Kapirasong Kritika

Troll You Need is Love


Matagal ko nang nababasa ang salitang “troll” sa mga blog, pero hindi ko alam ang ibig sabihin. Inalam ko na lang nitong huli kaugnay ng isang dating madalas magkomento sa blog ko.

Matagal ko nang nababasa ang salitang “troll” sa mga blog, pero hindi ko alam ang ibig sabihin. Inalam ko na lang nitong huli kaugnay ng isang dating madalas magkomento sa blog ko.

Sabi ng Wikipedia, na bagamat hindi wastong sipiin sa mga sulating pang-akademiko ay ubra na sa bagay na ito, ang troll ay:

Isang taong naglalagay ng probokatibo, walang kinalaman o wala-sa-paksang mensahe sa isang komunidad na pang-online… sa pangunahing layunin na mag-udyok ng ninanais na tugong emosyunal o guluhin ang normal na talakayan sa isang paksa.

Isang troll pala ang kolumnista at blogger na si Manuel Buencamino, naisip ko. At pagto-troll pala ang ginawa niya sa mahabang panahon sa blog ko. Kapag tinuligsa mo si Noynoy Aquino, babatuhin ka niya ng putik. Ililihis niya ang paksa sa mga “krimen” ng mga nagsulong ng sosyalismo sa kasaysayan – totoo man o gawa-gawa lang niya. Palalabasin niyang naloloko o nanloloko lang ako at ang mga nagkokomento sa blog.

May nagpayo kasi sa akin noong una na hayaan lang siyang magkomento nang magkomento – at nang malantad ang kababawan, kahungkagan at pagka-reaksyunaryo ng mga ideya niya. Kaya hinayaan ko naman. Sagutan kami. Komento kontra komento. Broadband kontra broadband. Bakit, hindi na pang-mayaman lang ang broadband ngayon, naisip ko; mayroon na rin kaming nakakababang panggitnang uri. At nalantad naman, sa tingin ko, ang kababawan, kahungkagan at pagka-reaksyunaryo ng mga ideya niya.

Pero sobra-sobra ang kayabangan niya: Pinapalabas niyang kapag hindi siya sinagot ay siya ang tama at basura ang pinapaniwalaan mo. At laging may sasagutin, dahil wala na yatang ginagawa sa buhay niya si Buencamino kundi isulong ang interes ng rehimeng Noynoy sa blogosphere. Magkano kaya ang bayad sa kanya? At higit sa lahat, malinaw namang hindi talakayan ang pakay niya, kundi panggugulo sa talakayan – kasabay ng todo-todong paninira sa Kaliwa at pagdedepensa sa rehimeng Noynoy.

Kaya hindi pwedeng hayaan siyang tuluy-tuloy lang na magkomento. Napapanatili niya ang pagiging kagalang-galang na kolumnista at blogger habang ginagawa niyang poso-negro ang seksyong komento ng blog ko. Habang ingat na ingat siya sa mga sinasabi sa kanyang kolum at blog, todo-imbento naman siya ng mga “krimen” ng mga sosyalista sa blog ko. Pinagpapatay raw ni Mao Zedong ang mga kalaban sa pulitika? Kahit mga reaksyunaryo, hindi nangahas mag-imbento ng ganyang kasinungalingan.

Inilalarawan ng Marxistang intelektwal na si Fredric Jameson [“Lenin as Political Thinker,” Valences of the Dialectic, 2009] ang palagiang hakbanging pangretorika ni Buencamino:

Syempre pa, ang pagpalit ng pulitikal sa ekonomiko ay ang istandard na taktika ng lahat ng burgis na pag-atake sa Marxismo – ang ilihis ang debate mula sa kapitalismo patungong kalayaan, mula sa pagsasamantalang pang-ekonomiya patungong representasyong pampulitika.

Ikinukwento naman ni Mark Fisher (aka K-Punk), maka-Kaliwang blogger at teorista, ang kalakaran noon bago nagkaroon ng seksyong komento ang mga blog:

Isa sa pinakasignipikanteng nangyari ay ang pagpasok ng mga komento; isang pagbabagong sa tingin ko sa pangkalahatan ay hindi maganda. Noong mga unang panahon ng mga blog, kung gusto mong tumugon sa isang paskil (post), kailangan mong tumugon sa sarili mong blog, at kung wala ka pang blog, kailangan mong gumawa.

Sang-ayon din sa ganito ang patakaran sa komento sa blog ng Pilipinang mamamahayag na si Raissa Robles:

Kung gusto ninyong atakehin ako, magtayo kayo ng sariling blog. Pero hindi ninyo magagawa iyan sa blog ko… Mayroon ding mga troll sa Internet na ang tanging ligaya ay magpunta sa mga blog, maghanap ng away at umupak nang walang batayan. Ang bagong patakaran ko sa komento para sa kanila ay – Tutukuyin kita kung isa kang troll, at babansagan kita nang ganoon.

Mahirap ang kalagayan para sa Kaliwa na inilarawan ni Jodi Dean, blogger din at teorista, at inilahad ni Mark Fisher:

Ginagamit ng Kanan ang demokratikong pagbubukas (openness) para magsulong ng malinaw at mapanghating mga posisyon; ang Kaliwa, sumasandig sa pagiging bukas muna, kaya nakikilala sa pagiging bukas mismo sa halip na sa isang bungkos ng malinaw na mga patakaran.

Kaya ba-bye na, Buencamino. Tama na ang mga komento mong mali, abusado at panggulo. Hindi ito panunupil o sensura. May blog ka; diyan ka magkalat ng basura.

19 Oktubre 2010