Pasintabi

Salamat po Pangulong Arroyo para sa footbridge na ito


Ito ang higanteng tarpaulin na magkabilaang bumabalandra sa mga dumadaan ng Commonwealth Avenue, patungong Quezon Memorial Circle. “Calling card” kumbaga ni Gloria Arroyo sa paghahanap ng legacy ng kanyang termino. Na kahit ang opisyal sa Quezon City na nagpagawa ng anunyso na bawal ang political propaganda sa mga lansangan nito ay tila nagkikibit-balikat na lamang.

Ito ang higanteng tarpaulin na magkabilaang bumabalandra sa mga dumadaan ng Commonwealth Avenue, patungong Quezon Memorial Circle.  “Calling card” kumbaga ni Gloria Arroyo sa paghahanap ng legacy ng kanyang termino.  Na kahit ang opisyal sa Quezon City na nagpagawa ng anunyso na bawal ang political propaganda sa mga lansangan nito ay tila nagkikibit-balikat na lamang.

Bahagi ang kalakaran ng impunity sa administrasyong Arroyo:  malinaw ang polisiya na itinatag, kahit indirekta, ng kanyang administrasyon, at siya mismo ang unang babaluktot nito kung may political stakes na mahihita.  Nagmimistulang kontradiktoryo ang dalawang bumabandilang tarpaulin sa kalsada ng Quezon City, pero hindi naman talaga.

Una, ang pagsasawalang aksyon ng mismong city government ay tasitong pagtanggap sa mas mataas na kapangyarihan at ang kabaluktutan nito.  At ikalawa, ang MMDA, tulad ng iba pang ahensyang pampamahalaan, na naglagay ng ad ay personal na kasangkapan ng politiko.  Ito ang interes na itinataguyod nila, hindi ang sa mamamayan.

Bawat pangulo ay mayroong pahabol na megalomia sa pagtatapos ng kanilang termino.  Naunsyaming Film Palace at Marcos bust sa mag-asawang diktador.  Kay Cory Aquino ay ang mga flyover na dapat ay mag-iibsan ng trafiko gayong ang preferensiya ay ang pribadong sasakyan.  At ang kay Arroyo, sa photo finish nito, ang mga infrastruktura ng mobilidad:  NLEX, SLEX, Subic-Clark-Tarlac Expressway, extensyon ng MRT hanggang Monumento, at ito ngang footbridge.

Tulad ng lohika kay Aquino, ang layon ay di lamang pabilisin ang daloy ng sasakyan kundi ang daloy ng kapital na hinihimok ng mga infrastruktura.  Hindi ba’t ang flyover ay parang kabuteng nagsulputan sa mayor na interseksyon ng negosyo, tulad ng mall, halimbawa?  Ang kay Arroyo ay ang pagpapabilis ng mobilidad ng produkto, mula pabrika tungo sa daungan at paliparan.

At ang tokenismo ng infrastruktura ay ang footbridge, na ang layon ay hindi para gawing kumbiyente ang mobilidad ng pedestriano kundi para tanggalin ang uring anakpawis sa equation ng pagpapadaloy ng kapital.  Kumbaga, hindi dapat sagabal ang abang uring namamasahe sa mas prinayoridad na pagpapadaloy ng kapital.

Kaya rin pagkatagal-tagal bago napatino ang disenyo ng footbridge, lalo na sa Commonwealth Avenue.  Wala yatang master plan na sinusunod ang pagpapalawak nitong kalsada.  Gagamitin ang lumang footbridges na sa gitna ng kalsada ang magkabilang dulo.  O nagtayo ng bagong footbridges, dahil pabago-bago ang sakop ng pagpapalawak, ay nananatiling kapos at mali ang akyatan at babaan.

Dahil nalaglag sa pabor ang dating punong chuwariwap (chu-chu o sipsip) ni Arroyo sa MMDA, si Bayani Fernando, napalitan ang pink at blue na color scheme.  Ngayon naman ay pinitahan ng mapusyaw na luntian ang footbridges.  Tunay na ipinapahiwatig na kosmetiko ang politika ng struktura, na kayang baguhin ang pabalat para sa interes ng politiko ng bansa.

Ang tarpaulin ay isang pahayag:  kung ano, sino, kailan, paano, bakit at saan ang isang pangyayari.  Sa sarili nito, inaako ang mensahe na parang ang gumawa ng tarpaulin (MMDA at mamamayan) ay ang mensahero.  At kung gayon, ang mga gumagamit ng footbridge at dumadaan na natatanaw ito ay nagpapasalamat sa kumbiyenteng pagpapadaloy ng trafiko.

Ang karaniwang gawain ng anunsyo ay direktang akdain ang awtor nito, at ang awtoridad nitong awtor.  Sa maraming pagkakataon, ang mismong politiko (pangalan at imahen) ang nagsasaad ng paproyektong sinasambit ng anunsyo, at ang ebidensya na ang konstruksyon ay mayroong patron.

Sa insidente ng tarpaulin sa footbridges, ang awtor ay ang lumikha nito, pati ang mismong inanimate object ng footbridge.  Nagpapasalamat ang footbridge sa indexikong “reason for being” nito:  na ginawa ito hindi para madaanan ng pedestriano at paluwagin ang daan sa sasakyan kundi para magpasalamat sa awtor nito.  Ito ang lohika ng calling card:  ginawa para sa pagkilala ng designasyon ng kapangyarihan ng may ngalan nito.

Ang lohika ng calling card ni Arroyo ang siya ring pinagpupunyagi ng kilusang masa:  ang pag-uugnay ng iba pang nakamit ng administrasyong ito, ang mga bagay na hindi nito sinasambit—Ampatuan massacre, fertilizer scam, election scam, kickbacks at lahat ng bahagi ng serye ng skandalo at anomalya nito.  Kung hindi ito sinasambit—ng slogan, prop, politikal na sining, tulang protesta at iba pa—mananatiling walang awtor ang mga skandalong naging ofisyal na kalakaran sa nation-management ni Arroyo.

Kaya ang sinasambit ng pasasalamat ng tao at footbridge kay Arroyo ay ang hindi rin nito inilalahad.  Double-dressing kumbaga (footbridge bilang aguinaldo ni Arroyo, at bilang pantakip sa mga anomalidad nito).  At kung gayon, ang kailangan sambitin ay ang dobleng ibinaon na mensahe:  na sa pagtatapos ni Arroyo, tiyaking nananatiling nakabuyanyang ang ibinabaong pruweba ng pandarambong nito, na huwag na siyang mahalal muli, pati ang mga galamay nito, at tiyakin siyang makasuhan at makulong.