Kabataan nag-walkout sa klase para igiit ang karapatan sa edukasyon
Sampung araw bago ang State of the Nation Address o SONA ni Pang. Benigno Aquino III, mahigit isang libong mag-aaral sa Maynila ang lumabas sa kanilang mga silid-aralan noong Hulyo 16 at tumungo sa Mendiola upang ilahad ang kanilang mga kahilingan sa bagong pangulo. Nagsagawa rin ng kasabay na pagkilos ang mga kabataan sa mga […]

Sampung araw bago ang State of the Nation Address o SONA ni Pang. Benigno Aquino III, mahigit isang libong mag-aaral sa Maynila ang lumabas sa kanilang mga silid-aralan noong Hulyo 16 at tumungo sa Mendiola upang ilahad ang kanilang mga kahilingan sa bagong pangulo.
Nagsagawa rin ng kasabay na pagkilos ang mga kabataan sa mga lungsod ng Baguio, Cebu, Bacolod, Tacloban, Davao, at ilang mga probinsya sa Gitnang Luzon at Bikol.
“Ang araw na ito ay pambansang araw ng protesta,” sabi ni Einstein Recedes, tagapangulo ng National Union of Students of the Philippines (NUSP). “Sumapi ang mga kabataan at estudyante sa show of force na ito upang igiit kay Pangulong Aquino na dapat siyang gumawa ng konkretong mga hakbang para tapusin ang krisis sa edukasyon.”

Dagdag ni Terry Ridon, tagapangulo ng League of Filipino Students (LFS), unti-unti nang nagigising ang kabataan sa tinagurian niyang “dreamy notion of change” ng bagong pangulo. “Marami ang sinalubong ang bagong administrasyon na mataas ang ekspektasyon, ngunit unti-unti na dumarami ang nag-iisip kung ang mga pangako ni Noynoy ay lumang retorika,” aniya.
Iginiit ng mga kabataan ang limang kahilingan: ang pagtaas ng badyet sa edukasyon sa lahat ng antas; pagregularisa sa tuition fee at iba pang bayarin sa mga paaralan; pagrepaso sa mga anti-estudyanteng polisiya sa edukasyon (kabilang ang Campus Journalism Act at ang Education Act of 1982); pagkilala sa karapatan at kagalingan ng mga guro at istap sa paaralan; at pagtaguyod sa awtonomiya ng mga student council at publikasyong pangkampus.

Ngayong naihapag na nila ang konkreto nilang mga kahilingan, “actions will speak louder than words,” sabi ni Trina Federis, tagapangulo ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP).
Sumama sa martsa ang mga miyembro ng student council ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Los Baños at Maynila, mga estudyante sa iba’t ibang paaralan sa University Belt, at mga miyembro ng Kabataan Party-list, NUSP, LFS, CEGP, at Anakbayan.