Tsunami alert, idineklara sa bansa matapos lindol sa Japan


Dahil sa banta ng pagdating ng malalakas na alon sa Pilipinas mula sa karagatan matapos ang 8.9 magnitude na lindol sa bansang Japan, ipinayo ng Philippine Institute for Vulcanology and Seismology (Phivolcs) sa mga lugar na karatig ng Pacific Ocean na maghanda. Kung kailanga’y mag-evacuate din sila.

Imahen ng dumating na tsunami sa Asya noong Disyembre 2004. (Mula sa http://www.tsunamispecialenvoy.org/)
Imahen ng dumating na tsunami sa Asya noong Disyembre 2004. (Mula sa http://www.tsunamispecialenvoy.org/)

Dahil sa banta ng pagdating ng malalakas na alon sa Pilipinas mula sa karagatan matapos ang 8.9 magnitude na lindol sa bansang Japan, nagdeklara ang Philippine Institute for Vulcanology and Seismology (Phivolcs) sa mga lugar na karatig ng Pacific Ocean ng tsunami alert.

Hatinggabi ng Marso 11, idineklara ng Phivolcs na iniaatras na nito ang tsunami alert sa bansa. Gayunman, sinabi nitong may mahihinang alon na may taas na .30 hanggang .60 metro ang dumating na sa Baler, Aurora; Virac, Catanduanes; at San Vicente, Cagayan.

Matapos ang malakas na lindol sa Japan, itineklara ng Phivolcs ang tsunami alert sa mga nasa eastern coastline ng bansa: Batanes Islands, Cagayan, Ilocos Norte, Isabela, Quezon, Aurora, Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Catanduanes, Sorsogon, Northern Samar, Eastern Samar, Leyte, Northern Leyte, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Davao Oriental at Davao del Sur.

Ilan sa tips ng National Geographic ng paghahanda sa posibleng pagdating ng tsunami:

  • Kung nakatira kayo sa mga lugar na karating ng dagat, maging mapagmatyag sa tsunami warnings na ihahayag sa midya. Kung kakayanin, mag-ebakwa kayo para makasiguro sa kaligtasan.
  • Maagap na planuhin ang ruta patungo sa mas mataas na lugar (hal. bulubunduking lugar).
  • Maging mapagbantay sa warning signs ng tsunami: mabilis na pagtaas ng tubig sa dagat at ugong mula sa dagat.
  • Huwag lumapit sa beach o shore para maghintay sa tsunami.
  • Ang tsunami ay serye ng malalaking alon. Huwag agad bumalik sa coastal areas hangga’t hindi sinasabi ng mga awtoridad na ligtas nang bumalik.