Marcos Jr., hari ng imported na langis
Anong sagot ng pamilyang Marcos sa hinaing ng mga tsuper? Namigay ng ilang kilong bigas at nakipag-selfie, sabay humirit na “huwag na kayo mag-strike ha.”
Baka nakakalimot tayo. Alam n’yo bang nasa ilalim pa rin ang Pilipinas sa State of National Energy Emergency mula nang idineklara ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Marso? Magtatagal ito hanggang Marso sa susunod na taon, pero parang lagi namang nasa alanganin ang buong bayan hangga’t nakaasa ito sa imported na krudo na walang regulasyon sa presyo.
Imported ang halos lahat o 98% ng kinokonsumong langis sa bansa, lalo na sa sektor ng transportasyon. At kontrolado ng tinatawag na “Big Three” na Shell, Petron at Caltex ang halos kalahati o 45% ng buong merkado. Ni minsan walang ginawa ang gobyerno para hadlangan ang pagtataas ng presyo o humanap ng paraan para hindi na tayo umasa sa imported.
Pumalo na naman sa mahigit P100 ang diesel kada litro nitong katapusan ng Setyembre, katulad din noong nakaraang Pebrero at Marso. Mag-rollback man ang presyo, hindi na babalik sa dating halaga at paunti-unti, o minsa’y biglaan, na lang aakyat. Para bang papanoorin na lang ng buong bansa na maubos ang laman ng bulsa niya.
Dahil sa panibagong serye ng mga atake ng United States (US) sa Kanlurang Asya, muling tumaas ang presyo ng langis sa pandaidigang merkado. Siyang tunay. Atraso ito ng Washington sa buong daigdig dahil ginigipit niya ang bansang Iran.
At higit pang pahirap ang tambalang excise tax at value-added tax (VAT) sa langis. Araw-araw, kumokolekta ang gobyerno ng nasa P544 milyon mula sa mga buwis sa langis. Sa unang hati ng taon, may netong kita naman ang Petron na P3.8 bilyon.
Tama ang ginawang welga ng mga tsuper sa pangunguna ng Piston. Tama ang panawagan na tanggalin ang excise tax at VAT, na ibasura ang Oil Deregulation Law. Mali ang baryang pisong dagdag-pasahe na ipinatupad ng gobyerno sa panahong kailangan ng P10 na dagdag para lang mabalik ang dating kabuhayan ng mga tsuper.
E bakit parang lahat na lang apektado ng krisis sa langis liban sa mga malalaking kompanya at ang gobyerno? Hindi ba’t may extra na kapangyarihan ang opisina ni Marcos Jr. para agapan ang pagtaas ng presyo?
Lahat ng hakbang ng emergency powers ni Marcos Jr. ay nakatuon sa pagtitiyak ng kita ng mga kompanya sa langis, hindi sa kabuhayan ng mga tsuper at komyuter. Kahit nga ‘yang mga fuel subsidy, inilalabas para sa mga gasolinahan, hindi para may mauwing pangkain ang mga tsuper.
Taong 1998 pa ipinasa ang Oil Deregulation Law, batas na nagtatanggal ng limitasyon sa presyo ng mga produktong petrolyo. Protektado ng gobyerno ang batas na ito. Kailanman hindi nagkaron ng seryosong hakbang ang mga opisyal at mambabatas para balikan at repasuhin ito.
Sa mga kapitbahay natin kagaya ng Malaysia, Thailand, Vietnam at Indonesia, naglabas ng subsidyo ang gobyerno at nagtakda ng price ceiling sa presyo ng diesel at gasolina nitong Setyembre. Nasa P72 lang ang litro ng diesel sa Vietnam, P32.29 sa Malaysia at may ginawang biosolar na kapalit ng diesel sa halagang P23.87 kada litro lang sa Indonesia.
Tama ang ginawang welga ng mga tsuper sa pangunguna ng Piston. Tama ang panawagan na tanggalin ang excise tax at VAT, na ibasura ang Oil Deregulation Law. Mali ang baryang pisong dagdag-pasahe na ipinatupad ng gobyerno sa panahong kailangan ng P10 na dagdag para lang mabalik ang dating kabuhayan ng mga tsuper.
Anong sagot ng pamilyang Marcos sa hinaing ng mga tsuper? Namigay ng ilang kilong bigas at nakipag-selfie, sabay humirit na “huwag na kayo mag-strike ha.”
Magkakaroon pa ng welga sa susunod. Wala pa mang petsa, dahil sa tinatakbo ng mga bagay-bagay, alam nating mangyayari at mangyayari iyan.
Atubili si Marcos Jr., hari ng imported, sa lahat ng kanyang mga kaibigang dayuhan, suportado ang US at ang giyera nito. Bulag sa danas ng mga kababayan niya. Aanhin pa ng mga tsuper at mananakay ang ayudang bigas sa susunod kung wala nang makabiyaheng jeepney?