Istorya ng Linggo

Hustisya, hangad pa rin ng kaanak ng 11 manggagawang biktima sa Eton


Nambabarat na sa sahod at benepisyo, tila isinasalang pa sa panganib ang mga manggagawa sa konstruksiyon ng isa sa mga kompanya ng “notoryus” na kapitalistang si Lucio Tan.

Artist rendition ng di pa tapos na Eton Residences sa Greenbelt, Makati. (Mula sa brochure ng kompanya)
Artist rendition ng di pa tapos na Eton Residences sa Greenbelt, Makati. (Mula sa brochure ng kompanya)

Panganay sa limang magkakapatid si Kevin Mabunga, 17 anyos. Tubong Buenavista, Marinduque ang kanyang pamilya. Hindi regular ang kita ng kanyang ama na isang magkokopra. Bilang tulong sa kanilang pamilya, tumatanggap ng labahin ang kanyang ina. Subalit hikahos pa rin ang kanilang kabuhayan.

Sa murang edad, sumabak si Kevin sa pagtatrabaho. Noong  Enero 27, 2011, isa si Kevin sa 10 construction worker na namatay sa itinatayong gusali sa Greenbelt Mall, Makati ng Eton Properties Philippines Incorporated (EPPI), na pagmamay-ari ni Lucio Tan.

Bumigay ang gondolang sinasakyan ng mga ito at bumulusok pababa mula sa ika-28 palapag at bumagsak sa ikapitong palapag ng gusali. Isa lamang ang nakaligtas sa labing isang nakasakay sa gondola.

“Wala pa siyang isang taon sa construction. Dating trabaho niya ay helper sa mga canteen,” kuwento ni Maribel dela Cruz, tiyahin ni Kevin.

Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alamang bumigay ang gondola dahil overloaded umano ito.  Diumano, apat na tao lamang ang kayang isakay ng gondola. Naganap ang pangyayari sa panahong manananghalian ang mga manggagawa.  Ayon sa mga testigo, ginamit ng mga manggagawa ang gondola, upang makabawas sa oras na kanilang gugulin sa kanilang pahinga.  Mula sa ika-37 palapag na kasalukuyan nilang nilalagyan  ng mga salamin, ang mess hall na nagsislbing paminggalan ng mga manggagawa ay nasa ika-anim na palapag.

Matapos maganap ang pangyayari, walang umako ng responsabilidad sa pagkamatay nina Kevin Mabunga, Benbon Cristobal, Joel Abezilla, William Banez, Celso Mabuting, Michael TatlongHari, Vicente Pinon, Tisoy Perez, Jaykie Legarda, Jeffrey Diocado at Ruel Perez.  Itinuro ng Eton ang mga kompanyang kanilang kinontrata sa nangyaring trahedya.

Buhay-obrero sa Eton

Sa datos ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler), mayroong 1.8 milyong manggagawa ang nasa sektor ng konstruksiyon. Ngunit sa dami ng mga manggagawang ito, diumano’y 100,000 lamang ang regular.

Kaya naman palaging nasa bingit ng kamatayan ang buhay ng mga manggagawa sa anumang konstruksiyon. Sa construction site ng Eton, kakarampot ang sahod ng mga manggagawa. Umabot lamang sa P230 hanggang 260 kada araw, at walang benepisyo.   Bagamat di sang-ayon ang mga manggagawa rito, naging kasabihan na sa loob ng konstruksiyon  ito: “Bahagi ng paggawa ang aksidente, walang trabahong walang aksidente.” Kaya nagiging normal ang kalakarang dapat ay hindi.

“Hindi sapat ang pera kapalit ng buhay ng anak ko,” ang naluluhang banggit ng isang ina ng mga biktima na tumangging magpapangalan.

Matapos maganap ang  trahedya, nangako ng tulong pinansiyal sa mga biktima ang Eton Properties, ganundin ang Department of Labor and Employment (DOLE) na nangakong magbibigay din ng tulong pinansiyal, lakip ang diumano’y livelihood at educational assistance sa mga anak na naulila ng mga biktima. At dahil isa lang ang mayroong hinuhulugan sa Social Security System (SSS) ng kompanya sa kanila, inihabol diumano na magkaroon din ng SSS ang iba pa.

Ayon kay Marissa, ina ni Benbon Cristobal, napilitan umano silang tanggapin ang tulong pinansiyal ng kontraktor.

“Ang sabi nila, kung di naming tatanggapin ang pera at magkaso kami, baka mas lalong wala kaming makuha,” ani Marissa. Tinanggap umano ng kanilang pamilya ang  halagang  P150,000, ngunit pinapirma sila sa kasunduang wala nang pananagutan ang kontraktor sa pangyayari.

Ngunit ayon kay Junil, kapatid ni Joel Abezilla, pahirapan umano ang pagkuha ng SSS. “Kung hindi kami personal na mag-aasikaso sa SSS, matatagalan ang proseso,” aniya. Hindi umano nahulugan ang buwanang kontribusyon sa SSS ni Joel ng kanyang kontraktor.

“Ang alam ko ang kapatid ko lang na si Joel ang mayroong SSS,” ani Junil.  Ngunit ayon sa kanya, hindi ang ARLO ang nag-ayos ng SSS ng kanyang kapatid. “Nagkaroon siya ng SSS sa dati nitong pinagtrabahuan,” aniya.

“Hiningan kami ng birth certificate ng namatay,” kuwento naman ni Marissa, “para daw sa pensiyon ng anak ko.”

Idinagdag pa ni Junil  na kahit umano sinagot ng mga kontraktor ang burol at libing ng mga namatay, lumalabas umanong walang ginastos ang mga ito. “Noong pumunta ako sa  opisina ng SSS, sabi nila kung sino ang nagbayad ng pagpapalibing sila din ang kukuha ng death claims,” aniya.  Idinagdag din niyang kahit ang ARLO, iginigiit na tama lang na sila ang kumubra sa death claims dahil sila daw ang nagbayad ng pagpapalibing.

“Paano naman ang ipinangakong tulong ng ARLO sa amin, sila rin pala ang makikinabang sa death claims,” hinaing ni Junil. Ayon pa sa kanya, kahit ang educational assistance na ipinangako sa kanila ay tila mapupunta rin sa wala. Para sa kolehiyo lamang umano ang assistance. “Paano ang anak ng kapatid ko, isang taon pa lang siya at ang isa ipinagbubuntis pa ng asawa,” ani Junil. Pangamba ni Junil, baka sa katagalan magkalimutan na ng pangako.

Mula sa kaliwa, Junil Abezilla (kapatid ni Joel), Ma. Teresa Tatlonghari (ina ni Michael), Maribel Critobal (ina ni Benbon), at Maribel dela Cruz (tiyahin ni Kevin Mabunga) at Anna Lea Escresa ng Eiler, sa isang porum-talakayan hinggil sa trahedya sa construction site ng Eton sa Greenbelt, Makati. (Macky Macaspac)
Mula sa kaliwa, Junil Abezilla (kapatid ni Joel), Ma. Teresa Tatlonghari (ina ni Michael), Maribel Critobal (ina ni Benbon), at Maribel dela Cruz (tiyahin ni Kevin Mabunga) at Anna Lea Escresa ng Eiler, sa isang porum-talakayan hinggil sa trahedya sa construction site ng Eton sa Greenbelt, Makati. (Macky Macaspac)

Aksidenteng dulot ng kapabayaan?

Maliban sa inisyal na imbestigasyon ng Makati City Hall at DOLE, wala nang naging masusing imbestigasyon sa naganap sa 11 manggagawa. Sa kabila ito ng mga nakitang lantad na paglabag ng Eton sa labor standards. Walang malinaw kung sino ang dapat na managot sa pangyayari.

Ayon sa Institute for Occupational Health and Safety Development (Iohsad) at Eiler, malinaw umanong lumabag ang Eton Properties, kasama na ang mga kontraktor na CE Contractors at mga subcontractor nito na ARLO Aluminum at ang E.M Pinon, sa itinakdang istandard para sa kaligtasan at proteksiyon ng mga manggagawa sa loob ng  pagawaan. Sa kaso ng Eton, sa lugar ng konstruksiyon.

Ilan diumano sa paglabag na ito: Kakulangan ng personal na gamit pangkaligtasan (personal protective equiptment) at kawalan ng permiso sa paggamit ng gondola at kawalan din ng kasanayan ng opereytor nito.

“Kung magkakaroon ng malalimang imbestigasyon, malamang na marami pang paglabag ang makikita (na paglabag ang Eton),” Noel Colina, executive director ng Iohsad.

Liban sa paglabag sa safety standards, lumalabas din na ang mga kontraktor na nasasangkot ay may paglabag sa batas paggawa, tulad ng mababang pasahod (wala sa minimum na P404 kada araw). Ayon mismo sa mga kaanak ng mga biktima, ang arawang sahod ng kanilang mga mahal sa buhay ay P230-260 lamang. Hindi rin umano sapat ang  ibinabayad sa kanila sa mga overtime, at mga holiday, ganundin ang hindi ibinibigay na kanilang 13th month pay.

Higit sa lahat, walang benepisyong natatanggap ang sampung manggagawang namatay sa aksidente at hindi malayong lahat ng mga manggagawa sa konstruksiyon  ng Eton Properties.  Karamihan sa kanila’y kontraktuwal na sanhi ng kawalang kaseguruhan ng kanilang empleyo. Hindi rin sila saklaw ng benepisyo tulad ng SSS, Philhealth at iba pa.  Malinaw umanong paglabag ito sa labor standards.

Tila wala ring hakbang ang gobyerno sa Eton sa paglabag sa Republic Act 9231 o Anti-Child Labor Law, na nagbabawal sa mga batang magtrabaho sa mga di ligtas na lugar tulad ng konstruksiyon, bagamat pinapayagan ang edad 15 na magtrabaho batay sa nakasaad sa Seksiyon 3 ng nasabing batas.

Ganundin, ayon sa Iohsad at Eiler, may pananagutan din ang DOLE sa  kapabayaan nito sa inspeksiyon sa mga construction site. Isinasangkalan umano ng mga kompanya ang inilabas na order ng DOLE, tinawag na DO57-94. Dito nakasaasd ang self assessment ng mga kompanyang mayroong 200 pataas na bilang ng manggagawa.

Nangangamba rin ang mga grupong nagtataguyod ng karapatan at kapakanan ng mga manggagawa, na ang kasong kriminal na isinampa kamakailan ay magliligtas sa tunay na responsable sa trahedya.

“Nagtataka kami kung bakit hindi nakasama sa kasong kriminal ang Eton Properties, ’yung mga opisyal ng  maliliit na kompanya lamang ang kinasuhan,” ani Anna Leah Escresa, executive director ng Eiler.

Idinagdag ni Escresa na dapat alisin ng gobyerno ang patung-patong na subcontracting lalo na sa sektor ng konstruksiyon. “Inaalis ng ganitong kalakaran sa paggawa ang pananagutan ng mga kompanya sa kanilang mga manggagawa. Ganito ang kaso ng  mga manggagawa sa Eton,” aniya.

Para sa mga kaanak ng 11 manggagawa, hindi sapat na bayaran sila. Katarungan pa rin ang gusto nila. At sa ika-40 na araw ng kanilang kamatayan sa Marso 7, hiling ng nilang magkaroon ng katahimikan ang mga kaluluwa ng mga namatay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng hustisya.