Migrante

Pagsagip sa buhay ni Sally Ordinario, hiniling sa vigil ng kaanak, Migrante


Balisa ang mga kaanak at tagasuporta ni Sally Ordinario-Villanueva, dahil maaaring bitayin na si Sally ngayong umaga ng Marso 30. Para sa Migrante International, isang malungkot at nakakagalit na halimbawa na naman ito ng matinding pagpapabaya ng gobyerno sa mga Overseas Filipino Worker na nasa panganib sa ibayong dagat.

Nag-alay ng pagrorosario ang kabataan sa kapilya malapit sa bahay ng mga Ordinario sa Freedom Park, Batasan Hills QC. Isa ito sa mga isinagawang mga pag-aalay na dasal para kay Sally Ordinario-Villanueva, na naghihintay ng hatol na kamatayan bukas ng alas nuwebe ng umaga sa kasong pagpupuslit ng droga sa bansang Tsina.
Nag-alay ng pagrorosario ang kabataan sa kapilya malapit sa bahay ng mga Ordinario sa Freedom Park, Batasan Hills sa Quezon City. Isa ito sa mga isinagawang mga pag-aalay na dasal para kay Sally Ordinario-Villanueva, na naghihintay ng hatol na kamatayan bukas ng alas-nuwebe ng umaga sa kasong pagpupuslit diumano ng droga sa bansang China. Sinabi ni Sally na hindi kanya ang nakapuslit na droga, ngunit hindi siya pinaniwalaan ng mga awtoridad ng naturang bansa. (Darius Galang)
Garry Martinez, sa vigil para kay Sally
Nagsalita si Garry Martinez ng Migrante Internasyunal ukol sa kalagayan ng magkapatid na Jefferson at Sol Ordinario, mga kapatid ni Sally. Aniya, lumubha ang emosyonal na kondisyon ng magkapatid sa paglapit ng takdang oras ng pagbababa ng hatol ng bansang China para sa kanilang kapatid. (Darius Galang)
Vigil sa bahay ng mga Ordinario
Lumipat ang vigil sa harapan na mismo ng bahay ng mga Ordinario. Pagpapakita ito, sabi ni Martinez, ng pakikiisa at pakikidalamhati sa pamilya ni Sally, at masamahan sila sa malungkot na magdamag na ito. (Darius Galang)
Pakikiisa ng mga kapitbahay kina Sally
Simpatiya at pakikiisa rin ang ipinakita ng mga kapitbahay ng mga Ordinaryo. Ipinakita nila ito sa pamamagitan ng pagtatali ng puting laso sa harapan ng kanikanilang mga bahay, maging sa harapan ng tindahan na ito. (Darius Galang)
Sa bahay ng mga Ordinario
Bahagyang nakabukas ang pintuan ng tahanan ng mga Ordinario. Hindi na pinaunlakan ang media na makapasok sa bahay, kasama na sa ilang paghihigpit na isinagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang pahupain ang matinding emosyon na nararamdaman ng mga kapatid at asawa ni Sally. Ngunit nasa loob na rin naman ang ilang personahe tulad nina Martinez at Renato Reyes Jr. ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) upang magbigay ng moral na suporta. (Darius Galang)
Kapitbahayan at pakikiisa
Pakikiramay ang ipinakita ng mga kapitbahay ng mga Ordinario sa matinding emosyonal na pasakit na dinaranas ngayon nina Jefferson (nasa dulong kanan). Ayaw niyang magsalita pa ngunit nagsabi na lang siya na "matinding emosyon na ang nararamdaman namin." Sa maikling pakikipag-usap ng Pinoy Weekly sa kanya, nalaman na may nakahandang respirator para kay Sol, antabay sa maaaring maging atake ng asthma. (Darius Galang)
Kape at pakikiisa
Nakiisa si Martinez sa kape na inihanda ng kapitbahayan para sa mga nagpuntahang mediamen at mga kasapi ng progresibong mga grupo tulad ng Gabriela at Migrante na dumalo sa vigil. (Darius Galang)