Balitang Global

US patalo sa Afghanistan


Halos isang dekada na sapul nang salakayin ng US at mga kaalyado nitong bansa ang Afghanistan. Pero, imbes na magapi ang mga rebelde, lalong lumalakas ang mga Islamic militants sa pamumuno ng Taliban. Pagkaraang mapatalsik sa Kabul, nakapagreorganisa na ang Taliban at lumalawak ang sakop nitong teritoryo, na halos mapasok na uli ang kapitolyo ng bansa.

Mapa ng bansang Afghanistan
Mapa ng bansang Afghanistan

Halos isang dekada na sapul nang salakayin ng US at mga kaalyado nitong bansa ang Afghanistan.  Pero, imbes na magapi ang mga rebelde, lalong lumalakas ang mga Islamic militants sa pamumuno ng Taliban.  Pagkaraang mapatalsik sa Kabul, nakapagreorganisa na ang Taliban at lumalawak ang sakop nitong teritoryo, na halos mapasok na uli ang kapitolyo ng bansa.

Sinalakay ng US ang Afghanistan sa ilalim ng programa  ni ex-US President George Bush, ang “War On Terror “at “Operation Enduring Freedom”, pagkatapos ng pananalakay sa Iraq.  Sinabi ni Bush na sandali lang ang gera at mapapalaya ng US at mga kaalyado ang naturang bansa sa malupit na paghahari ng rehimeng Taliban at madudurog din ang Al Qaeda ni Osama Bin Laden.

Baligtad ng sinabi ni Bush ang nangyayari.  Ang kanyang Northern Alliance at papet na gobyerno ni Karzai ang unti-unting nadudurog sa patuloy na digmang gerilya ng Taliban at mga Islamic militants.  Dahil, malupit man ang Taliban, malupit din ang dinadanas nila sa kamay ng international forces.   Walang pakundangan ang pagpatay at maraming sibilyan ang nasasawi sa mga helicopter at drone attacks, na ipinagkikibit-balikat lamang ng US bilang collateral damage.  Bukod pa rito ang garapal na katiwalian ng gobyernong Karzai.

Ang problema’y kumakalat ang gera sa ibang bansa.  Malaking lupalop na ng Pakistan ang baseng gerilya ng Taliban at iba pang Islamic Militants, partikular ang Northern Frontier Province (Swat region) at Federally administered tribal area.  Sinasabi rin na may base na ang Taliban sa Balochistan at bansang Bangladesh.  Higit pa, nagbubunga ng agitation sa mga Islamic fundamentalists ang patuloy na gera sa Afghanistan.  Nahahatak nito ang mga jihadists mula sa iba’t ibang bansang Muslim, lalo na sa Middle East at Central Asia.  Kamakailan, nagkaroon na ng pagsalakay ang mga Taliban sa Tashkent, kapitolyo ng Uzbekistan, na ang gobyerno ay kaalyado ng US.  At hindi maiaalis ang kaugnayan ng gera dito sa mga digmang inilulunsad ng mga fundamentalists sa mga bansang Somalia, Sudan, Congo, Yemen, at iba pa.

Lalong humina ang posisyon ng US sa Afghanistan sa napabalitang mga kasinungalingan ni George Bush kung bakit sinalakay ang bansang Iraq. Bukod sa walang nakuhang weapons of mass destruction ang US forces, hindi sila itinuring na liberator ng mamamayang Iraqi na siyang sinasabi ni Bush.  Parang 4th of July na eksena na aalayan ng bulaklak, matatamis na ngiti at halik ang mga sundalong Kano.  Kabaligtaran, itinuring silang mananakop at nagpatuloy ang resistance movement na tuluy-tuloy na lumalakas.  Isa ngayong magulong bansa ang Iraq na patuloy na dinudurog ng gera ng mga paksyong Shia, Suni at Kurds.  Pag napatunayang totoo ang paratang na si Bush mismo ang may pakana ng 9/11, ewan natin kung paano puposisyon si Barack Obama sa Afghanistan.

Bukod sa walang moral ascendancy ang US sa  gera sa Afghanistan, likas na mahirap gapiin at talagang masasabing hindi nagapi kailanman ang mamamayang Afghan.  Alam na alam ito ng Great Britain na laging talo sa tatlong digmang pananalakay na inilunsad laban sa bansang ito.  Ganito rin ang karanasan ng Persia.   As maski ni  Alexander the Great na kaya lang nakasalba ay dahil hindi niya tinangkang lupigin ang mga Afghan, sa halip pa nga ay nagpasimula ng kanyang sibilisasyon.  Nagtayo siya ng mga Alexandria sa maraming lungsod.  Pero, idinaing din ni Alexander ang kagitingan ng mga Afghan na aniya, para silang bumabangga sa pader na bakal sa bawat paghakbang sa lupaing ito.  Pinuksa ng Mongols ni Jenghis Khan ang mamamayang Afghan at lubos na sinira ang kanilang mga lungsod, winasak ang lupaing sakahan kaya disyerto na ngayon ang dating mga luntiang bukirin.  Pero, muling nakapagpanibagong salinlahi ang mga nakasalba sa genocide.

Pinakahuli ang USSR, iba nga lang ang kuwento tungkol sa pananalakay ng bansang ito.  Sinasabi ngayon sa mga ulat na US ang nagbuyo sa Rusya na salakayin ang Afghanistan, dahil tantiyado nito na matatalo ang USSR sa gera na  magbibigay-daan sa pagbagsak mismo ng Soviet power.  Sangkap ang gerang ito ng programa ni Zbigniev Brzezinsky, National Security Adviser ng administrasyon ni Jimmy Carter na “planting the seeds of the next war.”   1966 pa noong sabihin ni Brzezinsky na babagsak ang USSR sa pagtatapos ng ika-20 siglo.

Ang laki ng problema ngayon ng US.  Hindi nito kakayaning atrasan ang gera sa Afghanistan.  Dahil, pag natalo ang US sa gera,  masusuong ang mundo sa talagang ibang klaseng digmaan.  Buhay na ang mga binhing ipinunla nito para sa bagong digmaan.  Ang problema’y umalpas na ang mga iyon sa kanyang kontrol at humaharap sa kanya ngayon bilang kaaway—ang Islamic fundamentalism.  Ito na ngayon ang pangkalahatang bandila na yumayakag sa lahat ng mamamayang Muslim na labanan ang mga “infidel” at itayo ang dalisay na lipunang Muslim na kondisyon sa pagdating ng kanilang manunubos, si Al Mahdi o ang ika-12 Imam.   Natutupok na ang kontinente ng Africa sa mga pag-aalsa ng mga Islamic fundamentalists.  Sa Central Asia, buo na ang pan-Turkic Movement at pan-Turanian Movement na nilalayong pagkaisahin ang mga Turkic at Turan Peoples mula sa Northeast China (Inner Mongolia) hanggang sa Turkey.  Nasa Baku, kapitolyo ng Azerbaijan, ang sentrong himpilan ng mga organisasyong ito, at yumayanig sa Russia at Iran.

Pababagsakin ng gera sa Afghanistan ang ekonomya ng US at mga kaalyadong bansa na hindi pa nga nakakabangon sa recession.  Masyadong magastos ang drone attacks, pero hindi nila kayang gayahin ang matipid na diskarteng ginawa ng mga Mongols na ubusin ang lahing Afghan.  Dagdag pa, kailangang suhayan ng US ang Pakistan na mabuway na nga sa pakikidigma sa Taliban ay sinalanta pa ng matinding pagbaha.  Nakasalalay din sa digmang ito ang seguridad ng India at ang pangkalahatang balanse ng mga puwersa sa South Asia at Central Asia dahil lahat ng ruta sa lupalop na ito ng mundo, pati mula sa China, Iran at Russia ay obligadong dumaan sa Afghanistan na nakabalagbag ang teritoryo sa daraanan.