Agarang pagpasa ng RH Bill para sa kababaihan hindi dahil sa suporta ng US
Hindi simpleng pagpaplano sa pamilya at pagkontrol sa populasyon ang layunin ng Reproductive Health (RH) Bill kundi ang pagbibigay akses sa serbisyong pangkalusugan sa mga kababaihan, paalala ng Gabriela Women’s Party-list sa mga kongresista. Sinabi ito ni Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan, sa gitna ng pagsuporta ng US Agency for International Development (USAID) sa pagbibigay sa […]

Hindi simpleng pagpaplano sa pamilya at pagkontrol sa populasyon ang layunin ng Reproductive Health (RH) Bill kundi ang pagbibigay akses sa serbisyong pangkalusugan sa mga kababaihan, paalala ng Gabriela Women’s Party-list sa mga kongresista.
Sinabi ito ni Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan, sa gitna ng pagsuporta ng US Agency for International Development (USAID) sa pagbibigay sa mga mag-asawa ng “informed choice” sa pagpaplano ng pamilya.
Ayon kay Ilagan isa lamang ang pagbibigay ng “informed choice” sa pagpaplano ng pamilya sa mga probisyon ng isinusulong na RH Bill pero ang tunay na diwa ng panukalang batas ay ang paglalahad ng mainam na akses sa serbisyong pangkalusugan sa sektor ng kababaihan.
Dagdag pa ng kinatawan ng Gabriela Party-list, hindi nila kailanman nakitang solusyon sa lumalalang kahirapan ang isang population control agenda.
“Hindi namin nakikita ang pagdami ng populasyon bilang isang balakid sa pag-unald o sanhi ng kahirapan. Hindi namin nakikita ang pagkontrol sa populasyon bilang solusyon sa lumalalang insidente ng kahirapan sa ating bansa,” ani Ilagan.
Pinaliwanag ni Ilagan na ang nasa ubod ng RH Bill ay ang pangangailangan ng gobyerno na kilalanin at itaguyod ang karapatan ng kababaihang Pilipino sa pangangalaga sa kalusugan.
“Ang pagtiyak na natatamasa ng kababaihan at kabataan ang kanilang karapatan sa kalusugan ay responsibilidad ng gobyerno,” sabi pa ni Ilagan.
Samantala, binatikos din ng Gabriela ang pagpasa ng mga ordinansa sa lokal na mga pamahalaan laban sa pagtataguyod ng reproduktibong kalusugan ng kababaihan.
Natukoy ng Gabriela ang mga barangay tulad ng sa Bataan, kung saan sinasabing nagpatupad ng ordinansa ang mga barangay para ipagbawal ang pagbenta ng mga gamot na kontraseptibo at iba pang gamot na may ugnay sa reproduktibong kalusugan ng kababaihan.
“Mapanganib ang ordinansang ito. May malupit na epekto ito sa masama nang reproduktibo at maternal na kalusugan ng kababaihang Pilipino. Sa pagpapatupad ng naturang mga ordinansa tulad ng ipinatutupad sa Bataan, lalong nalilimitahan ang akses ng kababaihan, lalu sa mardyinalisadong mga sektor, sa ligtas at epektibong serbisyong pangkalusugan, gamit at suplay,” pahayag ni Joms Salvador, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Gabriela.
Obserbasyon pa ni Salvador, tila kinopya lamang ng Bataan ang parehong ordinansang inilabas sa Ayala Alabang sa Maynila.
“Sa panahong ito, kakatwang ipagbabawal pa ng gobyerno ang pagbenta ng mga kontraseptibo nang walang preskripsiyon ng doktor. Mga gamot na over-the-counter ang mga kontraseptibong tulad ng condoms at pills. Katunayan, tinukoy pa ang mga ito ng World Health Organization o WHO bilang esensiyal na mga gamot,” paliwanag pa ni Salvador.