Pasintabi

El Niño


Enero pa lang at mainit na. At ang tanging maagang nakikinabang sa el nino ay ang pangulong nagpopolitisa nito.

Enero pa lang, tag-init na.  Kaliligo pa lang, pinagpapawisan na.  Iniisip pa lang kailangang bumiyahe sa labas, nanlalata na.             Lahat ng ito ay sinisisi sa el nino.  Na ipinagtataka ko dahil anti-bata ang isinasaad ng katawagan sa penomenon.  Pamaktol-maktol daw kaya parang brat na lalakeng paslit.

Tulad ng pagsasaalang-alang sa paslit bilang esensyal na spoiled brat, kinakasangkapan din ang el nino bilang dahilan ng lahat ng kasalukuyang krisis.  Madaling nakakita ng politikal na bukana si Gloria Arroyo. 

Ang el nino ang salarin kung bakit may krisis sa enerhiya ang bansa, na parang ang pangkalahatang supply ng power ay nakabatay lamang sa hydro dam.  At dahil may krisis sa bansa—sa partikular, sa Mindanao na dumaranas na ng anim na oras na blackout—muli na namang pinapalutang ang idea ng emergency power ni Arroyo.

Tulad ng nauna sa kanya, si Arroyo ay wala na namang masterplan para sa enerhiya, kasama ang paghahanap ng sustainable sources, tulad ng araw, hangin, at maging alon ng dagat.  Imbis na ito ang tunguhin, ang direksyon ay pagsuporta sa planong coal plants, na ang panggagalingan ay mula sa pag-angkat ng batong uling sa Tsina, at ang muling pagbuhay sa nuclear, sa partikular ang Bataan nuclear power plant.

Ang el nino at ang pagsisimula ng power shortage sa Metro Manila at Luzon ay nagiging susi rin sa failure ng eleksyon sa Mayo 2010.  Sa kauna-unahang pagkakataon, automated ang bilangan sa eleksyon.  Ayon sa Comelec, mayroong battery life ang makinang bibilang na 16 na oras, at 11 oras lang ang laan sa pagboto.

Ang hindi sinasaad ay ang kulturang kaakibat ng blackouts, lalo na sa panahon, sa mismong araw, at matapos ang eleksyon.  May pangkalahatang pakiwari ng agam-agam sa napakahalagang araw ng pagboto.  At hindi nakakatulong ang kawalan-kumpiyansa ng mamamayan sa pagiging sagrado at sikreto ng kanilang balota at karapatang bumoto kung may malawakang blackout.

Ang epekto sa minimum, may resulta pero hindi lubos na katanggap-tanggap dahil sa kontexto ng pagkapanalo.  Parating kabuntot ang katanungan at isyu hinggil sa pagmamaniobra at pandaraya.  Sa maximum, ang “no el” (no elections) at maging failure of elections na scenarios.

No elections dahil hindi lubos na nakahanda ang infrastruktura at personnel para sa automated voting at counting.  At wala rin namang malinaw na plano sa rekurso para sa balik manual na eleksyon.  Failure of elections naman kapag aktwal na may pagbotong naganap, pero malawakan ang kondisyon para makwestiyon ang ehersisyo sa liberal na demokrasya.

Sa dalawang scenarios, si Arroyo lang naman ang makikinabang.  Mas tiyak ang katig ng kanyang namamayaning burukrasya para sa mga scenario na maaring maganap.  At ito ang rekurso ni Arroyo sa pagpolitisa sa phenomenon ng el nino:  gawing lubhang mainit ang panahon at kondisyon ng eleksyon, pero gawin din, tulad ng el nino, na wala nang magagawa ang mga tao hinggil dito.

Sa kapaligiran ng U.P. at iba pang lugar, tuyot na ang damuhan.  Matatamlay ang halaman.  Ngayon ay may lamig pa sa umaga pero sa kalakhan ng araw, di lamang naglalaho ito, wala pang rekurso sa ibang maaliwalas na espasyo maliban sa malls at aircon na lugar.  Naisip ko tuloy na ang disenyo ng mga gusali sa bansa ay talagang makakanluranin.  Kailangan ng aircon para magkaroon ng katiwasayan sa mainit na temperatura.

Kapag nagbro-brownout, madilim at mainit ang loob.  Walang klase, walang opisina.  At kahit walang magagawa, hindi matiwasay ang pakiramdam.  Tahimik na nakakaalarmang magbilang ng sandali.  Madalas tumingin sa relo habang nagpapaypay kahit hindi naman mapapabilis ang pagtapos sa brownout.

Enero pa lang at mainit na.  At ang tanging maagang nakikinabang sa el nino ay ang pangulong nagpopolitisa nito.