Protesta sa ika-27 taon ng Oil Deregulation Law, ikinasa
Ayon sa Pagkakaisa ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston), lalong naglagay sa mga drayber at konsyumer sa kamay ng mga ganid na kartel ang pag-aalis ng kontrol ng pamahalaan sa industriya ng langis sa bansa.

Nagprotesta ang mga drayber at opereytor ng jeepney sa harap ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Quezon City nitong Peb. 10 dala ang panawagang ibasura ang Oil Deregulation Law.
Pinahihintulutan ng nasabing batas ang walang patumanggang pagtaas ng presyo ng langis sa loob ng mahigit dalawa’t kalahating dekada.
Ayon sa Pagkakaisa ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston), lalong naglagay sa mga drayber at konsyumer sa kamay ng mga ganid na kartel ang pag-aalis ng kontrol ng pamahalaan sa industriya ng langis sa bansa.
Simula nang ipatupad ang batas 27 taon na ang nakalilipas, lumobo ng 714% ang presyo ng diesel mula 1998 hanggang sa kasalukuyan, habang 563% naman sa presyo ng gasolina.
Sa datos ng Department of Energy (DOE), sa pagtatapos ng Enero, P4.80 kada litro na ang kabuuang itinaaas ng presyo ng diesel, habang P2.65 kada litro sa gasolina at P3.80 kada litro sa kerosene. Katiting na diyes sentimos naman ang bawas-presyo sa diesel at gasolina nitong Peb. 11.
“Batay mismo sa Department of Energy, ang sinasabi nila, mayroon tayong 45 days na supply ng krudo. Kaya ang ibig sabihin niyan, kahit gumalaw sa international market, dapat hindi siya nag-automatic [sa pagtaas ng presyo],” giit ni Piston national president Mody Floranda sa isang panayam sa ABS-CBN.
Paliwanag niya, dapat munang ubusin ng mga dambuhalang kompanya ng langis, tulad ng Shell, Petron at Caltex, ang suplay na nabili nila nang mas mura at huwag basta-basta magtaas kapag may maliit na paggalaw ng presyo sa pandaigdigang merkado.
“Ngayon, dahil sa batas, ‘yong oil company na ang nagtatakda [ng presyo] e,” ani Floranda.
Dagdag ni Floranda, kagyat na ginhawa para sa mga tsuper kung isususpinde ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang value-added tax at excise tax na ipinataw sa mga produktong petrolyo.
Sa kaugnay na usapin ng Public Transport Modernization Program, nagsumite ang grupo ng petisyon sa LTFRB para pahintulutang magrehistro ang mga ‘di konsolidadong jeep at payagang makapasada.