Noynoy, hinayaan ang demolisyon dahil sa utang na loob sa Ayala?
May utang na loob si Pang. Benigno “Noynoy” Aquino sa pamilya Ayala, may-ari ng korporasyong debeloper ng proyektong Quezon City Central Business District (QC-CBD), kaya’t hinayaan nito ang marahas na tangkang pagpapalayas ng libu-libong maralita sa Sityo San Roque kaninang umaga. Ito ang inihayag ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), na namuno sa barikadang napuwersa […]

May utang na loob si Pang. Benigno “Noynoy” Aquino sa pamilya Ayala, may-ari ng korporasyong debeloper ng proyektong Quezon City Central Business District (QC-CBD), kaya’t hinayaan nito ang marahas na tangkang pagpapalayas ng libu-libong maralita sa Sityo San Roque kaninang umaga.
Ito ang inihayag ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), na namuno sa barikadang napuwersa ang pag-atras ng demolition team, matapos ang tatlong oras na pagdedepensa sa mga kabahayan sa harap ng EDSA Ave. malapit sa kanto ng North Ave. (Tingnan ang mga larawan)
Ayon sa Kadamay, hindi bababa sa limang katao ang dinampot ng mga pulis at dinala sa ‘di-pa matiyak na presinto. Samantala, isang residente ang isinugod sa ospital dahil sa malubhang tama sa ulo.
Ang clearing operations sa halos 30-ektaryang sityo ang unang hakbang para maisakatuparan ang proyektong joint venture sa pagitan ng gobyerno at Ayala Land Inc. sa 250 ekt. sa lungsod. Tinatayang mawawalan ng tirahan ang halos 25,000 pamilyang maralita nang dahil sa QC-CBD.
“Tuluyan nang nahubaran si Noynoy. Sa kabila ng pag-asta na maghahatid ng pagbabago, wala siyang pinag-iba sa mga nakaraang rehimen na sunud-sunuran sa interes ng malalaking negosyante at dayuhan,” ani Carlito Badion, pangkalahatang kalihim ng Kadamay.

Tinuligsa rin ng grupo ang kawalang-aksiyon ni bise-presidente Jejomar Binay. “Bilang chairman ng HUDCC (Housing and Urban Development Coordinating Council), maaaring napigilan na niya ang demolisyon sa antas-plano pa lamang, kung talagang iniisip niya ang kapakanan ng mga maralita,” sabi ni Badion.
Gayundin, masama ang loob ng mga maralita kina alkalde Herbert Bautista at bise-alkalde Joy Belmonte, na mga kapartido ni Aquino. Ani Badion, “Walang nakitang ni isang kinatawan mula sa pamahalaang-lungsod habang nagaganap ang demolisyon.”
Samantala, bumuhos naman ang suporta para sa pinapalayas na mga residente.
“Makatarungan ang paglaban ng mga residente ng Sityo San Roque…Karapatan nila, katulad ng lahat ng maralita, ang paninirahan at kabuhayan. Dahil hindi ibinigay ng pamahalaan ang kanilang mga karapatan, gumawa sila ng paraan. Ngayon, ito ang inaalis sa kanila,” pahayag ng sentrong unyong Kilusang Mayo Uno.
Ayon naman sa pahayag ng grupong Anakbayan, na ang mga miyembro ay umayuda sa barikada, “Wala pang disenteng relokasyon para sa mga pamilya. Hindi sila maaaring palayasin na lamang ng gobyerno at hayaang mamuhay nang parang mga daga.”
Tutol ang mga maralita inaalok na relokasyon ng National Housing Authority (NHA) sa Montalban, Rizal dahil walang kabuhayan, walang kuryente at tubig, substandard ang mga bahay, at binabaha ang lugar, ayon mismo sa mga residenteng nauna nang boluntaryong lumikas. (Basahin ang kaugnay na istorya)
Patuloy na magbabantay ang mga mamamayan ng San Roque, kasama ng iba pang mga grupo, sa kabila ng Temporary Restraining Order na iniutos kanina ni Judge Maria Luisa Quijano-Padilla ng Branch 226 ng QC Regional Trial Court.
Inihayag na ni Chito Cruz, general manager ng NHA, na umaasa ang ahensiyang mapapawalang-bisa rin ang TRO at maitutuloy ang demolisyon.