Pasintabi

Kung pinapatay ang mabubuting anak ng bayan


Dalawang masigasig na kabataan ang halos magkasabay, bagamat sa ibang lugar, na pinaslang ng mga militar. Si Kimay, estudyante sa Mindanao State University, ay pinaslang ng militar noong Disyembre 2009. Si Nai, estudyante ng UP Los Banos, ay pinatay naman ng militar sa isang engkwentro sa Quezon nitong Enero 2010.

Dalawang masigasig na kabataan ang halos magkasabay, bagamat sa ibang lugar, na pinaslang ng mga militar.  Si Kimay, estudyante ng AB English sa Mindanao State University at high school valedictorian, ay pinaslang ng militar noong Disyembre 2009.  Si Nai, estudyante ng BS Agricultural Chemistry sa UP Los Banos at valedictorian sa Vinzons Pilot High School, ay pinatay naman ng militar sa isang engkwentro sa Quezon nitong Enero 2010.

Hindi naman kaila na may pwersang napanghatak sa mga kabataan na manundok, sumapi sa Hukbong Bayan.  Lubhang matindi ang pagkaunsyami sa bagal ng reporma sa parliamentaryong sistema, at nakitang mas matimbang ang paghawak ng armas para sa tunay na panlipunang pagbabago.  Sa UP Los Banos nga, ang direktor ng Student Affairs ay si Lieutenant Colonel Vivian Gonzales, at sa kanyang panahon kumalat ang vilification ng mga aktibistang guro at estudyante bilang komunista.

Kapag ang kabataan ay namumundok na, at pinapaslang ng militar, tinataliwas sa kalakaran ng estado na ang lahat ng natatanaw ay mabuti, kundi man bubuti, magkaisa lamang tayo, tulad sa eleksyon.  Ang gobyerno ni Gloria Arroyo na nagtitiyak ng pagpapadaloy ng higanteng kita ng mga higanteng negosyo ay handang lumabag sa panuntunan ng liberal na demokrasya, kasama ang pagpaslang sa mabubuting mamamayan nito.

Ang higanteng negosyo, kasama ng dayuhang kapitalista, ay handang pumikit, kundi man maglagay ng panakip sa tagiliran ng mga mata, tulad ng kabayo sa kalesa, nang ang tanging makita ay ang pinakakaasam na ganansya sa harapan nila.  Ang pinagdaanan ng mga mabubuting anak ay ang mundong nagsilang ng kanilang nuno’t magulang at tulad ng kanilang lagay, ay nasadlak sa matinding kahirapan at pagkabangkarote ng lampas na isang siglo ng deklarasyon ng kalayaan.

Dahil nakapag-aral sina Kimay at Nai, nakakaangat sila sa maraming kabataang hindi nakatuntong ng kolehiyo.  Mapanghalina ang estado sa iilang miyembro ng elitistang formasyon ng nakapagtapos na kabataan.  Ang best scenario sa kanila:  OCW sa labas ng bansa o call center agent sa loob ng bansa.  Ang worst scenario, maging kasapi ng profesyong hindi nila pinagtapusan, gaya ng marami pang ibang kabataang nakapagtapos.

Pinili nila ang landas na hindi madalas tahakin.  Naging aktibista, at ito ang nagmamarka bilang mapanganib na entidad para sa estado.  Kaya nga pinapaslang, at lampas ng isang libo ang aktibistang politikal ang motibasyon para sa hayagan at karumaldumal na pagpaslang.  Ano pa kaya kung piliing mamundok!  Para na lamang namumuhay na ang bawat araw ay maaring maging huling araw.

Pero pinili nilang mamundok.  Ito ang henerasyon ng kabataang namundok sa ilalim ng rehimen ni Arroyo.  At habang si Arroyo ay namamayagpag sa serye ng skandalong politikal, na tulad ng isang mobster ay kalahok ang pangalan sa scams, partihan at panggagantso—at may impunity pa!—sina Kimay at Nai ay nagsalita ng tapos.  Hindi na nila matatanggap ang ganitong sistema, at babakahin nila na mabago ito.

Ang leksyong tumagos sa akin sa Ampatuan Massacre ay ang pagkahawa ng alipores ni Arroyo sa sakit ng impunity ng kanilang bosing.  Malakas ang loob, walang takot na humataw dahil mismong ang kanilang pangulo ay ganito ang predikamento.  Nakakapanggalit dahil walang lubos na magawa.  Napanghalina na ni Arroyo ang mga tao na huwag nang mag-alsa, na tanggapin ang kanilang abang lagay at dumiskarte na lamang sa kani-kanilang paraan na parang mga daga sa lumulubog na barko at naghahanap ng tuyong sityo kahit pa sa huli, buong dagat ang lalamon sa barko at daga.

May panghihinayang na nararamdaman sa pagkamatay nina Kimay at Nai dahil ang anumang kamatayang kinahantungan ng mabubuting anak ng bayan ay tunay na nakakapanghinayang.  Maagang tinuldukan ang kanilang buhay at potensyal na higit pang makapag-ambag sa pagpapalaya ng bayan.  Gayunpaman, sila ang nabuhay bilang tunay na skolar ng bayan.

May galit din na nararamdaman sa pagkamatay nina Kimay at Nai.  Anong klaseng lipunan at estado itong ang mga kabataan ay kinakailangan pang mamundok para makatanaw ng pag-asa, at magpakagayon ay pinapaslang naman ng militar na dapat ay nagtatanggol sa kanila?

Ang kamatayang inalay sa bayan ay buhay na hindi namamatay.  Ang buhay nina Kimay at Nai ay idadambana sa paanan ng sambayanang ipagpapatuloy ang kanilang pakikibaka.  Sila ang inspirasyon sa atin lahat—kabataan at katandaan—kung paano ang kinabukasan ay inaakda sa paraan na hindi kinakaya ng lahat.  Natatangi sila Kimay at Nai, at taus-puso ang pasasalamat ng sambayanan sa kanilang pag-aalay ng buhay.