Istorya ng Linggo

Panibagong panlilinlang sa loob ng asyenda

Barya-barya ang naging kapalit ng pagpirma ng mga dating manggagawang-bukid ng Hacienda Luisita sa compromise agreement. Marami na ang nagsisisi, at napagtatantong niloko silang muli ng pamilya Cojuangco-Aquino.

BARYA-BARYA. Sa patunay na ito ng financial assistance na ibinigay ng HLI sa mga napapirma sa compromise agreement, lumalabas na mahigit P1,000 hanggang sa mahigit P3,000 lamang ang kanilang nakuha. Umano'y dismayado ang maraming magsasaka sa maliit na halaga, at "nagsisisi" sa pagpirma dahil hindi lubos na naunawaan na kapalit nito ang pagsuko ng kanilang karapatan sa lupa. (Soliman A. Santos)
BARYA-BARYA. Sa patunay na ito ng financial assistance na ibinigay ng HLI sa mga napapirma sa compromise agreement, lumalabas na mahigit P1,000 hanggang sa mahigit P3,000 lamang ang kanilang nakuha. Umano'y dismayado ang maraming magsasaka sa maliit na halaga, at "nagsisisi" sa pagpirma dahil hindi lubos na naunawaan na kapalit nito ang pagsuko ng kanilang karapatan sa lupa. (Soliman A. Santos)

Tarlac City—Tumigil sa pag-aararo si Lito Bais, tagapangulo ng United Luisita Workers Union (ULWU), nang puntahan ng Pinoy Weekly ang sinasaka nilang lupa para ipakita at ipaliwanag ang kanilang pagtatanim. Ilang pitak ng bukirin ang inihahabol nilang araruhin nang araw na iyon para matamnan kinabukasan. Sa katabing mga pinitak, mas malalaki na ang palay.

Minamadali nila ang pagtatanim para ihabol sa ulan. “Malaking tipid para sa amin ang ulan, hindi na kailangang paandarin ang makinang pampatubig na malakas sa krudo,” paliwanag niya. Itinuro ni Ka Lito ang maliit na lupang inokupa nila matapos ang masaker sa Hacienda Luisita. “Hayan, ilan taon na rin naming pinakikinabangan,” aniya. Pero ang maliit na bahaging iyon ng mahigit anim na libong ektaryang asyenda ay maaari pang mawala sa kanila.

Ang itinuturing nilang kaunting tagumpay matapos ang malagim na masaker noong 2004 ay nanganganib na muling mapasakamay ng pamilya Cojuangco-Aquino matapos ang umano’y compromise agreement na pinirmahan ng naturang angkan ng nagpakilalang representante ng mga manggagawang-bukid noong nakaraang linggo.

Mapanlinlang na kasunduan

Sa naturang kasunduan, pinapapili ang mga magsasaka at manggagawang bukid sa pagitan ng lupa o pananatili ng stock distribution option (SDO). Kapag lupa ang gusto ng magsasaka, ipamamahagi ng manedsment ng Hacienda Luisita Inc. (HLI) ang 1,400 ektarya ng agrikultural na lupa. Ang sukat ng lupang mapupunta sa magsasaka ay batay sa laki ng hawak niyang “shares”.  Kapag ang SDO naman ang pinili, mananatili ang dating kaayusan sa asyenda. Ibig sabihin, ang manedsment ang magtatakda ng trabaho ng mga manggagawang-bukid na nangangahulugan ng pagsahod nila ng P9.50 sa isang araw – na siyang dahilan ng kanilang pagwewelga noong 2004.

Para kina Ka Lito, isang mapanlinlang na hakbang na naman ito ng manedsment para hindi tuluyang maipamahagi ang lupang matagal na nilang ipinaglalaban na literal na pinagbuwisan na nila ng pawis at dugo. Labintatlong katao ang napaslang sa masaker, bukod pa ang ilan pang sumunod na pinaslang dahil sa patuloy na paglaban.

Itinuturing nilang ‘maduming taktika’ ang compromise agreement lalo na’t lumabas ito ilang araw bago ang pinakahihintay na oral arguments ng Korte Suprema kaugnay ng usapin sa Hacienda Luisita. Matatandaang ipinag-utos na ng Department of Agrarian Reform at Presidential Agrarian Reform Council na ibasura na ang SDO at ipamahagi na ang lupa sa mga magsasaka at manggagawang-bukid noon pang 2005. Pero dahil sa pang-aantala ng manedsment ng HLI, umabot sa limang taon ang temporary restraining order na isinampa nito, na maaaring ang pinakamatagal na TRO sa kasaysayan.

Kapangyarihan ng hakot

Hinakot umano ng manedsment ng HLI ang mga magsasaka papunta sa club house ng magarang subdibisyong Las Haciendas de Luisita.
Hinakot umano ng manedsment ng HLI ang mga magsasaka papunta sa club house ng magarang subdibisyong Las Haciendas de Luisita.

Sa panayam ng Pinoy Weekly, sinabi naman ni Christopher Andaya, kasapi ng board of directors ng ULWU, na may halong panlilinlang ang pagpapapirma sa compromise deal. Ilang araw umano bago ginanap ang referendum, ipinatawag ng manedsment ng HLI ang mga opisyales ng barangay at nagkaroon ng pulong. Sa naturang pulong, sinabi ng manedsment na magbibigay ng pera ang HLI bilang financial assistance o kabayaran sa kanilang shares, pero hindi sinabi na pipirma na pala sila pagdating sa magarang club house ng mga Cojuangco-Aquino. Naghakot ang mga naturang opisyales ng 800 magsasaka.

Ayon pa sa kanya, pinapirma sa mga magsasaka ang lahat ng mga kamag-anak nilang may mga shares, kahit ang mga ito ay patay na o kaya naman ay nasa ibang bansa na. “Pero ‘nung kukunin na nila ang financial assistance, hinanapan na sila ng mga dokumento tulad ng death certificate at sulat ng mga kamag-anak na nasa abroad. Kaya karamihan ay hindi nakuha ang katumbas na pera,” sabi ni Andaya.

Kalakip sa pagpapapirma sa compromise agreement ang  pangakong suportang pinansyal na nagkakahalaga ng P150 milyon. Pero P20 milyon lang muna umano ang ipamimigay ng manedsment. Iba-ibang halaga ang natanggap ng mga pumirma sa kasunduan na mula sa P1 hanggang 900 dahil nakabatay umano ito sa kanilang shares of stock. Kaya ayon sa mga magsasakang nakausap ng Pinoy Weekly, ganoon na lamang ang pagsisisi ng mga pumirma sa pag-aakalang malaking halaga ang kanilang makukuha.