Pambansang tigil-pasada, niluluto ng Piston
Wala pang inaanunsiyong tiyak na petsa ang grupo, subalit sentral sa kanilang isinusulong ang pagtanggal ng excise tax at value-added tax sa langis at ang pagbasura sa Oil Deregulation Law.
Kasunod ng panibagong taas-presyo sa mga produktong petrolyo, nakikipag-usap ang transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) sa mga grupo ng komyuter, manggagawa at iba pang sektor kaugnay ng posibleng nationwide transport strike.
Wala pang inaanunsiyong tiyak na petsa ang grupo habang nagpapatuloy ang konsultasyon sa iba’t ibang sektor, subalit sentral sa kanilang isinusulong ang pagtanggal ng excise tax at value-added tax (VAT) sa langis at ang pagbasura sa Oil Deregulation Law.
Ayon kay Piston national president Mody Floranda, mas makikinabang ang publiko kung aalisin ang buwis sa langis kaysa umasa sa subsidiyo para sa mga tsuper at opereytor.
“Kaya pala magbigay ng gobyerno ng [subsidiyo], bakit hindi tanggalin ng gobyerno ‘yong buwis para hindi lang ‘yong isang sektor ang makinabang kundi makinabang [din] ang ating mamamayan,” ani Floranda.
Nitong Set. 15, tumaas ng P5.70 kada litro ang presyo ng gasolina, P4.40 sa diesel at P4.62 sa kerosene ayon sa Department of Energy. Umaabot na sa P102.68 ang kada litro ng gasolina, P103.71 ang diesel at P140.74 ang kerosene.
Umabot naman sa $99.41 kada bariles ang one-month average price ng Dubai crude mula Ago. 13 hanggang Set. 11, lampas sa $80 threshold para sa posibleng fuel tax relief.
Nagbabala naman si Para Commuters Network convenor Nanoy Rafael sa bantang pagsipa ng transport inflation bunsod ng walang prenong pagtaas ng presyo ng krudo. Pinuna rin niya ang mabagal at kapos na ayuda ng pamahalaan para sa mga komyuter at manggagawa.
Nitong Abril naghain ang Piston ng petisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board para sa P10 dagdag-pasahe sa jeepney na kasalukuyan pang pinag-aaralan ng ahensiya. Kapag inaprubahan, magiging P23 mula P13 ang minimum na pasahe sa tradisyonal na jeepney.