Dalawang tula tungkol sa demolisyon


Dalawang tula tungkol sa demolisyon ng mga maralitang komunidad sa North Triangle, Quezon City.

Ilang tanong lamang, mga ginoo’t kagalang-kagalang
ni Richard Gappi

Kaninang umaga, dinemolish ng pinagsama-samang pwersa
ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at QCPD
anti-riot team ang mga naninirahan sa Sitio San Roque,
Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City.
Ayon sa mga ginoo’t kagalang-galang, binabawi lamang
daw nila ang lupa ng pamahalaan na iligal na inokupahan
ng mga nasabing residente.

Ilang tanong lamang mga ginoo’t kagalang-galang:
Hindi ba kabilang sa publiko ang mga residente na inyong pinalalayas?
Kung deka-dekada na silang naninirahan dito, sila ba ay
pugad ng iligal kaya pinalalayas nyo nang mas mabilis pa sa alas-kwatro?
Kung mula sa demolisyon at guho itatayo nyo ang central business,
kanino ba ito nakasentro? Saan nakatungtong ang ganitong asenso?
Hindi ba sa mga tulad nilang hanggang noo ang utang
at nakakaraos sa buhay isang kahig isang tuka araw-araw?
Hindi kaya habang nagwiwindow-shopping ang karamihan,
walang mahagilap na hanapbuhay ang inyong mga pinagtabuyan;
kulay putik ang tubig na galing sa poso;
hindi makapag-aral ang kanilang mga anak
dahil malayo sa eskwelahan;
at binubunot din sa kanilang komunidad
ang kultura at kasaysayan?
Sino ang nakikinabang sa kaunlaran?
Sino ang nasasagasaan sa sangandaan
ng nagbubunong-brasong dambuhalang kapital
at katwirang magkaroon ng matinong matitirahan?

Kung hinahanap nyo ang katwiran sa itatayong edipisyo,
mga kagalang-galang at ginoo,
tingnan nyo ang kahulugan ng di mabundat-bundat na kapital:
sa malawak na parking area na semento at espasyo
ang inyong mga higanteng tubo ay pinupulot nyo na parang
sinasamyo nyo sa tanghaling tapat ang bulaklak ng katuray.