Istorya ng Linggo

100 araw na kampuhan ng magsasaka: Bigkis ng paglaban


Mula sa unang araw ng pag-upo ni Noynoy Aquino bilang pangulo, nagbantay na ang mga magsasaka sa Timog Katagalugan. Nangako silang hihintayin, sa loob ng unang 100 araw, ang kahihinatnan ng pangakong “pagbabago” ng bagong gobyerno.

Naging sentro ang kampuhan ng pakikisalamuha ng iba't ibang sektor na sumusuporta sa laban ng mga magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa. (Bambam Luneta)
Naging sentro ang kampuhan ng pakikisalamuha ng iba't ibang sektor na sumusuporta sa laban ng mga magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa. (Bambam Luneta)

Ilang araw bago mag-isandaang araw sa puwesto si Pang. Benigno Aquino III, nanatiling nakatindig ang mga kubol ng mga magsasaka sa harap ng tanggapan ng Deparment of Agrarian Reform sa Quezon City. Ilang araw na lang, hindi pa rin dinidinig ng pangulo ang kanilang panawagan – lupa para sa mga magsasaka.

Mula sa unang araw ng pag-upo ni Aquino bilang pangulo, nagbantay na ang mga magsasaka. Nangako silang hihintayin, sa loob ng unang 100 araw, ang kahihinatnan ng pangakong “pagbabago” ng bagong gobyerno.

Pero sa unang araw pa lang ng pagkakampo sa paanan ng Malakanyang, dahas ang itinugon sa kanila. Pinaalis dahil “istorbo” daw sa trapiko. Inaresto ang ilan at giniba ang mga kubol. Kuwento ni Edgar Laresma, 29, na naroon noon, wasak ang mga kubol nang bumalik sila sa Mendiola Bridge matapos silang habulin ng mga pulis.

Pinapalayas

Biktima ng pagpapalayas sa kanilang sityo si Edgar. Aniya, matagal na sila sa Sitio Kabute sa Calamba, Laguna. Ang kanyang mga ninuno ang naghawan ng noo’y masukal pang sityo. Doon namuhay ang kanilang angkan hanggang sa panahon ni Edgar. Pero isang araw ng Pebrero 2009, pinalalayas sila dahil nabili na raw ng Metrobank ang naturang lupa. Giniba ang kanilang mga bahay.

Film showing sa loob ng kampuhan (Bambam Luneta)
Film showing sa loob ng kampuhan (Bambam Luneta)

Pinalilipat sila sa may tabing ilog na malapit sa sityo, pero hindi sila pumayag. Dinidebelop na rin ang kasi ang naturang lugar at ilang residente na rin ang napalayas doon. “Ibig sabihin, pinalilipat kami sa lupa nang walang kaseguruhan, ililipat kami para palayasin ulit,” sabi ni Edgar.

Ilang beses na giniba ang kanilang mga bahay. Ilang beses na din nila iyong itinayong muli. Sa ganitong kalagayan, nagkaroon sila ng kaugnayan sa mga magsasakang kalapit ng kanilang lugar na pinalalayas din sa lupang kanilang sinasaka. Iisa ang kanilang problema.

Kaya sumama si Edgar sa kampuhan, na pinangunahan ng Kasama-TK (Katipunan ng Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan). “Baka-sakaling dinggin ng bagong pangulo ang aming panawagan,” aniya.

Sa kampuhan, nagdadaos ng mga pag-aaral tungkol sa kalagayan ng mga magsasaka at iba pang sektor. Doon nakita ni Edgar na maraming sumusuporta sa kanilang laban. Kuwento niya, maraming mga manggagawa, estudyante, propesyunal, taong-simbahan at iba pa ang nakakasalamuha niya roon: “Mula sa kanila ay natututo ako, at nagbabahagi rin ako ng aking karanasan.”