Midya, may kahinaan sa pagbabalita ng hostage crisis, pero…


Sa pagtitipong ito ng mga kinatawan ng midya, organisasyon ng mga mamamahayag at mga dalubhasa sa midya, natukoy ang malaking kahinaan sa pagkober sa nakaraang madugong hostage crisis noong Agosto 23. Pero hindi midya ang pangunahing pumalpak, anila, kundi ang Philippine National Police.

Quijano ng NUJP at PMC: May pananagutan ang midya, pero PNP pa rin ang pangunahing responsable sa palpak na negosasyon. (Jose Cosido)
Quijano ng NUJP at PMC: May pananagutan ang midya, pero PNP pa rin ang pangunahing responsable sa palpak na negosasyon. (Jose Cosido)

Kailangang maging mapagmatyag at responsable ang midya sa implikasyon ng mga pamamaraan ng pagkober nito.

Ito ang nagkakaisang pagtingin ng mga kinatawan ng midya, mag-aaral at propesor ng pamamahayag, sa isang talakayan hinggil sa papel ng mga mamamahayag sa nakaraang hostage crisis sa Quirino Grandstand sa CMC Auditorium noong Agosto 27.

Inisponsor ito ng College of Mass Communication Student Council (CMC-SC) ng University of the Philippines (UP) Diliman.

“Kung susuriin ang coverage ng midya sa naganap noong Agosto 23, makikitang may impormasyong naging makabuluhan hindi sa publiko kundi sa hostage-taker habang naging desperado siya at dumulo sa pagpatay sa mga hostage,” ayon sa pahayag ng mga estudyante at guro ng UP CMC, na binasa sa naturang pagtitipon.

Inamin naman ni Maria Ressa, news and current events head ng ABS-CBN-2, na maaaring may pagkukulang sila sa coverage ng naturang kaganapan. Gayunman, itinuro niya ang gobyerno, partikular ang Philippine National Police na dapat umano’y kumokontrol sa sitwasyon.

“Ang gobyerno ang gumagawa ng ground rules sa ganitong mga pangyayari,” ani Ressa. “Kung nananawagan ang gobyerno ng news blackout sa araw na iyon, susuportahan naming ito.”

Sinabi pa ni Ressa na tinasa na nila ang kanilang coverage noong Agosto 23 at masasabi nilang nagkaroon sila ng self-restraint, ngunit ipinagtanggol niya ang pagpalabas nang live sa paghuli ng mga pulis kay Gregorio Mendoza, kapatid ng  hostage-taker na si dating Capt. Rolando Mendoza.

Ayon sa nakatakas na drayber ng bus, ang pagkapanood niya sa telebisyon sa pagkahuli sa kanyang kapatid ang umanong lalong nagpagalit sa hostage-taker at maaaring nagtulak sa kanyang pagbabarilin ang hostages.

Inere nang live ng ABS-CBN-2 at GMA-7 habang nagaganap ang hostage taking hanggang magwakas ito sa madugong paraan.

Sang-ayon naman ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) na nasa kamay ng mga pulis ang pagkokontrol ng sitwasyon upang pangalagaan ang kaligtasan ng mga hostage. Subalit nananawagan ang grupo sa lahat ng mga mamamahayag na seryosong pag-aralan ang paraan ng pagbabalita sa nasabing insidente na isang banda ay nakapag-ambag sa madugo nitong pagtatapos.

Ipinaliwanag ni Ilang-Ilang Quijano, national director ng NUJP at online editor ng Pinoy Weekly, na maaaring masisi ang labis na coverage sa kumpetisyon at komersiyal na interes ng mga malalaking broadcast media.

“Dahil ayaw ma-outscoop ng ilan sa ating mga kasamahan sa pamamahayag, nangyayari ang mga ganito,” ani Quijano, na executive director din ng PinoyMedia Center (PMC).

Gayunman, sinabi ni Quijano na hindi dapat gamitin ng gobyerno ang kahinaang ito ng midya para magpatupad ng mga patakarang lalabag sa kalayaan sa pamamahayag.

Itinukoy niya ang paghain sa Kamara ng House Bill 2737 ni Cebu Rep. Luis Quisumbing, na naglalayong isabatas ang pagkakaroon ng news blackout sa mga crisis situation.

Sinabi naman ni Prop. Luis Teodoro ng UP CMC at Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR) na dapat ngang tutulan ng mga mamamahayag ang pagsasabatas sa journalism ethics, at pagtrabahuin ang pagdidisiplina ng sariling hanay.

Nananawagan din si Teodoro sa lahat ng mga mamamahayag na tanggapin ang mga pagkakamali at magtipun-tipon at magbuo ng kaisahan kung paano reresolbahin ang mga ganitong pangyayari na magagamit sa pagkakataong may mangyaring katulad na insidente.

Maliban kina Ressa, Teodoro at Quijano, nagsalita rin si Roberto del Rosario bilang kinatawan ng Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas (KBP).