Biktima ng human trafficking, pauwiin –Bring Them Home Alliance
Inilunsad ngayong araw ang Bring Them Home Alliance, na ipinanawagan sa gobyernong Aquino ang pagpapauwi ng mga migranteng Pilipino na biktima ng human trafficking bago mag-Pasko, lalo ang mahigit 100 na stranded at naghihintay ng repatriation sa Jordan. May 50 indibidwal at organisasyong kasapi ng alyansa ang naaalarma sa dumaraming kaso ng pangangalakal sa mga Pilipino. […]

Inilunsad ngayong araw ang Bring Them Home Alliance, na ipinanawagan sa gobyernong Aquino ang pagpapauwi ng mga migranteng Pilipino na biktima ng human trafficking bago mag-Pasko, lalo ang mahigit 100 na stranded at naghihintay ng repatriation sa Jordan.
May 50 indibidwal at organisasyong kasapi ng alyansa ang naaalarma sa dumaraming kaso ng pangangalakal sa mga Pilipino. Ayon sa mga estadistika, may 300,000 hanggang 400,000 na biktima ng human trafficking, kabilang ang 60,000 hanggang 100,000 bata.
Isa sa mga biktima na mapalad na nakabalik sa bansa ay si Melith Ante. Nananatili pa rin sa Jordan ang kanyang kapatid na si Lelen. Ayon kay Melith, responsabilidad ng gobyerno na pangalagaan ang kapakanan ng Jordan 100++.
“Umalis kami ng bansa kahit na kapit sa patalim para lamang mabigyan ng mabuting kalagayan ang aming mga pamilya sa gitna ng kahirapan dito. Mas masakit pa sa naranasan namin sa Jordan ang malaman na hindi namin maasahan ang ating gobyerno sa mga panahon ng kagipitan. Ang hiling lang namin ngayong darating na Pasko, makasama namin ang aming mga mahal sa buhay,” aniya.
Kasalukuyang naka-hunger strike ang Jordan 100++ sa tanggapan ng Philippine Overseas Labor Office- Overseas Workers Welfare Administration (POLO-OWWA). Binigyan ng authentication ng POLO-OWWA ang employment contract ng mga OFW sa kabila ng deployment ban ng Pilipinas sa naturang bansa. Karamihan sa mga OFW sa Jordan ay tumakas sa kanilang mga amo dahil sa pagmamaltrato, pang-aabusong seksuwal, hindi pagsahod, at iba pang “mala-alipin” na mga kondisyon. (Basahin ang kaugnay na istorya)
Ayon sa Republic Act 9208 o Anti-Human Trafficking in Persons Act, tinataguriang “trafficking of persons” ang “recruitment, transportation, transfer or harboring, or receipt of persons with or without the victim’s consent or knowledge, within or across national borders by means of threat or use of force, or other forms of coercion, abduction, fraud, deception, abuse of power or of position, taking advantage of the vulnerability of the person, or, the giving or receiving of payments or benefits to achieve the consent of a person having control over another person for the purpose of exploitation which includes at a minimum, the exploitation or the prostitution of others or other forms of sexual exploitation, forced labor or services, slavery, servitude or the removal or sale of organs.”
Tinatagurian ding human trafficking ang “recruitment, transportation, transfer, harboring or receipt of a child for the purpose of exploitation.”
Ayon sa alyansa, malinaw na pasok sa depinisyon ng human trafficking ang karanasan ng mga OFW sa Jordan. Pinakabatang stranded sa Jordan ay isang 14-anyos na batang babae.
Inihayag ni Sr. Mao Catabian ng Religious of the Good Shepherd, isa sa mga convenor ng alyansa, na nakumpirma nila sa POEA na mayroon pa ring deployment ban sa Jordan. Kaya, aniya, “may kagyat na pangangailangang imbestigahan ang patuloy na pagpapadala ng mga OFW sa Jordan.”
Ayon naman kay Gina Esguerra, pangkalahatang kalihim ng Migrante International at isa ring convenor, “Ang responsabilidad ng POLO ay tupdin ang ban at i-assume na ang sinumang Pilipino roon ay biktima ng human trafficking. Bakit nila ina-authenticate ang employment contract?”
Wala pa ring opisyal na pahayag ang POLO-OWWA hinggil sa isyu.
Ang iba pang mga convenor ng Bring Them Home ay sina Rev. Sol Villalon ng United Council of Churches in the Philippines (UCCP), Rev. Homar Rubert Distajo, Rev. Corazon Abugan, Joms Salvador ng Gabriela, St. Bridget College-Batangas City Social Workers, at iba pang organisasyon ng mga migrante, kababaihan, at bata.
Kasalukuyang nasa Tier 2 ang Pilipinas sa ulat ng US Department of State hinggil sa Trafficking in Persons, dahil sa hindi pagsunod sa internasyunal na mga pamantayan para masugpo ang nasabing krimen.
“Ipinapakita ng kaso ng Jordan 100++ na kahit may batas at mga mekanismo laban sa human trafficking, walang political will at rekurso ang gobyerno para tugunan ito,” dagdag ni Esguerra.
Naglunsad din ang alyansa ng isang blog site para sa mga pinakahuling ulat hinggil sa kaso ng Jordan 100++ at iba pang kaso ng human trafficking. Target ng alyansang makauwi ang mga OFW bago ang Disyembre 18, International Migrants’ Day, at bago ang Kapaskuhan.