Project employee nga ba?
Sinabi ng Korte Suprema na kahit man sabihin na isang project employee si Edgar sa simula, ang patuloy na pagkuha sa kanya ng Pacific Metals upang gampanan ang mga gawain na mahalaga sa negosyo nito ay sapat na upang ituring si Edgar bilang isang regyular na empleyado ng Pacific Metals.
Noong nakaraang Disyembre, bago matapos ang taon, ay naglabas ng desisyon ang Korte Suprema tungkol sa project employment.
Bagamat isang manedyer ang sangkot sa kasong ito, magagamit pa rin ito ng ordinaryong mga manggagawa sa kanilang pakikipag-ugnayan sa kanilang kompanya.
Sa nasabing kaso, nagne-negosyo dito sa Pilipinas itong Pacific Metals Company, isang kompanyang pag-aari ng Hapon, sa pamagitan ng pag- import sa mga nickel ore products.
Nakipagkasundo ang Pacific Metals sa Eramen Minerals, Inc., isang lokal na kompanya, na kanilang ide-develop ang lupang nakalaan para sa Eramen Minerals sa may Zambales, sa pamagitan ng joint-venture agreement.
Ayon sa kanilang kasunduan ay magbibigay ng tulong teknikal at pinansyal ang Pacific Metals sa Eramen Minerals para matupad ito.
Kaugnay ng joint venture agreement na ito, ay kinuha ng Pacific Metals itong si Edgar bilang project manager upang pangasiwaaan ang obligasyon ng kompanya ayon nasabing kasunduan.
Dalawang buwan ang kontrata ni Edgar na magtatrabaho sa kompanya.
Bahagi ng trabaho ni Edgar ang mangasiwa sa operasyon at mga konstruksyon na kailangang gawin ng Pacific Metals, ang pag-aalam kung saaan banda may mineral na dapat minahin ang kompanya, ang pag-gagawa ng kaukulang mapa-tungkol dito, ang pakikipagkoordina sa lokal na pamahalaan, ang pag-aaral sa mga kontrata ng kompanya, ang pag-iwas sa sakuna, at iba pa.
Kalaunan, natapos ang kontrata nitong si Edgar ngunit patuloy siya sa kanyang trabaho sa kompanya. Wala siyang nilagdaan na bagong kontrata sa bagay na ito.
Pagkalipas ng halos isang taon ay tinanggal ng Pacific Metals itong si Edgar.
Di umano ay tapos na ang exploration aspect ng proyekto at hindi na kailangan ang serbisyo nitong si Edgar.
Nagsampa ng kasong illegal dismissal laban sa Pacific Metals at Eramen itong si Edgar.
Ayon sa kompanya, siya ay isang project employee lamang at may karapatan silang tanggalin siya dahil tapos na ang dahilan kung bakit siya kinuha.
Ayon naman dito kay Edgar, hindi siya dapat ituring na project employee ng kompanya sapagkat wala silang usapan nito kung gaano kahaba ang kanyang paglilingkod dito bilang empleyado at hindi rin na-i-report ng kompanya sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagtanggal sa kanya bilang empleyado nito.
Sa hatol ng Labor Arbiter, pinanalo nito ang Pacific Metals at nagpasyang isang project employee itong si Edgar.
Inakyat ni Edgar sa National Labor Relations Commission (NLRC) ang kaso. Talo pa rin siya at panalo pa rin ang Pacific Metals.
Inakyat pa rin ni Edgar ang kaso sa Court of Appeals. Binaliktad ng Court of Appeals ang hatol at pinanalo naman si Edgar.
Ang Pacific Metals naman ngayon ang nag-apela sa Korte Suprema.
Sa desisyon ng Korte Suprema, nilinaw nito ang kaibahan ng project employee sa regular employee.
Ang isang regular na empleyado o manggagawa (regular employee), ayon sa Korte Suprema, ay iyong manggagawa na kinukuha ng kompanya upang gampanan ang trabaho na mahalaga o nararapat sa negosyo o hanapbuhay ng kompanya, maliban lamang kung siya ay kinuha upang magsagawa ng isang partikular na proyekto ang wakas nito ay dati nang alam bago pa man siya kinuha (project employee).
Sa panig ni Edgar, malinaw na kinuha siya ng Pacific Metals para sa dalawang buwang kontrata lamang noong una siyang kunin, sabi ng Korte Suprema.
Ngunit matapos ang dalawang buwang ito, patuloy siyang pinagtrabaho ng Pacific Metals.
Patuloy siya sa pag-gawa sa kanyang gawain na mahalaga para sa negosyo ng Pacific Metals.
Sinabi ng Korte Suprema na kahit man sabihin na isang project employee si Edgar sa simula, ang patuloy na pagkuha sa kanya ng Pacific Metals upang gampanan ang mga gawain na mahalaga sa negosyo nito ay sapat na upang ituring si Edgar bilang isang regyular na empleyado ng Pacific Metals.
Kaya, nagpasya ang Korte Suprema na tama ang Court of Appeals desisyon nitong isa ngang regular na empleyado itong si Edgar; mali ang kompanya sa ginawang pagtanggal sa kanya; at dapat lang siyang ibalik sa kanyang pwesto at bayaran ng kanyang backwages (Pacific Metals Co., Ltd. vs. Edgar Allan Tamayo, et. al;., GR No. 226920, December 5, 2019).
Kung kayo ay mga project employees na paulit ulit na nirere- hire ng inyong kompanya, sana ay may mapulot kayong aral dito sa kasong ito ni Edgar