‘Walang ginhawa sa barya’
Hindi kumbinsido ang Kilusang Mayo Uno sa “baryang” dagdag sa Ecola na pinag-iisipan pa nga lang na ialok ng gobyernong Aquino sa mga manggagawa. Sa huling sampung taon, grabe ang itinaas ng presyo ng langis at mga bilihin. Sa kabila nito, walang dagdag-sahod na ibinigay ang gobyerno na makakatulong sa mga manggagawa.

Sa halip na makabuluhang dagdag-sahod, barya lang ang gusto ibigay ng administrasyong Aquino sa mga manggagawa. Sa kabila ito ng walang-tigil na pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin.
Ito ang reaksiyon ng Kilusang Mayo Uno (KMU), sentro ng militanteng unyonismo sa bansa, sa mga pahayag sa midya ni Labor Sec. Rosalinda Baldoz na binabantayan umano ng gobyerno ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Ayon sa kalihim, bumaba ng P7.48 ang purchasing power ng mga manggagawa sa Metro Manila.
Iminungkahi din diumano sa loob ng gabinete ng administrasyong Aquino na itaas ang emergency cost of living allowance (Ecola) ng mga manggagawa sa halip na itaas ang kanilang mga sahod, tulad ng itinutulak ng KMU.
“Hindi makakaalwan sa mga manggagawa ang kakarampot na pagtaas sa Ecola, laluna kung P8.00 lang, sa kabila ng sumisirit na presyo ng langis at batayang mga bilihin at serbisyo,” paliwanag ni Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng KMU.
Sinabi pa ni Soluta na ito na nga ang unang pagkakataong tutugon ang gobyernong Aquino sa hiling ng mga manggagawa na dagdag-sahod, pero mistulang “mumo” ang pinahihiwatig nitong nais ibigay sa kanila.
Ipinaliwanag pa ni Soluta na makikita sa matapat na pagkumpara sa sahod at presyo nitong huling 10 taon na di sapat na tumaas ang sahod ng mga manggagawa para makasabay sa mga pagtaas.
“Patuloy na tumataas ang kita ng malalaking kapitalista sa pamamagitan ng pagtaas lang ng presyo ng kanilang mga produkto at pagpigil sa pagtaas ng sahod ng mga manggagawa sa antas ng kagutuman,” aniya.
Tanging sa makabuluhang across-the-board na dagdag-sahod simulang matutugunan ang kagyat na pangangailangan ng mga manggagawa at mga mamamayan.
Sinusuportahan ng KMU at Koalisyon ng Progresibong Manggagawa at Mamamayan (KPMM) ang House Bill 375 sa Kamara na naglalayong isabatas ang isang pambansang P125 across-the-board na dagdag-sahod sa mga manggagawa sa pampribadong sektor.
Samantala, binatikos din ng KMU ang pahayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ikukunsidera lamang daw ng gobyerno ang pagtaas ng sahod kung umabot sa 5% ang antas ng inflation (o pagtaas ng presyo ng mga bilihin). Kasalukuyang nasa 4.3% ang inflation rate sa bansa.
“Sa panlolokong ito sa mga manggagawang Pilipino at mga mamamayan sa pamamagitan ng pagtakda ng arbitraryong rekisito para sa dagdag-sahod, walang ipinapakitang pagpapasya ang rehimeng Aquino na magpatupad ng makabuluhang dagdag-sahod,” sabi pa ni Soluta.