46 Pinay, ikinulong sa Dubai
Dubai, UAE – Apatnapu’t anim na kababaihang Overseas Filipino Worker (OFW) na iniwan ng kanilang employer ang ikinulong ng pulisya sa Immigration and Detention Cell sa Al Aweer, Dubai, matapos maaresto sa Ajman, 35 kilometro ang layo mula sa Dubai, noong Oktubre 7 ng umaga. Inilipat din sila sa kustodiya ng Philippine Overseas Labor Office-Overseas […]
Dubai, UAE – Apatnapu’t anim na kababaihang Overseas Filipino Worker (OFW) na iniwan ng kanilang employer ang ikinulong ng pulisya sa Immigration and Detention Cell sa Al Aweer, Dubai, matapos maaresto sa Ajman, 35 kilometro ang layo mula sa Dubai, noong Oktubre 7 ng umaga.
Inilipat din sila sa kustodiya ng Philippine Overseas Labor Office-Overseas Workers Welfare Administration (POLO-OWWA) noong araw na iyon.
Ang mga inaresto ay kontraktuwal na mga manggagawang nagtatrabaho bilang janitor at office assistant sa mga eskuwelahan sa United Arab Emirates. Iniwan sila ng kanilang employer, Lavito Building Cleaning Services, nang hindi binabayaran ang kanilang utility bills at sahod ng mga manggagawa ng dalawang buwan.
Mahigit isang buwan nang naninirahan ang mga manggagawa nang walang tubig at kuryente. Umaabot ang temperatura sa kanilang mga kuwarto ng 39 degrees, kaya’t natutulog sila sa labas at bubungan ng kanilang apartment nang maabutan ng pulisya.
Ayon kay Philippine Labor Attache Amilbahar Amilasan, nagsumbong ang sa mga kapitbahay sa pulisya dahil napansing may kalalakihang nagdadala ng mga pagkain sa loob ng apartment, na ipinagbabawal dahil pawang para sa kababaihan lamang ang lugar.
Ngunit lumalabas na tinutulungan lamang ng komunidad ng mga Pilipino mula sa Dubai at Northern Emirates ang mga manggagawa. Kabilang dito ang mga OFW na doktor na nagbibigay ng libreng serbisyo sa mga OFW na nagkaroon ng sakit sa balat sa kalunus-lunos na pamumuhay.
Sinabi ni Amilasan na agad nilang hiniling ang pag-release sa mga manggagawa na nagsampa ng kaso laban sa kanilang mga employer.
Ngunit ayon sa Migrante-UAE, maaaring naiwasan ang buong insidente kung agad na kinuha ng POLO-OWWA ang kustodiya ng mga manggagawa.
“We put the blame entirely on our inutile POLO-OWWA officers. We called their attention almost a month ago and asked them to house our kababayans at the POLO-OWWA Migrant Centre,” ayon kay Yuri Cipriano, tagapangulo ng Migrante-UAE.
Sa isang panayam sa GMANews.TV, inamin ni Amilasan na hindi nila maikustodiya ang mga manggagawa dahil puno na ang kanilang sentro ng mga runaway na mga OFW.
Sang-ayon dito si Liza Concepcion, tagapangulo ng komunidad ng mga Pilipino sa Dubai. Aniya, ang komunidad pa ang nag-ayos ng transportasyon ng mga OFW mula sa piitan patungo sa POLO-OWWA Centre dahil sinabihan umano siya ni Amilasan na walang badyet para sa transportasyon.