Manggagawang Pinoy, sapul sa giyera ng US, oil price shock
Habang pinauulanan ng bomba ang Iran, tinatamaan naman ng lintik ang Pilipinas. Mga drayber, migrante at manggagawang Pinoy ang pinagdurusa ni Marcos Jr. sa giyera ng US.
Sapul sa panggigiyera ng United States (US) at Israel sa Iran ang buhay at kabuhayan ng mga manggagawang Pinoy. Wala pa ring makabuluhang hakbang ang administrasyong Marcos Jr. para agapan ang krisis.
Lampas P100 na ang kada litro ng diesel at gasolina sa Pilipinas ngayong kalagitnaan ng Marso. Halos P50 na ang itinaas sa nakalipas lang na dalawang linggo.
Kung sisirit pa ang presyo, wala nang papasadang jeepney, ayon kay Bong Baylon, deputy secretary general ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston).
“Bibitaw na ang mga drayber. Sino ba naman ang magpapakahirap bumiyahe nang 18 oras na walang kita kundi boundary? Abonado ka na sa diesel, mag-aaway pa kayo ng opereytor,” aniya.
Tinatayang P1,500 kada araw ang nawawalang kita ng mga drayber sa bawat P10 taas-presyo ng diesel.
Mahigit 50% na ang itinaas ng presyo ng langis sa buong mundo mula nang salakayin ng US at Israel ang Iran noong Peb. 28. Pumapalo na sa $103 kada bariles ang krudo sa pandaigdigang pamilihan.
Babala ng Iran, aabot ng $200 kada bariles ang presyuhan kung hindi titigil ang US at Israel sa panggigiyera. Kontrolado ng Iran ang Strait of Hormuz, bahagi ng Persian Gulf na daluyan ng 30% ng suplay ng langis ng mundo at 90% ng langis ng Pilipinas.

Nasa P2.50 hanggang P4.00 kada litro ang itinataas ng presyo sa Pilipinas kada $10 kada bariles na pagtaas sa pandaigdigang pamilihan. Bawat taas-presyo, awtomatiko at buong ipinapataw ng mga kompanya ng langis sa mga konsyumer.
Ani Baylon, sobra-sobra ang itinaas ng mga kompanya ng langis sa bansa pero hindi napipigilan ng gobyerno. Hindi pa rin aniya dapat magtaas ang presyo dahil mas mura pang nabili ang imbak na suplay hanggang Abril.
Ayon sa Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler), bukod sa panlabas na krisis, nagpapataas din ng presyo ang Oil Deregulation Law (ODL) na naglilimita sa gobyerno na kontrolin ang industriya ng langis at protektahan ang kapakanan ng mga mamamayan.
Bago ang giyera, siyam na beses nang nagtaas-presyo ang mga kompanya ng langis sa bansa mula Enero. Tinataya namang walang puknat ang lingguhang oil price hike sa susunod na anim na buwan.
“Lilikha ‘yan ng krisis, hindi lang sa drayber, kundi sa mamamayan. Hindi natin mapipigilan kung ano’ng gagawin ng tao kapag dumanas ng matinding kahirapan,” ani Baylon.
Bakit kami?
Tatamaan ng “oil price shock” ang sahod ng mga manggagawa. Inaasahan nang sisirit ang presyo ng pangunahing bilihin at bayarin, na ayon kay Eiler executive director Rochelle Porras ay magpapababa sa purchasing power ng mga manggagawa.
“Malubha ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa mga manggagawa, komyuter at maralita. Nagiging mas mahal ang pagkain at tumataas ang presyo ng iba pang mahahalagang bilihin at serbisyo, na lalo pang nagpapahina sa kakayahan nilang bumili gamit ang kanilang sahod,” aniya.
Inanunsiyo na ng Meralco ang dagdag-singil sa kuryente ngayong Marso. May dagdag-singil na rin sa tubig ang Maynilad at Manila Water sa Abril hanggang Hunyo.
Sa pagtaya ng Department of Economy, Planning and Development (DepDev), bibilis nang 7.5% ang inflation, o pagtaas ng presyo ng bilihin, mula Marso hanggang Setyembre, kapag lumampas sa $140/bariles ang langis.
Ayon sa Ibon Foundation, tataas sa P1,317 ang family living wage (FLW), o kailangang sahod para makabuhay ng pamilya. Tinatayang P504 lang ang totoong halaga ng average minimum wage sa buong bansa, wala pa sa kalahati ng kasalukuyang P1,258 na FLW.

Sabi ni Kilusang Mayo Uno (KMU) chairperson Jerome Adonis, lalong hindi makakabuhay ang napakababang minimum wage dahil sa idinulot na krisis ng US at Israel.
“Wala kaming kinalaman sa giyera. Bakit tayo ang sasalo ng krisis na hindi naman tayo ang may gawa?” aniya.
Nakabinbin pa sa Kongreso ang panukalang batas para sa national minimum wage (NMW). Kinokontra pa ng ilang mambabatas at negosyante ang panukalang gawing P1,200 ang NMW.
Mas mabigat naman ang epekto ng krisis sa 2.96 milyong Pinoy na walang trabaho. Ang naitalang 5.8% unemployment rate noong Enero, pinakamataas sa nakalipas na tatlong taon. Pinangangambahan ding marami pang mawawalan ng trabaho kung magsara ang maliliit na negosyo dahil sa krisis.
Lumabas sa huling Social Weather Stations survey na 17.4 milyong pamilyang Pinoy ang mahirap habang 3.4 milyong pamilya ang nasa bingit ng kahirapan. Ayon sa Ibon, nakadepende sa langis ang kabuhayan ng karamihan sa kanila, gaya ng pampublikong transportasyon at Transport Network Vehicle Services (TNVS).
“Dagdag pasanin ito para sa mga manggagawang Pilipino. Marami na naman ang magugutom. Masipag magtrabaho ang mga Pilipino, hindi natin deserve na magdusa,” ani Adonis.
Samantala, kumita naman ng P15.6 bilyon ang Petron noong 2025, 84% na mas mataas kumpara sa kinita noong 2024.
Panganib sa OFW
Nanganganib ang kaligtasan at kinabukasan ng 2.4 milyong overseas Filipino worker (OFW) sa West Asia (Middle East) dahil sa giyera ng US at Israel sa Iran. Hindi bababa sa 86,000 Pilipino ang nasa mga bansang may umiiral na crisis alert level mula sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa higit 2.7 milyong mga OFW na lumabas ng bansa noong 2025, 1.1 milyon ang ipinadala sa West Asia. Karamihan ay nasa Saudi Arabia, United Arab Emirates, Kuwait at Qatar, mga bansang may base ng US na tinitira ngayon ng Iran.
Unang naiulat na nasawi ang isang pinay caregiver sa Israel, habang nawawala pa rin ang isang pinoy seafarer na nadamay sa missile strike malapit sa Strait of Hormuz. Patay naman sa ganting-salakay ng Iran ang isang Filipino-American US Army Reserve Officer na nakadestino sa base militar ng US sa Kuwait.
Ayon sa Migrante International, nalalagay sa panganib ng lumalawak na digmaan ang mga OFW dahil bigo ang gobyernong Marcos Jr. na tiyakin ang kanilang kaligtasan. Sa huling ulat ng DFA, nasa 1,300 Pilipino pa lang ang na-repatriate. Naiulat namang karamihan dito ay mga turista, o pauwi na talagang OFWs na na-stranded sa mga airport nang magsimula ang giyera.
Kahit mapanganib, marami namang OFW ang nananatili sa mga bansang pinagtatrabahuhan dahil sa kawalan ng disenteng trabaho at mababang sahod kung uuwi sa Pilipinas.
“Nakakalungkot, bumabagsak ‘yong mga bomba pero nag-aalangan umuwi ang mga OFW kasi ang nasa isip nila ang babalikan nila, walang trabaho,” ani Adonis, “Doon, kung sakaling hindi sila tamaan ng bomba, may trabaho sila, makakapagpadala sila sa pamilya. Bakit kailangang umabot tayo sa ganoong sakripisyo?”
Pero kahit sa mga host country, marami na ring migranteng manggagawa ang nawalan ng trabaho o nabawasan ng kita dahil sa mga nagsarang kompanya dulot ng krisis at giyera.
“Natatakot din sila sa posibilidad na mamatay ang mga kamag-anak sa Pilipinas dahil sa kagutuman kung mawawalan sila ng kabuhayan,” sabi ni Joanna Concepcion, tagapangulo ng Migrante International.

Sa panayam ng Bulatlat, sinabi ni Dexter Pamintudan, OFW sa Israel, na marami nang Pinoy doon na nagtatrabaho sa hotel ang hindi na makapasok sa trabaho dahil sa bombahan. Ang problema, dahil hindi sila papasok, wala ring suweldo.
“Ang gusto namin, bigyan kami ng gobyerno ng komprehensibo at konkretong plano na susuporta at magtitiyak ng kaligtasan namin dito,” aniya.
Remittance ng mga migranteng manggagawa ang isa sa pangunahing bumubuhay sa ekonomiya ng Pilipinas. Noong 2025, $35.63 bilyon ang pumasok na remittance mula sa OFWs, katumbas ito ng 6.4% kabuuang kita ng bansa. Ang higit $6 bilyon dito, galing sa mga migrante sa West Asia.
Sabi ni Ibon Foundation executive director Sonny Africa, sapat kung titingnan lang sa papel ang suporta ng gobyerno sa mga OFW. Pero kulang ang mga ito para sa tindi ng problema.
“Mahalagang makita kung gaano karami dito ang totoong panibagong tugon sa umuusbong na sitwasyon at hindi mga nirecycle lang na social assistance program,” aniya.
Hindi sapat
Para sa mga manggagawang Pilipino, walang makabuluhang hakbang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para agapan ang krisis. Sila pa rin ang pumapasan sa pinakamabigat na epekto ng giyera.
Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development mamigay ng P5,000 ayuda sa mga tricycle driver. Isusunod na rin daw ang payout sa mga jeepney, UV Express at TNVS. Pero dalawang araw lang ang itatagal ng naturang ayuda dahil sa taas ng oil price hike, ani Baylon.
Hindi rin tiyak na makakatanggap ng fuel assistance ang karamihan ng mga tsuper dahil kailangan ng aktibong prangkisa. Pero mula 2023, karamihan ng mga operator ang hindi na pinayagang magparehistro at magkaprangkisa o kahit provisional authority dahil sa PUV Modernization Program.
Sabi pa ni Baylon, hindi rin nila mararamdaman ang inaprubahang dagdag-pasahe ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board dahil babawiin lang ito ng tuloy-tuloy na taas-presyo.
“Nagbigay ng increase kasi nga bibitaw na ang mga drayber. Pansamantalang binigyan ng kendi para humupa ang galit,” aniya.
Welga ang sagot ng Piston sa taas-presyo ng langis. Kasado na ang tigil-pasada ngayong Marso 19. Sasamahan sila ng mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor, mga komyuter, estudyante, at iba pang mamamayang apektado ng krisis.

Kagyat na ginhawa naman sa mamamayan kung aalisin ang value-added tax (VAT) at excise tax sa langis, at pangunahing bilihin at bayarin. Sabi ng Ibon, nasa P420 ang buwanang binabayarang VAT at excise tax ng 60% sa pinakamahihirap na Pilipino. Pilipinas rin ang may pinakamataas na VAT sa buong Southeast Asia.
Tutol ang economic managers ni Marcos Jr. sa pagtanggal ng VAT. Mawawalan anila ng P136 bilyon ang gobyerno. Sabi ni Africa, kung papatawan ng tig 1% hanggang 3% buwis ang 15 pinakamayayamang bilyonaryo sa bansa, kikita ng P153 bilyon ang gobyerno rito.
Umugong din ang panawagang bawiin ng gobyerno ang Petron para maitakda ang presyuhan, at isabansa na ang industriya ng langis. Ayon sa Eiler, bulnerable sa oil shocks ang Pilipinas dahil sa deregulasyon at kawalan ng sariling industriya ng langis.
“Bagaman may potensyal na reserba ng langis sa bansa, nangingibabaw pa rin ang mga dayuhang kumpanya sa eksplorasyon at produksiyon, at nananatiling walang sapat na pambansang industriya ng langis na kontrolado ng estado o lokal na kapital,” ani Porras.
Nitong Enero, nadiskubre ang higit 98 bilyong cubic feet ng natural gas sa eksplorasyon ng Malampaya sa West Philippine Sea. Prime Energy Resources Development ni Enrique Razon Jr.,ang may kontrata sa langis ng Malampaya. Si Razon ang pinakamayamang bilyonaryo sa Pilipinas sa huling ulat ng Forbes.
“Laging may kapangyarihan ang gobyerno na magpasya kung sino ang magpapasan ng bigat [ng krisis]. Hindi dapat ang mga kabahayang pinipiga na ng nagtataasang presyo habang napag-iiwanan ang sahod at kita,” ani Africa.