Ika-40 araw ng kamatayan ng mga manggagawa ng Eton, ginunita


Muling binalikan ng kaanak ng mga manggagawa ng Eton ang gusaling kinamatayan ng mga ito sa Greenbelt, Makati City.  Labing-isang kandila ang kanilang itinirik sa harapan ng hindi pa tapos na gusaling pag-aari ng Eton Properties ni Lucio Tan.  Hanap ng kaanak ang kapayapaan ng mga kaluluwa ng sampung namatay at isang sugatan sa trahedya. […]

Mga kaanak, dumalo sa misang idinaos sa ika-40 araw ng pagkamatay ng mga manggagawa sa Eton. (Macky Macaspac)

Muling binalikan ng kaanak ng mga manggagawa ng Eton ang gusaling kinamatayan ng mga ito sa Greenbelt, Makati City.  Labing-isang kandila ang kanilang itinirik sa harapan ng hindi pa tapos na gusaling pag-aari ng Eton Properties ni Lucio Tan.  Hanap ng kaanak ang kapayapaan ng mga kaluluwa ng sampung namatay at isang sugatan sa trahedya.

“Dapat pananagutan nila lahat ang nangyari,” ani Loraine Banzon, asawa ni Benbon Cristobal na isa sa mga namatay sa trahedya.

Nagluluksa sa pa ring kaanak ng biktimang manggagawa (Macky Macaspac)

Sa pahayag ng Justice for Eton 11 Network, isang grupong itinayo upang tulungan ang mga kaanak ng mga biktima na makamit ang katarungan,  hindi umano sila makakapayag na kalimutan na lang ang pagkamatay ng sampung manggagawa.  Hindi rin nila umano palalampasin ang Eton at kanyang mga kontraktor at sub-kontraktor na magsisihan, habang ang mga kaanak ng mga biktima ay nagluluksa sa nangyari.

Sa naunang ulat ng Pinoy Weekly, napag-alaman na kapalit ng death claims, pinapirma ng kontraktor ang ilang mga kaanak ng kasunduang wala silang pananagutan sa pangyayari.

Ngunit pinag-aaralan na ng abogado ng Justice for Eton 11 Network ang isasampang kaso laban sa mga kontraktor at Eton Properties. “’Yung maliliit na kontraktor lang ang sinampahan ng kaso ng Makati City, tinitingnan ng abogado kung maaring isama ang Eton Properties,” ani Noel Colina, tagapagsalita ng grupo.

Pagbabalik ng mga kaanak sa pinangyarihan ng trahedya (Macky Macaspac)

Hinamon naman ng Eiler (Ecumenical Institute for Labor and Research) ang Department of Labor and Employment (DoLE) na bigyang pansin at gumawa ng hakbang sa tinagurian nilang ‘multiple subcontracting chains’ tulad sa kaso ng Eton Properties.  Diumano ang ganitong kalakaran na ginagamit ng Eton ay  sumira sa relasyong employer-employee na sanhi ng kawalan ng pananagutan sa anumang trahedya, tulad ng nangyari sa konstruksiyon sa Eton Greenbelt noong Enero 27.

“Nakita natin sa Eton ang patong-patong na  subcontracting na lumikha ng kalasag ng kontraktors at mga debelopers at naging sanhi ng kawalang hustisya sa panig ng mga manggagawa.  At sa kabila ng trahedya, walang hakbang na ginagawa ang DoLE,” ani Anna Leah Escresa, executive director ng Eiler.

Idinagdag pa ni Escresa na napapanahon umanong rebyuhin ng DoLE at ibasura ang iba’t ibang kautusan na kumukunsinti sa mga kompanya upang matakasan ang kanilang responsabilidad sa kanilang mga manggagawa.

Pagtitirik ng kandila ng anak ng Eton 11 (Macky Macaspac)

Umaasa din ang Justice for Eton 11 Network na tutugunan sa madaling panahon ng Kongreso ang dalawang resolusyong isinampa ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano at San Juan Rep. JV Ejercito, na magpapatawag nang isang malalimang imbestigasyon hinggil sa trahedya sa Eton.

“Napatunayan naman sa naunang imbestigasyon ng DoLE na maraming paglabag ang Eton. Sana pakinggan ng kongreso ang mga manggagawa ngayon,” ayon pa kay Colina.