Pahirap na liberalisasyon at deregulasyon sa bigas at langis

,

Imbis na pagaanin ang buhay ng mamamayan, linggo-linggo ang pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo habang hindi na bumababa ang presyo ng bigas sa merkado.

Buwan ng pag-ibig ang Pebrero, pero hindi ito alintana ng gobyerno nang ipasa ang mga batas na ibayong nagpahirap sa mga Pilipino. Imbis na pagmamahal, pagpapasakit ang ibinigay sa mamamayan ng estado.

Peb. 10, 1998 nang pirmahan ni dating Pangulong Fidel Ramos ang Republic Act 8479 o Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998 na mas kilala na Oil Deregulation Law.

Sa pamamagitan ng batas na ito, isinuko ng gobyerno ang pamamahala sa industriya ng langis sa kamay ng pribadong sektor. Isinapribado ang industriya para umano sa mas malusog na kompetisyon kakabit ang pagsasapribado ng pagpapataw ng presyo sa mga produktong petrolyo.

Bago ito, sinusubsidyohan ng gobyerno ang pagbabago sa halaga ng imported na petrolyo at hindi agad nararamdaman sa selling price. Bunga nito, dinadaing ng mga kompanya ng langis ang restriksiyon sa kanilang magtaas ng presyo at ang limitadong kompetisyon. 

Peb. 14, 2019 naman nang isabatas ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law na amyenda sa Republic Act 8178 o Agricultural Tariffication Act na itinulak ng World Trade Organization para alisin ang restriksyon sa dami ng puwedeng pumasok na mga imported na produktong agrikultural kapalit ng pagpapataw ng taripa o buwis.

Ito umano’y mas mahusay na proteksiyon para sa mga maliliit at lokal na magsasaka, ngunit ang katotohanan, ibinukas ng patakarang ito ang pagpasok ng mas maraming pribadong trader sa industriya ng bigas basta kaya magbayad ng itinakdang taripa.

Noong 2024, ibinaba pa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang buwis sa imported na bigas mula 35% tungong 15%.

Protesta ng Piston sa Commonwealth Avenue laban sa walang patumanggang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na epekto ng Oil Deregulation Law noong Oktubre 2024. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Sa tatlong dekadang pamamasada ni Edgardo Antonio, 68, isang tsuper sa rutang Ikot sa University of the Philippines Diliman, inilarawan niya ito bilang tatlong dekada ng tuloy-tuloy na pagtaas ng halaga ng krudo. Nagsimula siyang mamasada ng Ikot noong dekada ‘90 matapos magsara ng pinapasukang pagawaan.

Inabutan ni Tatay Edgardo ang mga taon bago at matapos maipasa ang Oil Deregulation Law. Aminado siya na hindi naman niya alam at nauunawaan ano ba ang batas, pero ramdam niya ang naging mga pagbabago sa inilaki ng gastos niya sa diesel.

“Ang kasarapan lang ng biyahe noon, hindi namin problema ang krudo, kasi nga mura pa ang krudo noon [kaya] kumikita [kami]. ‘Di katulad ngayon na pabago-bago, tataas-bababa, tataas-bababa, hindi namin napi-fix ‘yong kitaan namin paminsan. Imbis na kunwari kumita ka ng P700, mga ano ka na lang P550 ganyan, dahil sa taas ng krudo. Nababawasan ka ng P200, P100, kumporme sa paano ka magkrudo.” 

Matapos ang maghapong pamamasada ni Tatay Edgardo, nagpapakarga siya ng diesel sa malapit na gasolinahan bago umuwi. Aniya, hindi niya alam bakit may mga gasolinahan na mura ang singil habang ang iba naman ay mas mahal.

Napansin niya rin sa tagal ng kanyang pagiging tsuper ang pagsulpot ng mas maraming mga gasolinahan. Ang iba daw ay nangangako na mas maganda at mas mura ang kanilang krudo, pero sa dulo, pareho ding mabigat sa bulsa.

Bilang tsuper, pinapasan niya ang bigat ng presyo, pero hindi niya alam kung bakit tumataas at kung saan napupunta. Lagi niyang naririnig na dahil sa giyera sa ibang bansa kaya nagtataas ang presyo, pero hindi niya maunawaan bakit tayo apektado ng giyera ng iba. 

Hindi na maalala ni Tatay Edgardo kung magkano ang presyo ng langis noon, pero naaalala niyang 60 sentimo ang pamasahe noong nagsimula siyang mamasada. Dahil aniya sa pagtataas ng halaga ng krudo, tumaas na ito ng tumaas hanggang sa kasalukuyang P11.

Dahil nasa loob ng isang pamantasan rutang tinatakbo ni Tatay Edgardo, hindi rin naman niya makitang solusyon ang pagtataas ng pamasahe. Aniya, marami sa mga sumasakay sa kanya ay mga estudyante o kaya naman ay senior citizen na discounted ang bayad.

Sa karanasan ni Tatay Edgardo, malinaw na hindi tsuper ang nakinabang sa patakaran ng deregulasyon ng langis. Puro pagtaas at mumong pagbaba ng presyo.

Wala na ring malaking inaasahan pa si Tatay Edgardo sa gobyerno. Imbis na tulungan sila, gusto pa nga silang i-phaseout sa kalsada.

Para kay Raul Zaraga, isa ring tsuper ng Ikot sa loob ng isang dekada, malaki ang maitutulong kung ibabalik ang mga state-owned na gasolinahan. Tingin niya, dapat ding lumikha ng mga batas ang gobyerno na nakalapat sa karanasan ng mamamayan at hindi batay sa interes ng iilan.

Para sa Pagkakaisa ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston), walang ibang nakinabang sa Oil Deregulation Law kung hindi ang bulsa ng mga pribado at malalaking kompanya sa langis.

Pinasahol pa ng pagpapataw ng dagdag na value-added tax (VAT) at excises tax sa kada litro ng petrolyo ang gastos ng mga ordinaryong tsuper.

Para kay Mody Floranda, pambansang pangulo ng Piston, kung ang gusto ng gobyerno na pagaanin ang buhay ng mga tsuper dapat alisin ang excise tax at VAT sa langis at ibasura ang Oil Deregulation Law.

Imbis na pagbaba ng presyo ng bigas at pagsigla ng lokal na produksiyon, inamin mismo ng Department of Agriculture na naabot na ng Pilipinas ang pinakamataas na bilang ng naangkat na bigas noong nakaraang taon na umabot ng mahigit 4.68 milyong metriko tonelada. 

Nang sumapit ang 2024, naabot ng bansa ang rurok ng taas-presyo sa bigas na nasa mahigit 24.4%. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ito ang pinakamataas na presyo sa nagdaang 15 taon at ang marka ng mahigit isang taon ng dalawang numerong pagtaas simula ng Setyembre 2023. 

Labis din na bumaba ang presyo ng palay sa kasalukuyan. Noong Abril ng nakaraang taon, itinakda ng National Food Authority (NFA) ang presyo ng tuyo at nilinis na palay sa P23 hanggang P30 kada kilo, habang ang sariwang palay naman ay nagkakahalaga ng P17 hanggang P23 kada kilo.

Mas mababa ang presyo na ito kumpara sa presyo noong 2018 kung saan ang bawat magsasaka’y maaaring makapagbenta ng kanilang palay sa presyong P24.38 kada kilo at P20 para sa ibang klase ng palay na sinasabi ang pinakamabentang taon para sa mga magsasaka mula pa noong taong 2010. 

Ayon kay Teodoro Mendoza, isang agronomist at retiradong propesor ng University of the Philippines Los Baños, inaasahan ang patuloy na pagbaba pa ng presyo ng palay sa mga darating na anihan.

“Kailangan kumita ng magsasaka. Hindi na nila ninanais na umani ng mahigit 5 metric tons kada ektarya kung ang presyo ay naglalaro pa rin sa P15 to P16 kada kilo,” ani Mendoza.

Para kay Cathy Estavillo, tagapagsalita ng Bantay Bigas, imbis na tugunan ng gobyerno ang mga batayang problema ng mga magsasaka, patuloy na iniaasa ng administrasyon ang seguridad sa pagkain ng bansa sa importasyon. Hindi aniya solusyon ang pagdedeklara ng isang food security emergency sa harap ng lumalalang krisis sa bigas.

Langis at bigas ang dalawa sa mga pinakamahahalagang produkto sa bansa. Imbis na pagaanin ang buhay ng mamamayan, linggo-linggo ang pagtataas ng presyo ng langis habang hindi na bumababa ang presyo ng bigas sa merkado. Ang mga tsuper at maliliit na magsasaka ng palay ay hindi na alam paano pa giginhawa ang kanilang buhay. 

Malinaw sa karanasan ng ating mga kababayan na dapat ibasura ang mga patakaran ng deregulasyon, liberalisasyon at pribatisasyon.

Ayon sa mga eksperto, dapat nating itulak ang isang ekonomiyang nakaasa sa pagpapaunlad ng sariling lokal na produksiyon.

Sa patuloy na pagpapatupad sa Oil Deregulation Law at Rice Tariffication Law, patuloy na papasanin ng mamamayan ang sumisirit na presyo ng langis at bigas sa gitna ng bumababang halaga ng kita ng bawat pamilyang Pinoy.