Maralitang lungsod: matinong serbisyong tubig, nasaan?


Sumugod ang mga maralitang lungsod sa opisina ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa Quezon City ngayong araw para ipanawagan ang pagsasabansa sa industriya ng tubig bilang pinakawasto umanong solusyon sa “krisis sa tubig” sa malaking bahagi ng Kamaynilaan. “Matapos ang isang dekada ng pribatisasyon, nasaan na ang ipinangakong mas matinong serbisyo?” ayon kay […]

Krisis sa tubig, ipinrotesta ng maralitang lungsod sa harap ng opisina ng MWSS sa Quezon City. (Ilang-Ilang Quijano)
Krisis sa tubig, ipinrotesta ng maralitang lungsod sa harap ng opisina ng MWSS sa Quezon City. (Ilang-Ilang Quijano)

Sumugod ang mga maralitang lungsod sa opisina ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa Quezon City ngayong araw para ipanawagan ang pagsasabansa sa industriya ng tubig bilang pinakawasto umanong solusyon sa “krisis sa tubig” sa malaking bahagi ng Kamaynilaan.

“Matapos ang isang dekada ng pribatisasyon, nasaan na ang ipinangakong mas matinong serbisyo?” ayon kay Carlito Badion, pangalawang tagapangulo ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay).

Kabilang sa mga dumalo sa protesta ang apektadong mga residente sa Tandang Sora at Payatas na sineserbisyuhan ng Maynilad, na nag-umpisa nang magputol ng serbisyo dahil sa umano’y kakulangan ng suplay bunga ng mababang antas ng tubig sa Angat Dam.

Ayon kay Badion, hindi “krisis sa tubig” ang kanilang dinaranas, kundi “krisis sa serbisyo sa tubig” dahil apektado lamang ang mga lugar na sineserbisyuhan ng Maynilad.

Nagngingitngit ang Kadamay sa umano'y kapabayaan ng pribadong mga concessionaire. (Ilang-Ilang Quijano)
Nagngingitngit ang Kadamay sa umano'y kapabayaan ng pribadong mga concessionaire. (Ilang-Ilang Quijano)

Sineserbisyuhan ng Maynilad Water Services Inc. ang east zone ng Kamaynilaan, habang sa Manila Water Co. naman ang west zone. Pagmamay-ari ng grupong Lopez-Benpres ang Maynilad at ng grupong Ayala ang Manila Water.

Inamin na ng Maynilad na mas mataas ang non-revenue water losses nito o nawawalang tubig dahil sa sirang mga tubo kaysa sa Manila Water.

Pero ayon pa sa Kadamay, apektado lamang ang mga lugar na sineserbisyuhan ng Maynilad dahil pangunahing pinagkukuhanan nito ng suplay ang Angat Dam, habang pangunahing pinagkukuhanan naman ng suplay ng Manila Water ang La Mesa Watershed.

“Ito na nga ang problema. Hinati ang distribusyon ng tubig sa Metro Manila sa dalawang pribadong concessionaire, buhat noong panahon ng administrasyong Ramos, upang diumano’y magresulta sa mas efficient at abot-kayang serbisyo na idudulot ng kompetisyon. Ngunit natupad ba?…Kung nationalized ang serbisyo sa tubig, madaling makakapag-adjust ang gobyerno sa problema [sa suplay],” paliwanag ni Badion.

Aniya pa, nabigo ang Maynilad na paghandaan ang bumababang antas ng tubig sa Angat Dam. Umano’y hindi katanggap-tanggap na dahilan ang pagpapakawala ng National Power Corporation ng tubig mula sa dam dahil noong huling bahagi ng 2009 pa ito nangyari.

Samantala, sa isang pahayag, tinukoy naman ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na may conflict of interest hinggil sa krisis sa tubig ang dalawang miyembro ng gabinete ni Pang. Benigno Aquino III.

Dating presidente at CEO ng Maynilad ang kalihim ng Department of Public Works and Highways na si Rogelio Singson; habang dating presidente naman ng Manila Water si Jose Rene Almendras, kalihim ng Department of Energy.

“Maaaring ipinapaliwanag nito kung bakit tahimik si Noynoy hinggil sa pananagutan [at kailangan gawin] ng dalawang kompanya sa gitna ng lumalalang krisis,” sabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Pabor din ang KMU sa pagbaligtad sa polisiya ng pribatisasyon sa tubig.