Special economic zones: Solusyon o problema?
Nitong nakaraang linggo ay naging panauhin ako sa isang pagpupulong ng mga manggagawa na nagtatrabaho sa loob ng mga Special Economic Zones. Tinalakay sa nasabing pulong ang kanilang kalagayan sa halos dalawang dekada na pananatili ng mga Special Economic Zones (ecozones) dito sa ating bansa. Ang ang batas tungkol sa mga ecozones (Republic Act 7916) […]
Nitong nakaraang linggo ay naging panauhin ako sa isang pagpupulong ng mga manggagawa na nagtatrabaho sa loob ng mga Special Economic Zones. Tinalakay sa nasabing pulong ang kanilang kalagayan sa halos dalawang dekada na pananatili ng mga Special Economic Zones (ecozones) dito sa ating bansa.
Ang ang batas tungkol sa mga ecozones (Republic Act 7916) ay ipinasa noong 1995. Inaasahan ng pamahalaan na sa pagtatag ng mga ecozones o enklabo ay dadami ang foreign investors o dayuhang mamumuhunan dito sa atin. Sa pagdami ng foreign investors ay inaasahan ang pagdami ng trabaho para sa ating mga manggagawa at paglago ang ating foreign exchange. Bukod pa rito ay mabibiyayaan din tayo sa mga bagong teknolohiya na dala ng mga kompanyang itatayo ng nasabing mga mamumuhunan at matututo ng bagong kaalaman sa trabaho ang ating mga manggagawa.
Sa madaling sabi, itinayo ng pamahalaan ang mga ecozones o enklabo dahil sa paniniwalang ito ay makakatulong sa pag-unlad ng ating bansa. Upang mabighani ang mga dayuhang mamumuhunan na pumasok sa mga ecozones na ito, binibigyan sila ng maraming benepisyo ng ating pamahalaan. Halimbawa , sa loob ng ilang taon ay maaaring wala silang babayarang buwis. Kung kailangan na nilang magbayad ng buwis, sa mababang halaga lamang. Wala ring singil sa pagpasok sa bansa ng mga sangkap na kailangan nila sa produksiyon ng kanilang mga produkto. At wala pa ring singil sa paglabas ng mga produktong ito sa ating bansa. Binibigyan din ng permanent residency status ang mga banyagang ito sampu ng kanilang pamilya. At bukod pa rito, malayang maipapadala ng mga dayuhang ito ang tubo na kanilang kinita rito sa kanilang mga bansa na walang anumang limitasyon. Ang mga special economic zones ay tumatakbo rin na may minimum na pakikialam ang pamahalaan.
Sa ngayon ay mayroon nang 211 special economic zones sa bansa. Mula 1995 hanggang 2008 ay tinatantiyang umabot sa P1.37 Trilyon ang pumasok na foreign investments sa mga ecozones o enklabo. Mula 1995 hanggang 2003 ay tinatantiyang nawalan din ng P96.65 Bilyon ang pamahalaan dahil sa tax incentives na ibinigay nito sa mga dayuhang kompanya sa loob ng ecozones.
Ngayon ang tanong ay ganito: Nagdulot ba ito ng kaginhawaan sa ating mga manggagawa at kaunlaran sa ating bansa?
Ang sagot ay hindi.
Pangunahing suliranin pa rin natin ang kakulangan sa trabaho. Sa ngayon ay tinatantiyang 33 milyon sa 40 na milyong manggagawa sa bansa ang walang trabaho o di kaya ay nangangailangan nang dagdag pang trabaho. Sa madaling sabi, hindi naibsan ng mga ecozones ang kakulangan ng trabaho dito sa ating bansa.
Bukod pa rito ay marami sa mga kompanya sa loob ng mga special economic zones ang hindi nagbabayad ng tamang sahod sa kanilang mga manggagawa, hindi nagre-remit ng SSS premiums at hindi nagbabayad ng tamang overtime pay.
Bihira rin sa mga kompanya sa loob ng ecozones ang may mga unyon. Mahirap mag-organisa ng unyon dito dahil hindi nakakapasok ang mga union organizers sa gate ng engklabo. Mahirap ding magsagawa ng picket dahil malayo sa pamayanan ang mga engklabo at hindi rin pinapapasok sa gate nito ang mga magpipiket. Idagdag pa rito ang kontra-unyon na ugali ng mga pinuno na nagpapatakbo sa mga ecozones. Marami sa kanila ang nagpapatupad sa “no union-no strike policy” kahit taliwas ito sa batas.
Pinaniniwalaan ng marami na isa sa naging dahilan ang mga ecozones sa pagbababa ng bilang ng mga mangagawang may unyon sa bansa. Noong 1995, 14.6% pa ng ating labor force ang may unyon. Nitong 2007, ay 5.6 % na lamang sa ating labor force ang may unyon.
Sa buong South East Asia, isa ang Pilipinas sa mga bansang kulelat ang ekonomiya at lubog sa utang , bagamat bukas na bukas naman tayo sa dayuhang mamumuhunan. Samantalang ang mga bansa naman na mahigpit sa dayuhang mamumuhunan tulad ng South Korea, Taiwan at Malaysia ay di-hamak na maunlad kaysa atin.
Kung babalikan natin ang kasaysayan, makikita natin na bago umunlad ang pangunahing mga bansa tulad ng United States, United Kingdom, France at Germany ay istrikto rin sila sa dayuhang mamumuhunan at binibigyan nila ng proteksyon ang lokal nilang mamumuhunan. Ngayon na lang na malago na ang kanilang mga industriya kaya sila nag-iba ng patakaran at kinukumbinsi na ang mga mahihirap na bansa na malayang papapasukin ang dayuhang mamumuhunan.
Kaya panahon na para baguhin ng ating pamahalaan ang kanyang patakaran sa bagay na ito. Makikita kaya ito ng bagong administrasyon sa ilalim ni Pangulong Noynoy Aquino? Depende iyan sa ating paggiit, mga mambabasa.