Kalbaryo ng maralita, muling pagkabuhay ng maralita

April 8, 2009

ARAW-ARAW na kalbaryo ang buhay nina Norman at Gina Carmona at iba pang mangangalahig sa isang tambakan ng basura sa Payatas, Quezon City.

Tuwing may paparating na trak na lulan ang mga basura ng lungsod, mistulang Kristo silang nakayuko, pasan-pasan ang sakong pinag-iipunan ng kanilang nahahalukay na “kalakal.” At kapag nauwi na ang mga “kalakal,” ibinibenta na sa barat na presyo, saka ibinibili ng kakarampot na makakain.

Kahit ang pagdating nila sa Payatas, parang landas na tinahak ni Kristo patungong Herusalem bago siya ipako sa krus. “Dati, mangingisda kami sa Masbate. Akala namin, may magandang buhay na naghihintay sa amin dito. Matindi kasi ang operasyon ng militar [laban sa mga rebelde] doon,” kuwento ni Gina.

Ayon sa National Statistics Coordination Board, isa sa pinakamahirap na lalawigan sa bansa ang Masbate.

Pumunta sila sa isang maralitang komunidad sa Kamaynilaan. Pero di kalauna’y idinemolis ang tinitirhan nila at lumipat ang pamilya Carmona sa Payatas. “’Yung aming dating bahay, ginaba dahil malapit daw sa ‘mapanganib na lugar’,” sabi ni Norman. “Pangako sa amin ng gobyerno na anim na buwan lang kami mananatili sa Payatas. Pero hanggang ngayon, anim na taon na kaming umaasa para sa permanenteng panirahan.”

Kapwa 26 anyos pa lamang ang mag-asawa, pero may anim na maliiit na anak na sila. Kumikita lamang sila ng humigit-kumulang sa P100 kada araw na kailangan nilang pagkasyahin para sa pagkain at iba pang gastusin gaya ng ilang galong tubig, bayad sa kuryente at pambayad ng utang.

Matapos ang mala-Herodes na paghugas ng kamay ng gobyerno sa kanilang kalagayan, napako sa sobrang karalitaan ang mga tulad nina Norman at Gina.