OFW, apektado rin ng taas-pasahe sa MRT, LRT

January 20, 2011

Mga OFW at kanilang pamilya, lubhang apektado rin sa nakaambang 100% taas-pasahe sa MRT at LRT, ayon sa Migrante.

Apektado rin ang mga Overseas Filipino Worker (OFW)  sa nakaambang pagtaas ng pamasahe sa MRT at LRT, na tinatayang makakadagdag ng 20 porsiyento sa pang-araw-araw na gastusin ng kanilang mga pamilya.

Ito ang inihayag ng grupong Migrante International, na sumanib sa lumalawak na oposisyong publiko laban sa taas-pasahe na itinutulak ng gobyernong Aquino.

Sa komputasyon ng grupo, tataas ng 20% ang gastusin ng isang pamilyang may apat na miyembro at umaasa sa ipinapadalang remitans ng isang domestic helper sa Middle East.

Ayon kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante, sumasahod ng 700 dirhams o P7,875 ang isang domestic helper sa Dubai. Sa P6,500 na ipinapadala sa pamilya, P3,000 ang napupunta sa renta sa bahay, P1,000 sa bills,  P3,000 sa pagkain, at P1,680 sa pamasahe kung pumapasok sa eskuwelahan ang apat na anak.

Sa 100% taas-pasahe sa MRT at LRT, tataas umano sa P3, 600 ang gastos ng isang karaniwang pamilyang OFW sa pamasahe.

“Ang masaklap dito, sa pamasahe pa lang ito. Bago matapos ang taon tumaas na rin ang presyo ng bigas at asukal. Hindi pa rin naka-factor in ang tiyak na pagtaas ng iba pang bilihin dahil sa oil price hikes,” dagdag ni Martinez.

Binatikos ng Migrante ang umano’y pagpabor ni Aquino sa malalaking negosyante habang kinakawawa ang mga “kayod-kabayong” OFW at kanilang mga pamilya.

Maglulunsad umano ng kilos-protesta sa iba’t ibang bansa ang mga grupo OFW para tutulan ang implementasyon sa Marso ng taas-pasahe sa MRT at LRT.