Pangakong pamamahagi ng lupa, ‘campaign gimmick’ ni Noynoy


Nagsagawa kamakailan ng kilos-protesta ang mga kasapi ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at Anakpawis sa harap ng Jose Cojuangco Building sa lunsod ng Makati para igiit sa tumatakbong pangulo na si Benigno “Noynoy” Aquino III na kagyat na ipamahagi ang lupain ng Hacienda Luisita sa halip na patuloy na paasahin ang mga magsasaka. Sa pagsisimula […]

Piket ng Kilusang Mayo Uno at Anakpawis Party-list noong Pebrero 12 sa harap ng Jose Cojuangco Building sa Makati City, para igiit kay presidentiable Sen. Benigno "Noynoy" Aquino III na kagyat na ipamahagi ang mga lupain sa Hacienda Luisita. (Jeffrey Ocampo)
Piket ng Kilusang Mayo Uno at Anakpawis Party-list noong Pebrero 12 sa harap ng Jose Cojuangco Building sa Makati City, para igiit kay presidentiable Sen. Benigno "Noynoy" Aquino III na kagyat na ipamahagi ang mga lupain sa Hacienda Luisita. (Jeffrey Ocampo)

Nagsagawa kamakailan ng kilos-protesta ang mga kasapi ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at Anakpawis sa harap ng Jose Cojuangco Building sa lunsod ng Makati para igiit sa tumatakbong pangulo na si Benigno “Noynoy” Aquino III na kagyat na ipamahagi ang lupain ng Hacienda Luisita sa halip na patuloy na paasahin ang mga magsasaka.

Sa pagsisimula ng kampanya para sa halalan sa Mayo, nangako si Aquino na ipamamahagi nito ang mga lupain ng hasyenda sa loob ng limang taon.

Pero ayon sa dalawang grupo, “campaign gimmick” lamang ito, lalu na’t patuloy na ipinupukol kay Aquino ang usapin. Ayon kay Cherry Clemente, pangkalahatang kalihim ng Anakpawis, “dati na itong ipinangako ng tatlong henerasyon ng mga Cojuangco sa loob ng limang dekada.”

“Sinabi na ito ni Jose Cojuangco Sr. noong 1957, ng dating pangulong Cory [Aquino] noong 1986 at ngayon ni Noynoy bilang bahagi ng kanyang campaign propaganda,” giit ni Clemente. “Alam mismo ni Noynoy na isa itong pangakong hindi niya matutupad.”

Ayon naman kay Elmer Labog, tagapangulo ng KMU, “Liban sa pangakong ito, wala pang malinaw na plataporma si Noynoy kaugnay ng reporma sa lupa at kawalan ng lupa ng higit 70 milyong magsasaka.”

Nagtataka din si Clemente na kung nauna nang sinabi ni Aquino na maliit na porsiyento lamang ang kanilang share sa Hacienda Luisita ay magagawa nitong maipamahagi ang lupaing ito.

Iginiit ng dalawang grupo na kung talagang ipapamahagi ni Aquino lupain ng Hacienda Luisita, ang una nitong kailangang gawin ay iurong ang petisyong ipinasa ng pamilyang Cojuangco sa Korte Suprema noong 2006 na nagbunsod sa pagkakaantala ng pamamahagi ng lupa.

Nabili ni Jose Cojuangco, ama ng dating pangulong Corazon Aquino at negosyanteng si Peping Cojuangco, ang 6,453 ektaryang lupain sa Tarlac noong 1957 gamit ang pautang na $2.1 milyon mula sa Manufacturer’s Trust Company of New York at Chase Manhattan Bank sa Amerika at P5.9 milyon mula sa Government Service Insurance System (GSIS).

Samantala, ginarantiyahan ng Bangko Sentral at GSIS ang pautang sa kondisyong ang lupaing ito ay ipamamahagi sa mga magsasaka sa takdang panahon.

Makailang ulit na ring inutos sa mga Cojuangco na ipamahagi na ang lupa batay sa nasabing kondisyon.

Noong 1957 at 1958, naglabas ng resolusyon ang GSIS na nag-utos sa mga Cojuangco na ipamahagi na ang lupain ng hasyenda. May katulad ding kautusan ang Manila Regional Trial Court noong 1985.

Pero ayon sa KMU, hindi kailanman sumunod sa mga ito ang mga Cojuangco hanggang dumating ang 1986 People’s Power na nagluklok kay Corazon Aquino sa pwesto. Matapos ang isang taon, ipinatupad naman niya ang Comprehensive Agrarian Reform Program pero hindi sakop ang Hacienda Luisita at iba pang lupain sa mga lupang kailangang ipamahagi.

“Dahil malinaw na matagal nang dapat naipamahagi ang lupain sa Hacienda Luisita, ang kailangan lamang gawin ni Noynoy ay tumalima sa batas,” ayon kay Labog. “Hinahamon namin siya na ipakita ang kanyang kakayahang mamuno at magkaloob ng hustisyang panlipunan sa pamamagitan ng pamamahagi ng lupain ng hasyenda,” dagdag pa ni Labog.

Samantala, patuloy umanong magsasagawa ng kilos-protesta ang KMU at Anakpawis upang ilantad ang umano’y paggamit ni Aquino ng “walang lamang pangako” para maipanalo ang sarili sa Mayo.