Tuyot sa paghahanda
May pondo at maraming pagkakataon ang gobyernong Arroyo para mapaghandaan ang pagsapit ng penomenong El Niño ngayong tag-araw. Pero winaldas nito ang mga rekurso’t panahon. Ngayon, ikinakatuwiran pa ang tagtuyot para makakuha ng emergency powers si Pang. Arroyo.

Tinatayang aabot na sa bilyun-bilyong piso ang pinsalang dulot ng tagtuyot sa mga agrikultural na produkto tulad ng palay at mais, pero may mga paraan pala para maiwasan ito. Kung pinaghandaan lang sana ng gobyerno ang penomenong El Niño.
Sa taya ng mga magbubukid sa Cagayan Valley, halos P3-Bilyon ang mga produktong hindi na mapapakinabangan sa kasalukuyan dahil sa kakulangan ng ulan at irigasyon.
Matindi ang hagupit ng tagtuyot sa mga mamamayan ng Isabela at Cagayan dahil habang nagsisikap pa lamang bumangon mula sa pinsalang dulot ng mga bagyong Ondoy at Pepeng noong nakaraang taon, tagtuyot naman ang tumama sa kanila.
Ayon kay Danilo Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), nanawagan na ng relief ang mga magsasaka sa Isabela at mga probinsiya sa Cagayan sa pangunguna ng Alyansa Dagiti Mannalon Iti Cagayan (Kagimungan).
“Nananawagan na sila ng relief tulad ng pagkain, dahil kahit pa maisalba nila ang natitira sa kanilang pananim, hindi pa rin ito makasasapat sa kanilang pangangailangan. Kaya nga nanawagan kami sa lahat ng sektor para maghanda para sa isang malakihang relief effort para sa rehiyon ng Cagayan Valley,” ani Ramos.
Pribatisasyon ng dam
Isinisisi ng mga magsasaka sa Cagayan Valley ang naturang kalamidad sa kawalan ng irigasyon. Partikular nilang tinukoy ang pagsasapribado ng Magat Dam, ang pinakamalaking dam sa bansa, na pinangangasiwaan ng SNAP (SN Aboitiz Power, Inc.), isang joint-venture sa pagitan ng Aboitiz Equity Venture at SN Power Invest ng Norway simula pa noong 2007.
Nakuha ng SNAP noong 2006 ang dam, na simula noong maitayo noong 1983 ay isang multi-purpose na dam, na layuning triplehin ang produksiyon ng bigas sa rehiyon. Pinangangasiwaan ito ng NIA noon habang ang hydroelectric plant nito ay pag-aari ng National Power Corp..
Sinabi pa ni Ramos na hindi tulad sa Nueva Ecija, kung saan naroon ang Pantabangan dam, at ginagamit sa irigasyon, nagaganap ngayon sa Cagayan ang malaking epekto ng tagtuyot.
Korupsiyon ng pondo

Hinahanap rin ng mga magsasaka ang P1.7-B pondo ng Task Force El Niño na pinamumunuan ng Department of Agriculture na anila’y nakukurakot pa. Halimbawa nito ang cloud seeding. Paborito umano itong gawin ng mga tanggapan ng agrikultura dahil mahirap itong i-audit. Ito’y bukod pa sa napag-alaman nilang huli na ang ginagawang cloud seeding ng departamento. Ilang buwan kasi dapat itong gawin bago ang inaasahang tagtuyot para maging epektibo.
Sa ulat din ng Kagimungan, may mga grupong party-list na pinatatakbo ng administrasyon na nananamantala sa pondo. Ginagamit umano ito para mamahagi ng mga abono, iyon ay kung sasapi ang mga magsasaka sa naturang mga party-list.
Ang panawagan nila ay mga water pump, tubo, hose at krudo para mapaandar ang makinang sisisipsip ng tubig mula sa ilalim ng lupa para magamit sa kanilang pagsasaka.