Tag-ulan sa New Delhi
Hindi ko gaanong gusto ang pagsisimula ng pagmumuni-muni, “When I was in (banggitin ang dayuhang lugar na napuntahan)…” Parang exklusibo ang karanasan, at parang pulpol na pantas na ang nagsasalita (kung hindi ka pa nakapunta roon ay wala kang karapatang kumontra).
Hindi ko gaanong gusto ang pagsisimula ng pagmumuni-muni, “When I was in (banggitin ang dayuhang lugar na napuntahan)…” Parang exklusibo ang karanasan, at parang pulpol na pantas na ang nagsasalita (kung hindi ka pa nakapunta roon ay wala kang karapatang kumontra).
Nakakapagbiyahe lang ako kapag may kumperensya. Hindi lubos na masaya ito dahil sa agam-agam ng paghahanda at pagtiyak na matagumpay ang papel na ipinangakong basahin. May agam-agam din sa grupong makakasama, ilang araw din ito ng buhay mo.
Mas gusto ko ang biyahe sa Asia dahil una ay magaan ang mga kasama, walang gaanong pataasan ng ihi. Ikalawa ay naghahanda talaga sila—mula hotel hanggang hapunan. Hindi ka naiiwang mag-isa. Atraksyon din kung bago ang lugar. Hindi ako mahilig sa museo at sight-seeing. Wala rin namang oras para gawin. Sa labas ng sesyon ay gusto ko lamang humilita at magpahinga.
Maganda ang New Delhi dahil ito ang kolonial at post-independence na sentro ng higanteng bansa ng India. Maraming matatandang puno, may squirrel at kung ano-anong exotikong ibon ang naglipana. May probisyon na ang mga gusali ay dapat mayroong green space kaya kahit mainit ang paligid ay presko ang paningin.
“Indian life stops when it rains,” banggit ng host. Wala na raw lumalabas ng bahay, wala nang ganang dumating sa mga takdang oras, matatagalan ang pagbubukas ng pagtitipon. Sa katunayan, nang tawagan niya ang kanyang kapatid kung bakit wala pa ito sa takdang usapan, ang dahilan ay “umuulan kasi.”
Parang tanggap na kapag may ulan, wala nang plano ang matutuloy. O mauunsyami ang maraming bagay at hindi matutupad ang lahat ng plinano. Malakas at tuloy-tuloy ang monsoon sa New Delhi. May pwersa pero malumanay. Hindi tulad ng ulan sa Pilipinas, may hangin at nakakatakot matagpuan ang sarili sa labas kapag nangyari ito.
Sa New Delhi, napansin ko na kapag umulan, hindi nagpapayong ang mga tao, lalo na ang mga lalake. Normal lang mabasa sa ulan, magpatuyo na lamang. At tunay na presko ang ulan sa New Delhi dahil tunay rin mainit ang paligid kahit pa panahon na ng tag-ulan. Ewan ko kung ano ang nauna, ang init at ang preskong ulan o ang preskong ulan na inaasahang magtapos sa init.
Pero kahit umuulan ay patuloy ang ordinaryong buhay. May mga batang nagbebenta pa rin ng hand-made na kwintas. Sinabayan ako patawid ng kalsada. Nagmumustra na tumigil ang mga sasakayan at nang magkaroon ako ng kumpiyansang tumawid. Inalok ako ng 10 kwintas para sa 100 rupees (ang rupee ay katumbas ng piso). Tinanong ko kung pwedeng dagdag, sabi niya ay “Ok, Ok,” na para siyang unsyaming matanda na napilitang pumayag.
Nag-withdraw ako sa ATM at matapos ay mayroon iba pang nakaantay na mga paslit na nagbebenta pa rin ng kwintas. Inalok naman ako ng isa ng 25 kwintas para sa 100 rupees. At dahil doble ito sa unang bili, napa-oo muli ako. Napangiti na lang ako sa wais na batang babae na unang nagbenta sa akin. Entrepreneurial ang mga Indian, bata pa lang ay alam nang dumiskarte para mabuhay.
Walang pinipiling oras ang ulan sa New Delhi. Minsan sa umaga, tanghali, hapon at gabi. Pero walang palya, may isang malakas na ulan kada araw na nandoon ako. Patuloy pa rin ang buhay mula sa ibaba, nagkakandakumahog mabuhay, magbenta ng mga produktong likha, umawit at sumayaw, magtanghal para sa host ng hapunan, lalo na para sa isang internasyonal na kumperensyang tulad ng pinuntahan ko.
Minsan ay umuulan at malayo ang biyahe. Trafik at pagod na sa araw na iyon. Sa unang umaga pa lang, sa pagbubukas ng kumperensya at sa lawn ito ginawa, may tent at plastic sa putukang lupa, ay walang hupa ang ulan. Umuulan at alam ito, pati ang mga siwang sa loob ng gusali ay tumitiktik. Mapuputik ang entrances.
Ito ang mga kwentong dinaranas at hindi ikinukuwento, sinisimulan nang “Noon nasa India ako…”