Child rights advocate, pinawalang-sala ng CA


Binaliktad ng Court of Appeals ang naunang hatol ng Taguig Regional Trial Court sa kasong rebelyon laban sa women and child rights advocate na si Maria Salome Ujano. Agad ding iniutos ang paglaya niya mula sa pagkakabilanggo.

Masayang sinalubong ng kanyang pamilya ang women and child rights advocate na si Maria Salome Ujano, 68, o mas kilala bilang Nanay Sally, matapos ipawalang-sala ng Court of Appeals (CA) ang kasong rebelyon nitong Marso 23.

Bukod sa pagbaliktad sa inilabas na desisyon ng Taguig Regional Trial Court (RTC) Branch 266, iniutos din ng CA ang agarang pagpapalaya kay Ujano.

Hindi mapatutunayan ang paratang laban kay Ujano, ayon sa desisyon ng korte. “The evidence presented fails to establish with the required moral certainty that Ujano and (her co-accused) were among those who participated in the alleged rebellion,” saad ng desisyon.

Ikinatuwa ito ng pamilya ni Ujano. Sabi ng kanyang anak na si Klaro Ujano sa wikang Ingles, “Pinagtibay ng Court of Appeals ang matagal na naming alam—ang kaso ng aming ina ay walang batayan.”

Dagdag pa niya, isang malaking tagumpay ang paglaya ng kanyang ina, lalo pa ngayong patapos na ang Buwan ng Kababaihan.

Sa loob ng apat na dekada, nagsilbi si Ujano bilang tagapagtanggol ng mga naapi at tagapagtaguyod ng mga reporma nagbibigay proteksiyon sa mga bata. Kinikala rin siya ng UN Women Philippines dahil sa aktibong pagsusulong ng mga adbokasiya sa karapatang pantao. Isa rin siya sa nagsulong ng Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.

Maging sa araw ng pag-aresto sa kanya nagsisilbi pa rin siya sa mga inaapi. Executive director siya ng Women’s Crisis Center at nagsusulong ng proteksiyon sa mga kababaihang nakararanas ng domestic abuse.

Inakusahang kasama umano si Ujano sa ambus ng dalawang military personnel sa lalawigan ng Quezon noong 2005. Sa pagkakahuli sa kanya noong Nob. 14, 2021, Mayo 2024 na nang hatulan ng Taguig RTC ng 10 hanggang 17 taon na pagkakakulong si Ujano na binaliktad na ng CA.

Ngayong nakalaya na si Ujano, lubos ang pasasalamat kanyang sa mga sumuporta, sa mga abogado at naging parte ng Free Sally Ujano na lumaban para sa kanyang paglaya.