Dating gawi


Di pa kumukupas ang mga istiker ng dilaw na ribbon na nakapaskil sa mga sasakya’t pader sa Kamaynilaan. Patuloy pang ipinapalabas sa telebisyon ang mga patalastas hinggil sa “pagbabago” sa ilalim ng bagong rehimen. Uso pa rin sa middle class ang mga damit na may dilaw na ribbon at mapa ng Pilipinas.

Dibuho ni Neil Doloricon
Dibuho ni Neil Doloricon

Di pa kumukupas ang mga istiker ng dilaw na ribbon na nakapaskil sa mga sasakya’t pader sa Kamaynilaan. Patuloy pang ipinapalabas sa telebisyon ang mga patalastas hinggil sa “pagbabago” sa ilalim ng bagong rehimen.  Uso pa rin sa middle class ang mga damit na may dilaw na ribbon at mapa ng Pilipinas.

Ngunit sa mga maralita, sa mga mamamayang naghihirap at pinagsasamantalahan, simula’t sapul ay batid nang gimik lang ang lahat. Ramdam nilang wala namang nagbago, at walang maaasahang pagbabago. Sa unang araw pa lamang ng panunungkulan ni Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III, nagpiket na ang mga magsasaka ng Timog Katagalugan at Gitnang Luzon, sa paanan ng Malakanyang sa Mendiola. Gusto lang sana nilang paalalahanan ang bagong pangulo na isa sa pinakamahalagang isyung kailangang tugunan ay ang kawalan ng tunay na repormang agraryo. Makailang-araw, dinispers sila ng mga pulis ng bagong rehimen.

Lalong ikinagalit ng mga magsasaka ang sumunod na mga araw. Isandaang araw na ang lumipas, walang laway na sinayang si Aquino para sa isyu nila. Iwas-pusoy siya sa pakikialam kahit sa tunggalian ng mga magsasaka’t manggagawang bukid at mga kaanak na panginoong maylupa sa Hacienda Luisita. Hindi niyutral ang pagiging pangulo, sabi ng mga magsasaka, laluna’t sinasabi ni Noynoy sa masa na “kayo ang Boss ko.” Ngunit tikom ang bibig ng pangulo. At sa pananahimik pa lamang, pabor na ito sa kasalukuyang kaayusan. Pabor na ito sa pagpapatuloy ng piyudal na pagsasamantala sa magsasaka.

Sa kanyang unang State of the Nation Address, tumahimik din ang Pangulo  kaugnay ng  sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor at suweldo ng mga kawani ng gobyerno. Inihayag niya ang kagustuhan ng administrasyong lumikha raw ng mga trabaho sa “pakikipagsosyo ng gobyerno sa pribadong sektor.” Wala itong ipinagkaiba sa pagsasapribado ng pampublikong assets ng nakaraang mga administrasyon. Ipinagmamalaki pa niya ang planong damihan pa ang call centers sa bansa. Tahimik si Aquino sa kung anong klaseng kaseguruhan mayroon ang mga mamamayang papasok sa trabahong ito. Tahimik siya sa paglaganap ng kontraktuwalisasyon sa paggawa. Tahimik sa matinding atake sa kilusang paggawa na nangangalaga sa karapatan ng mga manggagawa.

Dumaan ang mga araw, lalong nailantad ang kawalan ng pagbabago sa bagong rehimeng Aquino. Nanatili ang matagal nang bangkaroteng mga polisiya sa ekonomiya at ugnayang panlabas. Tumindi ang mga demolisyon sa bahay ng mga maralita, nagpatuloy ang mga panunupil sa lumalabang mga mamamayan, at napalawig pa ang implementasyon ng marahas at madugong giyerang kontra-insurhensiya sa ngalan ng Oplan Bantay Laya. Patuloy ang pamamaslang sa mga aktibista’t sibilyan. Di pa rin natutuklasan ang mga dinukot at nawawalang aktibista’t sibilyan. Nananatiling nakakulong ang “Morong 43,” at ikinulong dahil sa pampulitikang paninindigan nila, tulad nina Angie Ipong, Eduardo Serrano, Jovencio Balweg, Myrna Cruz-Abraham, at iba pa. Hindi pa rin umuusad ang usapang pangkapayapaan sa rebolusyonaryong mga kilusan.

Pati ang ipinagmamalaki niyang laban sa korupsiyon, tila nauuwi sa wala, matapos isiwalat ni Bishop Oscar Cruz, Sen. Miriam Santiago, at iba pa, ang pagkakasangkot umano ng mga opisyal ng gobyernong Aquino sa mga kaso ng katiwalian, pangungulimbat at abuso sa posisyon.

Bilang lider, umani rin ng batikos si Aquino. Hindi niya maayos na napamunuan kahit ang simpleng pakikipagnegosasyon sa nag-aalburutong pulis na nang-hostage ng mga turista. Tumindi ang bangayan ng iba’t ibang pampulitikang kampo na nag-aagawan sa kapangyarihan sa loob ng kanyang administrasyon. Hindi napaghandaan ang inaasahan nang pagragasa ng mga kalamidad.

Dumulo ang unang isandaang araw sa seremonyal na bisita ni Aquino sa US. Ito na marahil ang pinakamalinaw na manipestasyon ng kawalan ng pagbabago sa bagong rehimen. Lahat ng nakaraang mga pangulo ng bansa — mula kay Emilio Aguinaldo at Manuel Quezon, hanggang kay Ramon Magsaysay at Ferdinand Marcos, hanggang kay Joseph Estrada at Gloria Arroyo – ang dumaan sa “ritwal” ng pagmamano sa pangulo ng US. Sa bisitang ito, siniguro ni Aquino ang pagpapatuloy ng di-pantay at mapagsamantalang relasyon sa pagitan ng US at Pilipinas.

Kung kaya sa ika-100 araw ni Aquino sa puwesto, hindi pa rin maaawat ang mga magsasaka, manggagawa at iba pang aping sektor ng lipunang Pilipino. Magmamartsa sila’t daraanan ang  mga sasakya’t pader sa Kamaynilaan na may nakapaskil na mga istiker ng dilaw na ribbon. Magpoprotesta sila, bitbit ang mga panawagan ng masa: tunay na kalayaan, demokrasya, at kaunlarang matatamasa ng malawak na bilang ng mga mamamamayan, hindi lamang ng iilan at dayuhan.