Totoong mukha ng pananakop
Maaari rin natin matutunan ang tunay na kalagayan ng Afghanistan na marahas na sinalakay ng US sa pamamagitan ng ilang pelikula.
Nag-viral ang mga imahe ng mga nangyari sa Afghanistan kamakailan. Ito ang imahen ng mga helikopter at eroplano ng US na papalipad sa Kabul, kapitolyo ng Afghanistan. Maraming tao ang gustong makasakay sa mga ito; may mga taong lumambitin pa sa eroplano at helikopter habang papalipad na ang mga ito. May balitang nalaglag pa mula sa ere ang mga taong nakalambitin.
Ang mga sasakyang ito ang ilan sa huling mga sasakyang pangmilitar ng US na umalis ng Afghanistan matapos ang halos 20 taong pangingialam at panghihimasok nito sa naturang bansa. Samantala, mabilis nang bumalik ang Taliban sa Kabul. Kilala ang Taliban bilang “pundamentalistang” grupo; mababa ang turing sa kababaihan, konserbatibo, at brutal sa mga mamamayan nito.
Taong 2001 nang sakupin ng armadong puwersa ng US ang Afghanistan matapos ang atake ng mga terorista sa pamumuno ni Osama bin Laden sa New York at Washington DC sa US noong Setyembre 11. Inakusahan ng noo’y US Pres. George W. Bush ang rehimeng Taliban sa Afghanistan na nagkanlong kay Bin Laden. Pero kahit nung madakip at mapatay na ng US si Bin Laden, nanatili pa rin ang US sa Afghanistan. Ito na umano ang pinakamahabang giyera ng US sa kasaysayan.
Sa pag-atras ng US sa bansa, tila walang saysay ang dalawang dekadang giyera ng US dito; hindi nadaig ang mga “kumanlong sa terorista” ng 9/11. Tinatayang mahigit 6,000 Amerikano ang nasawi sa naturang pananakop, habang halos 200,000 naman ang Afghans na nasawi (1/4 dito ay sibilyan).
Mahalagang malaman natin ang pangyayaring ito kahit malayo sa Pilipinas ang Afghanistan. Nananatiling malakolonya ng US ang Pilipinas, mahigit isang siglo matapos sakupin din tayo ng mga Amerikano. Konsiyumer din tayo ng kanilang kulturang popular. Marami sa atin, nanonood din ng mga pelikulang Hollywood. Kung noong mga taong 2000s, hilig nating mamili ng mga pekeng VCD at DVD ng mga pelikulang Hollywood, mga action at drama movies. Ngayon, alam ng mga kabataan na madali lang na ilegal na mag-download ng pelikula sa internet.
Sa kabuuan, mas gumuguhit sa Hollywood ang propaganda ng gobyerno ng US hinggil sa mga pinapasukan nitong giyera. Halimbawa, nariyan ang action movies na nagpapakita sa mga sundalong Kano bilang bayani, matapang, marangal, may puso sa mga taong nakakahalubilo nito sa sinasakop na mga bayan. Samantala, halos di-tao naman ang pagsasalarawan nito sa mga kalaban nitong mga Arabo, mga Asyano (mga Hapon, kung tungkol sa World War II ang pelikula; mga Biyetnames, kung tungkol sa Vietnam War; at mga North Korean at Tsino), mga Ruso (kung panahon ng Cold War ang setting ng pelikula), at iba pa.
Pero mayroon ding nakakalusot na mga pelikulang Hollywood na mas makatotohanang nagsasalarawan sa tunay na intensiyon ng US sa mga giyerang agresyon nito. Halimbawa siyempre ang premyadong dokumentaryong pelikula ni Michael Moore na Fahrenheit 9/11, na tumatalakay sa ugat ng teroristang mga atake noong Setyembre 11, 2001, at tunay na mga dahilan ng rehimeng Bush sa pagpasok sa giyera sa Afghanistan at Iraq. Lumabas din sa Hollywood ang pelikulang Green Zone (2010), na kinabibidahan ni Matt Damon (mas kilala natin sa mga pelikulang Bourne). Sa pelikulang ito, makikitang pineke ng US ang dahilan para sakupin ang Iraq (na sinakop ng US matapos sakupin ang Afghanistan).
Sa mga pelikulang Road to Guantanamo (2006) at Taxi to the Dark Side (2007), makikita kung paano tinortyur ng mga Amerikanong sundalo ang ordinaryong mga sibilyan na pinaghihinalaan pa lang nitong terorista pero inosente pala. Sa pelikula ni Brad Pitt na War Machine (2017), pinakita ang aroganteng heneral na Kano na nagtutulak ng pagpapatuloy ng giyera sa Afghanistan kahit patalo na ang US dito.
Sa maraming pagkakataon, nalalaman lang natin ang kasaysayan, lalo na ng ibang bansa, sa pamamagitan ng mga pelikula o TV. Ang problema nito, karamihan ng mga palabas na galing US ay dala ang dominanteng pananaw sa US – ang kanilang paniniwalang tagapagligtas sila ng mundo, kahit pa sa totoo’y nilulunsad ng gobyerno nila ang mga giyera para sa interes ng malalaking monopolyo kapitalista.
Pero kung marunong tayo maghanap, makakakita tayo ng mga pelikula at palabas na naglalaman ng katotohanan.