Buwis sa langis, tanggalin!–Piston


Halos pumapalo ng P11.25 ang value-added tax sa kada litro ng diesel at aabot sa P17.25 ang buwis kapag idinagdag ang excise tax.

Nagmartsa mula Welcome Rotonda sa Quezon City patungong Mendiola, Maynila nitong Set. 30 ang mga tsuper, opereytor at komyuter sa pangunguna ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) sigaw ang panawagan sa pagbaba ng presyo ng langis.

Sa Mendiola tinapos ang ikalawang araw na nationwide transport strike ng Piston. Nasa unahan ng mga hinaing ng mga tsuper at opereytor ng jeepney ang pagtanggal sa excise tax at value-added tax (VAT) na lalong nagpapataas ng presyo ng langis.

“Tanggalin ‘yong excise tax na P6 per liter sa diesel at ‘yong VAT,” wika ni Piston national president Mody Floranda sa panayam sa Pinoy Weekly.

Aniya, halos pumapalo ng P11.25 ang VAT sa kada litro ng diesel at aabot sa P17.25 ang buwis kapag idinagdag ang excise tax.

“Kung nagko-consume ng 30 liters per day ang isang drayber ay halos P360 kada araw ‘yong ibinibayad niyang buwis sa gobyerno na hindi naman maibabalik sa pamamagitan ng serbisyo para sa mga drayber at sa mga mamamayan,” ani Floranda.

Para naman kay Tony Prado, pangulo ng Cubao-Divisoria Jeepney Operators and Drivers Association, nahihirapan silang ibadyet ang kanilang kakarampot na kinikita dahil sa napakamahal na presyo ng petrolyo ngayon.

Kuwento ni Prado, “‘Yong bunso kong anak napatigil ko po sa pag-aaral dahil wala halos kinikita e, napupunta sa krudo. Hindi ba masakit sa isang magulang din na mapatigil mo sa pag-aaral ang iyong anak dahil ang pag-aaral ang tanging maipapamana ng isang magulang?”

Binigyang-diin din ni Prado ang pagbasura sa Oil Deregulation Law at i-rollback ang presyo ng langis.

Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng sigalot sa Kanlurang Asya at pagsuko ng kapangyarihan ng gobyerno sa presyuhan ng mga produktong petrolyo sa pribadong sektor, gutom ang inaabot ng mga manggagawa sa sektor ng transportasyon.

Sa pag-aaral ng Piston, nasa P1,500 ang dagdag sa gastos sa diesel ng mga tsuper at opereytor ng jeepney o kabuuang P3,150 kada araw. Sa laki ng gastos sa diesel, luging-lugi na sila at halos walang maiuwing kita para ipangtustos sa mga pangangailangan ng kanilang pamilya.

“Almost 28 years na namamayagpag ‘yong batas na ito, 28 years na tayong pinapahirapan ng gobyerno dahil [ang] nagtatakda ng presyo ay ‘yong mga dambuhalang kompanya katulad ng Petron,” saad ni Floranda.

Ayon sa Piston, umaabot ng 32 bilyong litro kada araw ang kinokonsumong langis ng bansa at kumita ng P1.15 trilyon sa loob ng anim na buwan ang Petron, at kumikita naman ng P544 bilyon kada araw ang gobyerno mula sa mga buwis.

“Ang kaso lumalaki ‘yong kita ng gobyerrno ay nawawala naman ‘yong kita ng mga drayber,” wika ni Floranda.

Kasama sa mga panawagan ng mga tsuper at opereytor ang nakabubuhay na sahod ng mga manggagawa at paglalantad sa kapabayaan ng gobyerno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa sektor ng transportasyon.