FEATURED Makinig kay Ka Bea

Nagpapatuloy na Kalbaryo ng Maralita


Ito’y pag ala-ala at paghahalintulad sa pagdurusa ng masang anakpawis sa naging kalbaryo na dinanas ni Hesukristo.

Papalapit na ang paggunita ng Semana Santa. Dito, iba’t ibang porma ng senakulo ang isinasadula ng taumbayan. Sa panig ng Kadamay, pagkakataon rin ito para sa protesta. Bakit minamahalaga namin ang Kalbaryo ng Maralita bilang kilos-protesta? Ito’y pag ala-ala at paghahalintulad sa pagdurusa ng masang anakpawis sa naging kalbaryo na dinanas ni Hesukristo.

Siya’y ipinagkanulo ni Hudas Iscariot kay Pontio Pilato na gobernador ng Hudea, ipinako sa krus, namatay at muling nabuhay.  Ang sinapit ni Kristo ay  kakambal ng dinaranas ngayon ng maralitang Pilipino sa ilalim ng pamamahala ng mga Hudas. Dahil sa dayuhang imperyalista, kartel sa langis na kasabwat ang gobyerno natin, ipinako tayo sa krus ng kalbaryo. 

Ang pundamental na kalbaryo ng maralita ay ang araw-araw na tila pasang krus na dala-dala: ang kawalan ng trabaho, mababang sahod, kawalan ng tirahan at mga batayang serbisyo.  Inianak ito ng pagpapalamon ng pagmamay-aring publiko sa mga malalaking kapitalista.

Kung kaya’t mahihirap ang labis na pinagsasamantalahan, tulad na lang ng walang patumangga na pagtaas ng presyo ng langis na hindi alam kung kailan matatapos. Isipin natin ang manininda sa palengke na kailangan dagdagan ang arawang puhunan dahil nagmahal ang gastusin sa paghatid ng paninda. Ang mga vendor ng tusok-tusok, nagkakamot ulo dahil sa abot-langit na halaga ng LPG. At ang napakaraming tahanan na umaasa at nagtitipid sa paggamit ng super-kalan. Doble, triple ang bigat, at tuhog ang buong pamumuhay ng karaniwang tao, tila mga Kristo na nabibigatan sa pagpasan bariles ng krudo imbis na krus ng kahoy.

Sa partikular na danas ng maliliit na manininda na tulad ko dati, pag tumaas ang presyo ng langis mabilis din tumataas ang binibili naming paninda sa mga wholesaler, dagdag presyo sa produksyon, kung mabibili na namin, kailangan din upahan ang kargador at madadagdagan din ang pamasahe.

Kailangan din ng kahit konting patong ng presyo sa paninda, kaso tutumal naman ang bentahan. Karamihan sa aming customer ay mga manggagawa — manggagawang kontraktuwal, at mga construction worker na napakababa ang sahod. Unti-unting bumagsak ang kabuhayan ng mga maliliit na manininda at ganoon rin ang maliliit na suplayer. Tuluyan nang nilamon ng mga naglalakihang supermarket at mall.

Noon, tumaas lang ng limang sentimo kada litro ng langis ay agad naglulunsad ng dambuhalang welga ang mga tsuper, manggagawa, maralita  at mga estudyante sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila at iba pang rehiyon kaya kahit papaano ay napipigilan ang pagtaas ng presyo ng langis.

Ngayon, napakalaking halaga na ang ipinatong sa presyo ng langis. Pero mukhang pati ang makina ng gobyerno sa panloloko, walang patlang sa paglabas ng kasinungalingan. Hindi sanhi ang giyera ng Russia-Ukraine sa pagsirit ng presyo. Nagkukunwari ang gobyerno na wala silang magawa. At ipinatupad lang ang rollback nitong huli (na sinundan din pala ng isa pang pagtaas!) para pahupain ang galit ng tao. 

Dapat mga karaniwang tao, tayo, kasama ng kapitbahay natin ay nagwawala na’t nag-aaklas. Higit pa nating pasiglahin ang pagpapakilos sa ating mga komunidad para sa pagbasura ng Oil Deregulation Law at pagtanggal sa excise tax ng langis.

Malaking halaga  na  ang nadambong ng mga ganid na kartel ng langis at mga burakrata sa gobyerno. Maglunsad tayo ng dambuhalang welgang bayan, lumabas tayong lahat sa lansangan para wakasan ang ating kalbaryo sa pagtaas ng presyo ng langis, at tiyakin natin ang pagwawakas ng demonyo at alipores nito sa Malacañang.