Kapirasong Kritika

Luisita: Makikialam Tayo


Mga kaibigan at kasama, may sinasabi sa atin at sa publiko ang mga propagandista ng mga panginoong maylupang Cojuangco at Aquino at ng rehimen ni Presidente Benigno “Noynoy” Aquino III: huwag daw tayong makialam sa mga nagaganap sa Hacienda Luisita.

Mga kaibigan at kasama, may sinasabi sa atin at sa publiko ang mga propagandista ng mga panginoong maylupang Cojuangco at Aquino at ng rehimen ni Presidente Benigno “Noynoy” Aquino III: huwag daw tayong makialam sa mga nagaganap sa Hacienda Luisita.

Huwag daw tayong makialam dahil pribado ang usapin doon, bagay na dapat pagpasyahan ng mga direktang sangkot. Huwag daw tayong makialam dahil ang totoo’y nagpasya na ang mga magsasaka at manggagawang bukid: Gusto nila ang Stock Distribution Option, ayaw nila ang pamamahagi ng lupa. Gusto nila ang mga Cojuangco at Aquino, ayaw nila sa Kaliwa. Iyan ang sabi nila.

Sa panig natin, may masamang balita tayo sa mga propagandistang ito at sa kanilang mga panginoong maylupa, lalo na sa kanilang panginoon sa Malakanyang: Makikialam tayo. Uulitin ko: Makikialam tayo.

Makikialam tayo dahil hindi ito para sa interes ng ating mga sarili o pamilya, kundi sa interes ng mga magsasaka at manggagawang bukid sa Luisita at buong bansa. Makikialam tayo dahil aalpas tayo sa komportableng hawla ng ating personal na buhay para maging tunay na kapwa, kapatid at kasama ng naghihirap na’y niloloko’t dinadahas pang mga magbubukid sa hacienda.

Makikialam tayo dahil pekeng kasunduan ang sinarhan nitong huli, kasunduan sa mga lider-magsasakang nagsasabing kumakatawan sa mga organisasyong hindi nila pinapamunuan at bayaran ng mga panginoong maylupang itinuturong utak sa pagpaslang sa marami nilang kasamahan. Makikialam tayo dahil punung-puno ng panlilinlang ang naging halalan, na kiling na kiling sa SDO at kontrang-kontra sa reporma sa lupa. Makikialam tayo dahil kahit tayo ang mga magbubukid sa Luisita, maaaring nagipit tayo para bumoto pabor sa SDO, pero gugustuhin nating maghimagsik at gugustuhin nating may ibang maghimagsik.

Makikialam tayo kahit pa sinabi ng isang obispo na dapat kilalanin ang naging botohan at ipinapahaging niyang wala na tayong magagawa dahil nasamantala ang pagiging gipit sa pera ng mga anakpawis ng Luisita. Makikialam tayo dahil mas naniniwala tayo kay Hesukristo, na nagsabing anuman ang ginagawa natin sa ating pinakamaralitang kapatid ay siya ring ginagawa natin sa Kanya. Makikialam tayo dahil hindi tayo makakapayag sa panloloko at pandarahas sa ating mga kapatid sa Luisita.

Makikialam tayo dahil hindi nyutral ang Korte Suprema, na napakarami nang desisyong kontra sa mga manggagawa, magsasaka at masang anakpawis at laging pumapabor sa mga naghahari at nakikinabang sa bansa.

Makikialam tayo dahil patakaran ng gobyerno ang reporma sa lupa, maging ang desisyon ng Presidential Agrarian Reform Council noong 2005 na ibasura ang SDO at ipamahagi ang lupa ng Luisita. Makikialam tayo dahil interes nating lahat kung paano ipapatupad ng rehimeng Noynoy ang desisyon ng PARC at ang reporma sa lupa. Makikialam tayo dahil gusto nating maipatupad ang makatarungang patakarang ito ng gobyerno, na nakamit ng mga taga-Luisita sa tuluy-tuloy na paglaban nila. Makikialam tayo dahil hindi porke’t pinuno ng gobyerno si Noynoy ay hindi na nito ipapatupad ang patakarang sumasagasa sa interes ng pamilya niya.

Makikialam tayo dahil may implikasyon ang nagaganap sa pinaka-kontrobersyal na usapin sa lupa sa bansa sa lahat ng magsasakang Pilipino. Makikialam tayo dahil ayaw natin ang mensaheng inihahatid ng naganap sa Luisita sa iba pang panginoong maylupa: na kapag kinasabwat ang ilang lider-magsasaka, kapag naglunsad ng nilutong eleksyon, kapag ginamit ang hindik ng baril at hikayat ng pera, pwede nang hindi ipatupad ang reporma sa lupa.

Makikialam tayo dahil ipinangako noon ni Jose Cojuangco, Sr., ipinangako noon ni Cory Aquino, at ipinangako nitong huli ni Noynoy, na ipapamahagi sa mga magsasaka ang lupa. Makikialam tayo dahil ipinakita na ng kasaysayan na kayang gawin ng mga Cojuangco at Aquino ang maruruming pakana para baligtarin ang pangako nila. Makikialam tayo dahil bagamat ipinangako ni Noynoy ang pamamahagi ng lupa, kinontra agad ito ng kanyang pinsang si Fernando Cojuangco, mataas na opisyal ng Luisita, na nagsabing talagang dapat modang hacienda ang pagtatanim ng tubo – patunay ng kanilang motibo. Makikialam tayo dahil dapat tinutupad ang makatarungang pangako, at ipinako ang mga naunang pangako gamit ang gobyerno, ang batas, ang korte, ang militar – gamit ang buwis, samakatwid, na ating pinagpaguran.

Makikialam tayo kahit ang gusto ni Noynoy ay ang tinatawag niyang “pakikisangkot,” at sinasabi niyang “ang nakikialam, walang hanggan ang reklamo” at “ang nakikilahok, nakikibahagi sa solusyon.” Dahil hindi tayo makikisangkot sa kanyang pakahulugan – na ang ibig sabihi’y makikipagsabwatan – sa kanyang gobyernong populista sa salita pero sa gawa’y maka-Kanan.

Makikialam tayo dahil hindi tayo makakapayag na dudulo ang mahaba at maningning na pakikibaka ng mga magsasaka at manggagawang bukid sa pagkabigo nila at pagtatagumpay ng mga Cojuangco at Aquino. Makikialam tayo dahil gusto nating balikan ang kasalukuyan mula sa tanaw ng matagumpay na hinaharap at sabihing tumindig tayo sa tama, sa panig ng inaapi, at hindi nagpagapi kahit sa malakas na kalaban.

Makikialam tayo dahil maalamat ang yaman ng pamilya Cojuangco at Aquino, ang pagmamalaki ni Kris Aquino ng isang kwintas sa telebisyon na “katas ng Luisita,” ang dati nang nabalitang mga kabayo sa Luisita na kumakain ng imported na butil at nakatira sa de-aircondition na kwadra. Makikialam tayo dahil maalamat din ang kahirapan at kagutuman ng mga magsasaka at manggagawang bukid sa Luisita, ang pagkita nila ng P9.50 kada linggo, ang pagpapakulo nila ng bato para may alat ang sabaw na ibubuhos sa kanin nila.

Makikialam tayo dahil hindi kusang ibibigay ng mga naghahari at nakikinabang sa bansa ang mga kahilingan ng mga magbubukid sa Luisita. Makikialam tayo dahil nasa sama-samang pagkilos at paggigiit natin ang pag-asa.

Alam ko, mga kaibigan at kasama, na ang bawat isa sa atin ay mayroon pang napakaraming dahilan kung bakit tayo makikialam sa Hacienda Luisita. Maraming dahilan ang bawat isa, mga buhay na mga dahilan, mga dahilang patuloy na naghihirap pero lumalaban. Hindi na lang ito laban ng mga taga-Hacienda Luisita; laban na ito nating lahat.

Makikialam tayo! At dahil makatarungan ang ating ipinaglalaban, dahil magpupunyagi tayo, at dahil isinusulong natin ang interes ng masang magsasaka at sambayanan, magtatagumpay tayo, mga kasama!

01 Setyembre 2010

[Panukalang talumpati sa mga pagkilos para sa lupa at katarungan para sa mga magsasaka at manggagawang bukid ng Hacienda Luisita.]