Ibayong pagpapahirap sa detinidong pulitikal na buntis


May mga kaso ng mga dinudukot at ikinukulong ng mga ahente ng estado – noong batas militar at ngayon – ang nagdalantao. Ibayong hirap ang naranasan nila. At kapag tumagal sa pagkakulong, hindi na lang sila ang detinidong pulitikal. Pati ang kapapanganak na sanggol, nakakulong at nagdurusa.

Si Judilyn Oliveros ng Morong 43 at ang kanyang noo'y kapapanganak pa lamang na sanggol noong Hulyo 2010. (Kontribusyon)
Si Judilyn Oliveros ng Morong 43 at ang kanyang noo'y kapapanganak pa lamang na sanggol noong Hulyo 2010. (Kontribusyon)

Sinumang nakaranas ng pang-aabuso ng militar ang makakapagsabi kung gaano kahirap ito. Mas mahirap, marahil, sa mga tulad ng babaing detinidong pulitikal na buntis o may bagong panganak na sanggol.

Kamakailan, tumampok ang kaso ni Judilyn Oliveros at Mercy Castro, kapwa bahagi ng “Morong 43.” Buntis sina Oliveros at Castro nang dukutin ng mga elemento ng militar sa Morong, Rizal noong Pebrero 2010. Nangangak na si Oliveros at nasa kustodiya ng Philippine General Hospital, pero di pa rin tiyak kung saan manganganak si Castro at kung sa detensiyon o sa ospital siya mag-aalaga ng bagong panganak.

Ilan lamang ang mga kasong ito sa mga “di-makatwirang” pulitikal na detensiyon na partikular sa kababaihan – noon at ngayon.

Noong batas militar

Isa si Prop. Judy Taguiwalo, kasalukuyang propesor sa Women and Development sa Unibersidad ng Pilipinas at faculty regent sa naturang pamantasan, sa mga naging bilanggong pulitikal noong panahon ng batas militar. Isa rin siya sa mga bilanggong pulitikal na buntis noong maaresto noong Enero 1984. Sa kulungan na siya nanganak, noong Hunyo 1984.

Ang desaparecido na si Maria Luisa Posa Dominado, dinukot sa panahon ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo ay isang bilanggong pulitikal na nag-aruga ng kanyang anak sa loob ng kulungan. Dati siyang bilanggong pulitikal ng diktadurang Marcos at kasama ngayon sa bilang ng mga biktima ng sapilitang pagkawala.

Larawan sa pahayagan ni Judy Taguiwalo at ang kanyang anak, noong Marso 8, 1986, ilang araw matapos mapalaya at ilang linggo matapos mapatalsik ang diktadurang Marcos.
Larawan sa pahayagan ni Judy Taguiwalo at ang kanyang anak, noong Marso 8, 1986, ilang araw matapos mapalaya at ilang linggo matapos mapatalsik ang diktadurang Marcos.

Sa panahon ng diktadurang Marcos, kinatampukan ang batas militar ng malalaking kampanyang militar, na diumano’y may layuning supilin at kitlin ang umuusbong pa lamang na rebolusyonaryong kilusan.

Sa nagdaang administrasyong Arroyo, walang deklarasyon ng batas militar. Ngunit isinakutuparan nito ang marahas na Oplan Bantay Laya, na muling gumamit ng mga taktika sa interogasyon, pananakot at pang-aabuso na laganap noong panahon ng batas militar. Ipinagpatuloy naman ng kasalukuyang administrasyong Aquino ang marahas na giyerang kontra-insurhensiya ng nagdaang pangulo.

Buntis na detinido

Ganito din ang karanasan ni Wenifreda Marigundon, isang organisador ng mga magbubukid sa lalawigan ng Quezon. Lumaya si Marigundon sa bilangguan noong Setyembre 2009, matapos maabsuwelto  sa kasong rebelyon, murder at arson.  Sa  panayam ng Pinoy Weekly, sinabi ni Marigundon ang mga pinagdaanan niya sa kamay ng 76th Infantry Batallion na responsable sa ilegal na pag-aresto sa kanya.

Inaresto si Marigundon sa isang pampublikong lugar sa Plaridel, Quezon, noong Nobyembre 28,2005. Maging ang kanyang anak na panganay, na noo’y apat-na-taong gulang  pa lamang, nakasaksi kung paano igapos, piniringan at ibalibag sa loob ng sasakyan si Marigundon.  Sa  panahong iyon, walong buwang buntis siya.

“Sa unang kampong pinagdalhan sa akin, sa himpilan ng batalyon, dalawang araw akong hindi pinakain, pinainom, pinagkaitan ng gamot at tinuluy-tuloy ang interogasyon,” aniya.

Matapos na ilipat sa Lopez Police Station si Marigundon at sampahan  ng kaso, muli siyang kinuha ng mga militar at dinala sa headquarters ng Southern Luzon Command. Dito na siya nanganak noong December  22, 2006, bago muling ibinalik sa  76th IB Headquarters.

Ikinuwento ni Marigundon ang tila hindi matapus-tapos na interogasyon sa kanya  kahit bagong  panganak pa lamang siya.

“Pagkapanganak ko,wala pang isang araw,dumating ulit ang mga militar. Tinatanong  ulit nila ako  tungkol sa mga NPA (New People’s Army). At kapag  di nila nagustuhan  ang  sagot ko, hinahampas nila nang malakas ang kama. Napapatalon tuloy  ang baby ko na sumususo sa akin,”  kuwento ni Marigundon.

Idinagdag  pa niyang sa panahong  iyon, dinugo siya.  Sabi pa ni Marigundon, binantaan umano ng mga militar ang mga doktor at nars na huwag siyang pakainin at painumin ng gamot kung hindi siya susunod sa mga iniuutos at tinatanong nila.

Sa loob ng halos isang taong pananatili sa loob ng kampo-militar, walang tigil ang mental na tortyur sa kanya.  “Naranasan  naming magutom na mag-ina sa loob ng kampo. Ang barracks na pinagkulungan sa aming mag-ina ay walang bintana. Butas ang bubong  kaya pag-umuulan, nababasa kami at nagpuputik  dahil sa lupa lang ang sahig,” sabi pa niya.

Ayon kay Marigundon, ang  isa sa pinakamasakit na tortyur sa kanya ay nang pilitin siyang sabihin kung nasaan ang kanyang panganay na anak.