Tungkol sa fixed-term employment
Sinabi ng Korte Suprema na bagamat hindi pinagbabawal sa ating batas ang fixed–term employment contract, kung ang kasunduang ito ay ginagamit lamang ng manedsment upang hadlangan ang right to security of tenure o karapatan sa kaseguruhan sa trabaho ng isang manggagawa, maaari itong ideklarang walang bisa.
Sa isang kasong hinatulan ng Korte Suprema nito lamang Nobyembre 2019, ay nilinaw nito kung kailan magagamit ang “fixed- term contract” pagdating sa kasunduan sa pagtatrabaho.
Matatandaan na sinabi ng Korte Suprema noon na maaring magkasundo ang manggagawa at ang kompanya kung ilang buwan lamang ang haba ng trabaho ng manggagawa basta’t ang kanilang kasunduan ay kusa at boluntaryo nilang ginawa, pantay lamang ang kanilang tayo at kalagayan, walang namilit sa kanila, at malinaw kung kailan magtatapos ang trabaho ng manggagawa.
Mahirap mangyari na maging pantay ang tayo o kalagayan ng isang manggagawa sa kanyang kumpanya. Sa lahat ng bagay ay nakakalamang ang kumpanya at sunod-sunuran lamang sa kanya ang manggagawa.
Ngunit dahil ganito ang desisyon ng Korte Suprema, ang pamantayang ito ang sinusunod ngayon. At muling sinunod ito sa kasong “Claret School of Quezon City vs. Madelyn Sinday, G.R. No. 226358,” na hinatulan nito lamang Oktobre 9, 2019.
Sa nasabing kaso ay nagsimulang magtrabaho itong si Madelyn sa Claret bilang releasing clerk sa isang book sale para sa mga estudyante noong Hulyo, 2010.
Noong Abril 2011, muli siyang kinuha ng Claret bilang releasing clerk. Nanatili siya sa trabahong ito hanggang Hulyo, 2011.
Bago matapos ang kanyang trabaho bilang releasing clerk ay nag-apply si Madelyn para sa ibang trabaho sa Claret.
Noong Hulyo 15, 2011, nagsimula siyang maging secretary sa isang departamento ng Claret, ang Claret Tech.
Kaya lang, noong Mayo, 2013, pinapirma si Madelyn ng isang Probationary Employment Contract na may bisa simula Enero 16, 2013 hanggang Hulyo 15, 2013.
Pagdating nang Hulyo 15, 2013 ay sinabihan siyang maari pa siyang magtrabaho hanggang Hulyo 31, 2013 at wala nang maibibigay na trabaho ang Claret sa kanya dahil sa pagpalit ng administrasyon ng eskwelahan.
Dahil sa mahigpit na pangangailangan, nag-apply pa rin ng trabaho bilang substitute teacher sa Claret itong si Madelyn.
Natanggap siya sa posisyong ito noong Agosto 1, 2013 at natapos ang kanyang trabaho noong Oktubre 2013 nang bumalik na ang teacher kung saan siya naging substitute.
Pagkatapos noon, nag-apply uli si Madelyn sa ibang posisyon sa Claret, pero hindi na siya tinanggap nito.
Kaya, napilitang magsampa ng labor case itong si Madelyn laban sa Claret . Ayon sa kanya, naging regular na manggagawa na siya sa eskwelahan dahil sa pagtanggap nito sa kanya sa ibat-ibang pwesto na mahalaga o kailangan sa negosyo ng Claret.
Bilang depensa, sinabi ng Claret na tinanggap nila si Madelyn sa isang fixed-term employment contract dahil sa kanilang awa sa kanya dahil matagal na nilang driver ang kanyang asawa.
Sa naging hatol ng Labor Arbiter, pinanalo nito si Madelyn at inutusan ang Claret na ibalik sa kanyang pwesto o sa magkatulad na posisyon itong si Madilyn at bayaran ito ng kanyang backwages. Ayon sa Labor Arbiter, di magagamit ng Claret ang depensang fixed term contract dahil maliwanag na gipit na gipit sa buhay itong si Madelyn kung kaya’t sunod ito ng sunod sa dikta ng eskwelahan.
Nag-apela sa National Labor Relations Commission (NLRC) ang Claret. Binaliktad naman ng NLRC ang hatol at pinanalo ang eskwelahan. Tanggal lahat ang backwages at reinstatement ni Madilyn.
Si Madelyn naman ngayon ang umakyat sa Court of Appeals. Dito, binaliktad ng Court of Appeals ang hatol ng NLRC. Sabi ng CA, iligal ang pagtanggal kay Madilyn at dapat bayaran siya ng Claret ng kanyang backwages at separation pay. Hindi magagamit na depensa ng Claret ang fixed-term employment contract dahil walang linaw na pantay lamang ang kanilang tayo at kalagayan pagpasok nila sa mga kasunduang kanilang pinasok.
Inakyat ng Claret sa Korte Suprema ang kaso.
Sinabi ng Korte Suprema na bagamat hindi pinagbabawal sa ating batas ang fixed–term employment contract, kung ang kasunduang ito ay ginagamit lamang ng manedsment upang hadlangan ang right to security of tenure o karapatan sa kaseguruhan sa trabaho ng isang manggagawa, maaari itong ideklarang walang bisa.
Sa kaso ni Madilyn, malinaw na ginamit ito ng Claret upang hindi maging regular si Madilyn sa kanyang trabaho.
Hindi rin pantay ang dalawang panig sa kanilang pagpasok sa kanilang kasunduan. Sunod-sunuran lamang si Madilyn sa kagustuhan ng Claret dahil sa matinding kagapitan niya sa buhay.
Kaya, binasura ng Kataas-taasang Hukuman ang apela ng Claret at inutos na ibalik sa trabaho at bayaran ng backwages itong si Madilyn.
Nawa’y maging aral sa ating lahat ang desisyon na ito ng Korte Suprema.