Kaanak ng Morong 43, di hinarap ni Aquino
Hindi pinapasok sa Malakanyang ang mga kaanak ng 43 detenidong doktor at community health worker na humiling ng pakikipag-usap kay Pang. Benigno Aquino III para hilingin ang pagpapalaya ng Morong 43, matapos ang amnestiyang ibinigay ni Aquino sa mga sundalong Magdalo. Simula Hunyo, sinusubukan na ng mga kaanak ng Morong 43 na makipag-usap kay Aquino, […]

Hindi pinapasok sa Malakanyang ang mga kaanak ng 43 detenidong doktor at community health worker na humiling ng pakikipag-usap kay Pang. Benigno Aquino III para hilingin ang pagpapalaya ng Morong 43, matapos ang amnestiyang ibinigay ni Aquino sa mga sundalong Magdalo.
Simula Hunyo, sinusubukan na ng mga kaanak ng Morong 43 na makipag-usap kay Aquino, pero lagi silang sinasabihan ng kanyang istap na maghintay o dumulog na lamang sa ibang ahensiya ng gobyerno. Kaninang umaga, matapos umano’y pagpasa-pasahan sa iba’t ibang gate ng Malakanyang, hindi rin sila pinapasok dahil sa kawalan ng clearance ng Communications Office ni Aquino, sa kabila ng pagtanggap ng nasabing opisina sa kanilang paunang liham.

“Ang hindi niya pagharap sa amin ay pagpapamukha na iniiwasan niya ang usapin ng Morong 43. Okey na pinalaya niya ang mga sundalong Magdalo. Pero hindi amnesty ang hinihiling namin (para sa aming mga kaanak), kundi unconditional na pagpapalaya. Eh kung ‘yung mga Magdalo nga, nanggulo sa mga establisimyento. Ang Morong 43, hindi. Pinili lang nilang magsilbi sa mahihirap,” ani Evelyn Montes, asawa ng detenidong si Dr. Alexis Montes.
Mahigit walong buwan nang nasa detensiyon ang Morong 43, na inaakusahang mga miyembro ng New People’s Army at nakaranas ng tortyur sa loob ng Kampo Capinpin. Hinuli sila sa bisa ng isang depektibong warrant, habang nagsasagawa ng health training sa Morong, Rizal.
Hiling ng mga progresibong grupo ang pagpapalaya sa Morong 43 at mahigit 300 pang detenidong pulitikal sa buong bansa.
Isinumite na ni Kal. Leila de Lima ng Department of Justice (DOJ) kay Aquino ang rekomendasyon ng DOJ hinggil sa Morong 43, pero hindi pa ito isinasapubliko o inaaksiyunan ng pangulo.