWSS) at San Miguel Corporation (SMC) sa Marso 2010. Pitong komunidad sa Tanay, Rizal at ilang lugar sa General Nakar sa lalawigan ng Quezon ang maaapektuhan ng […]

Tinatayang 10,000 katutubo at settlers ang nanganganib na mapaalis sa kanilang lupang tinitirhan kung matutuloy ang P52-billion proyektong Laiban dam sa pagitan ng Metropolitan Water and Sewerage System (MWSS) at San Miguel Corporation (SMC) sa Marso 2010.

Pitong komunidad sa Tanay, Rizal at ilang lugar sa General Nakar sa lalawigan ng Quezon ang maaapektuhan ng pinaplanong imbakan ng tubig. Sumasaklaw ito sa halos 28,000 ektarya.

Mahigpit naman ang pagtutol ng mga katutubong Dumagat sa naturang proyekto.

Ayon kay Lope dela Cruz, tagapagsalita ng Katribu party-list sa Southern Tagalog, minana pa nila sa kanilang mga ninuno ang kanilang lupa kaya walang negosyante o asendero ang makakaagaw nito sa kanila.

“Ang lupang ito ang aming buhay, isang sagradong lugar kung saan kami sumasamba at nagsasagawa ng mga ritwal,” sabi ni de la Cruz, na isa ring katutubong “Pari” ng mga Dumagat.

Nangangamba ang mga Dumagat na mapalis ng pinaplanong dam ang kanilang mga paniniwala at kaugalian.

“Kapag itinayo ng gobyerno ang dam, maiipon ang tubig sa Lanatin at lulubog ang mga komunidad ng mga Dumagat,” ani dela Cruz.

Ang mga Dumagat ay naninirahan sa mga kabundukan ng Tanay, Rodriguez at Montalban sa Rizal, at sa General Nakar, Quezon.

Nagsimula ang proyektong Laiban dam mula noong panahon ni dating pangulong Marcos, subalit matagumpay ding napigilan ng mga Dumagat.

Kamakailan lamang, iniutos ni Pangulong Arroyo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na kumpletuhin na ang proyekto bilang tugon sa nakaambang krisis sa tubig sa Metro Manila dahil sa parating na tag-init.

Isang negosasyon ang nagaganap ngayon para sa isang Memorandum of Agreement hinggil sa pagtatayo ng Laiban dam sa pagitan ng MWSS at SMC at nakatakdang pirmahan sa Marso.