Suspensiyon ng toll hike sa SLEX, ipinagbunyi


Nagbunyi ang militanteng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) sa pagpapaliban sa toll hike sa South Luzon Expressway (SLEX) na dapat sanang ipapatupad bukas, Hulyo 7. Sinabi kahapon ng Toll Regulatory Board na boluntaryo munang inatras ang toll hike ng MTD Capital Berhad, kompanyang nagpondo sa SLEX. Pero sa isang pahayag, […]

Nagbunyi ang militanteng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) sa pagpapaliban sa toll hike sa South Luzon Expressway (SLEX) na dapat sanang ipapatupad bukas, Hulyo 7.

Sinabi kahapon ng Toll Regulatory Board na boluntaryo munang inatras ang toll hike ng MTD Capital Berhad, kompanyang nagpondo sa SLEX.

Pero sa isang pahayag, nagpasalamat si George San Mateo, pangakalahatang kalihim ng Piston, sa lahat ng mga drayber, opereytor, opisyal ng gobyerno, at ordinaryong mga mamamayan na “nagkaisa at tumutol sa SLEX toll hike.”

Ito umano ang nagsilbing public pressure na tumulak sa gobyerno ni Benigno “Noynoy” Aquino III na makialam at ipagpaliban ang 250 porsiyentong pagtaas sa toll fee.

Noong Hunyo 18, nagpiket ang Piston sa harap ng bahay ni Aquino sa Times St., Quezon City para ipanawagan ang pagbasura sa SLEX toll hike. Noong Hunyo 22 naman, nagsagawa sila ng karaban papuntang opisina ng TRB sa Ortigas, Pasig City para pormal na ihain ang pagtutol.

Pero nanawagan ang Piston sa lahat na maging mapagbantay dahil “hindi pa tapos ang laban” hangga’t hindi pa tuluyang naibabasura ang SLEX toll hike.

Sa panayam sa Pinoy Weekly, idinagdag ni San Mateo na naghahanda ang grupo na harangin ang SLEX toll hike sa pamamagitan ng paghain ng Temporary Restraining Order mula sa Korte Suprema.

Nananawagan ang grupo kay Pangulong Aquino na tuluyan nang ibasura ang SLEX toll hike, gayundin ang binabalak ng Bureau of Internal Revenue na pagpapatupad ng 12 porsiyentong Value-Added Tax sa toll fees.

Iginiit ni San Mateo na dapat ang gobyerno ang magmantine at magsubsidyo sa pagpapaunlad sa mga kalsada, at hindi ito dapat ipasabalikat sa taumbayan, na nagbabayad naman kada taon ng road users tax.

Umaabot na sa P50 Bilyon ang nakokolektang road users tax simula pa noong 2001. Pero ayon sa Comission on Audit (COA), hindi maipaliwanag ng dating gobyerno ni Gloria Macapagal-Arroyo kung saan napunta ang pondong ito.

“Mahalagang maipakita ni Noynoy ang kanyang political will na baligtarin ang pribatisasyon na ipinatupad ng gobyernong Arroyo sa mga public infrastructure gaya ng sa mga expressway, na siyang nagbunsod sa sobrang taas na toll fees,” sabi ni San Mateo.