Magsasaka tutol sa pagkopo ni Danding sa MRT7


Nagprotesta ang mga magsasaka sa harap ng punong tanggapan ng San Miguel Inc. sa Ortigas, Pasig City noong Marso 12 para irehistro ang kanilang pagtutol sa pagkopo ni Eduardo “Danding” Cojuangco sa proyektong MRT7. Ayon sa mga magsasaka mula sa Tungkong Mangga, San Jose del Monte, Bulacan, magdudulot ng pagpapalayas mula sa kanilang lupa ang […]

Nagprotesta ang mga magsasaka sa harap ng punong tanggapan ng San Miguel Inc. sa Ortigas, Pasig City noong Marso 12 para irehistro ang kanilang pagtutol sa pagkopo ni Eduardo “Danding” Cojuangco sa proyektong MRT7.

Ayon sa mga magsasaka mula sa Tungkong Mangga, San Jose del Monte, Bulacan, magdudulot ng pagpapalayas mula sa kanilang lupa ang naturang proyekto.

Tatamaan ng 23-kilometrong MRT7 ang 200 ektaryang lupain sa Tungkong Mangga kaya mahigpit itong tinututulan ng mga magsasaka. Ang naturang proyekto ay bubuuin ng mga estasyon ng tren, mall, condominium at terminal ng bus na patungong norte. Ikokonekta rin ito sa Northern Luzon Expressway.

“Alam namin ang kalibre ni Danding Cojuangco pagdating sa pang-aapi sa mga magsasakang Filipino. Hindi pa nga niya naisasauli ang P130-bilyong coco levy, ngayo’y itinutulak naman niya ang MRT7,” ani Antonio Flores, tagapagsalita ng KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas).

Ang nagprotestang mga magsasaka ay kasapi ng Tungkong Mangga Upland Farmers Association, Inc., San Isidro Samahang Sandigan ng Magsasaka, at Samahang Magsasaka sa Sitio Dalandanan na inorganisa ng KMP.

Ayon sa KMP, nagsimula nang palayasin ang mga magsasaka sa naturang lugar simula pa noong Nobyembre 2009 partikular sa Sitio Dalandanan. Karamihan sa kanila ay nagsasaka na sa loob ng tatlo hanggang apat na dekada.

Paliwanag ni Flores, hindi makatarungan ang pagpapalayas sa mga magsasaka dahil matagal na nila itong binubungkal.

Sinabi niya pa na walang legal na batayan ang mga Gregorio Araneta Inc., na siyang kumukontrol sa naturang lupain, para ariin ito dahil isinanla na ito ng mga Araneta sa Manila Banking Corp., na kalauna’y pinondohan naman ng Bangko Sentral dahil nabangkarote noong dekada 80.

“Hindi pa tapos ang usapin sa lupa at ito ay nasa Department of Agrarian Reform at Presidential Agrarian Reform Council na, kaya walang dahilan para mapalayas ang mga magsasaka para bigyang-daan ang MRT7,” sabi pa ni Flores.

Nanawagan pa ang KMP kay Sen. Manuel Roxas, kamag-anak ng mga Araneta at tumatakbo sa pagka-bise presidente na kumbinsihin ang kanyang mga kamag-anak na huwag palayasin ang mga magsasaka at ipamahagi ang mga lupa.

Galit ang mga magsasaka kay Cojuangco dahil patuloy umano itong nangangamkam ng lupa, kabilang na ang MRT7, gamit ang pondo ng mga magniniyog.